Nandito lang ako sa isang sulok ng cottage, nakaupo. Pinagmamasdan ang mga kasamahan kong nagkukuwentuhan habang nag-iinuman. Kamukatmukat, tumabi sa 'kin si Kairus at inalok ako ng tangan niyang barbeque.
"Thanks, Kairus. Mamaya na lang, wala pa 'ko sa mood kumain ngayon, e," turan ko.
"Aww, sayang naman 'to. Niluto ko pa naman 'to para sa 'yo," saad niya. Tila ba nabalot ng lungkot ang kaniyang mukha.
"Huwag ka ngang gumaniyan, hindi bagay sa 'yo. Para kang isip-bata," biro ko.
"Akala ko matutuwa ka. Kanina ka pa kasi walang imik d'yan. Okay ka pa ba?" malumanay niyang tanong.
Isang ngiti ang aking pinakawalan. "Oo naman, okay na 'ko. Iyon ay dahil sa 'yo, salamat ulit..."
"Wala 'yon. Ikaw pa ba? Malakas ka sa 'kin, e," aniya.
Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng tuwa sa kaibuturan ko. Nang dahil do'n, kinuha ko 'yung tangan niyang barbeque at dali-dali kong kinagatan.
"Oh, akala ko ba wala ka sa mood?" pang-aalaska ni Kairus.
"Sayang naman 'yung effort mong ipagluto ako kung hindi ko naman kakainin," wika ko.
"Ayieee, masarap naman kasi talaga 'yung barbeque ko, parang ako," aniya sabay kindat sa 'kin. Nahampas ko tuloy siya sa braso nang wala sa oras.
"Ang kapal, ha. Umiral na naman ang kahanginan d'yan sa katawan mo," anas ko. Binigyan ko pa siya ng isang irap na tila ba nayabangan ako sa kaniya pero sa loob-loob ko, may kakaiba akong tuwa na nararamdaman.
"Okay na 'yon, kaysa ibang hangin ang lumabas," birada niya sabay tawa nang nakakaloko.
"Oo nga pala, may nakalimutan akong kuhanin. Wait lang, ha?" paalam niya. Tumango naman ako bilang tugon.
Makalipas ang ilang minuto, pagkabalik niya ay may dala naman siyang mangga. Naglaway na naman tuloy ako.
"Bakit asin lang ang sawsawan mo? Ayaw mo ng bagoong?" tanong ko pagkaupo niya sa tabi ko.
"Hindi ako mahilig sa bagoong, e. Mas dama ko kasi 'yung sarap kapag asin lang ang gamit," aniya.
Nagsimula na siyang kumain. Pinagmasdan ko lang siya. Ang sarap niya kumain, mula pagsubo, pagnguya, hanggang paglunok, para bang nahihipnotismo ako. Hulmang-hulma ang jawline niya habang ngumunguya. Maski ako napapalunok kapag napapasilay ako sa adam's apple niya.
"Hala, nalaglag," sambit niya.
Hindi ko napansin na nabitiwan ko pala 'yung tangan kong barbeque. Nakakahiya, ano eksplanaston naman ang sasabihin ko? Hindi ko naman puwedeng sabihin na nang dahil sa kaniya kaya ko 'yon nahulog. Syaks!
"Aww, sayang naman 'yung taba. Iyon pa naman ang masarap na parte ng barbeque," saad ko sabay pulot do'n sa stick.
"Ang clumsy mo naman. Ako siguro 'yung iniisip mo..." turan niya. Hindi naman siya nakatingin sa 'kin, patuloy pa rin siya sa pagkain.
"Baka kiligin ka kapag sinabi kong oo," ani ko. Hindi ko alam kung saan ako humugot ng lakas ng loob para sabihin 'yon.
Napahinto siya sa pagkain sabay baling ng atensyon sa 'kin. "Talaga ba?" nakangiti niyang sambit.
Kakaiba 'yung ngiti niya ngayon, tila ba may sila at nakakaengganyo. Para bang siyang-siya siya sa sinabi ko.
"Oy, huwag kang feeler d'yan. Joke lang 'yon, 'no," pagkakaila ko.
"Asus, pakipot talaga."
---
Pauwi na kami, sa sasakyan nila Ate Kailee kami sumakay ni Agatha. Si Kairus ang nag-da-drive. Habang nasa biyahe, para bang nilalamig ako. Nakaramdam din ako ng pananakit ng aking katawan. Tahimik lang ako sa biyahe, ipinikit ko na lang muna ang aking mga mata para makapagpahinga.
Makalipas ang ilang sandali, nagising ako dahil huminto na kami. Akala ko, nandito na kami sa 'min. Dumaan muna pala sa isang fast food para bumili ng pagkain.
"Morixette, ano gusto mong kainin?" bungad ni Ate Kailee.
"Okay na po ako sa chicken at spaghetti," matamlay kong tugon.
Umalis naman sila ni Agatha para um-order. Mag-da-drive thru na lang daw sana kami kaso tinatawag ni Mother Nature si Agatha kaya pumasok na sila sa loob.
"Hindi ako sanay sa 'yo ngayon. Kulang ka sa energy, ang tamlay mo," saad ni Kairus.
"Oo nga, e. Pagod lang siguro 'to," tugon ko.
Ilang saglit pa, dumukwang si Kairus dito sa kinalalagyan ko. Sinipat-sipat niya ang aking noo at leeg.
"Morixette, nilalagnat ka!"
---
Nagising ako sa isang kuwarto na hindi pamilyar habang pinupunasan ako ni Agatha ng maligamgam na tubig.
"Huwag ka munang magkikilos, magpahinga ka na muna," turan ni Agatha.
"Nandito tayo ngayon kina Kailee, ipinagpaalam na rin kita sa Ate mo na dito muna tayo matutulog. Hindi ko na sinabi sa kaniyang nilalagnat ka para hindi na siya mag-alala," pahayag ni Agatha.
"Salamat, Agatha," turan ko.
"Pagkatapos ko rito, kumain ka ng biskwet para magkalaman ang tiyan mo. Kailangan 'yon para makainom ka ng gamot," dagdag pa niya. Tumango na lang ako bilang tugon.
Medyo naginhawaan ako sa ginawa ni Agatha. Matapos 'yon, umalis muna siya saglit para kuhanin 'yung gamot at biskwet. Mayamaya, si Kairus na ang dumating habang dala-dala 'yung kailangan ko.
"Nagprisinta na 'ko kay Ate Agatha na dalhin 'to sa 'yo. Pasensiya na," bungad sa 'kin ni Kairus. Agad naman niya 'yong inilapag malapit sa tabi ko.
"Naku, wala 'yon. Maraming salamat," nakangiti kong sabi.
Dahan-dahan niya 'kong inalalayan para makaupo. Batid sa kaniyang mga mata ang pag-aalala.
"Nataranta ako kanina nang malaman kong nilalagnat ka. Hindi pa naman ako sanay mag-alaga ng may sakit. Sabi ko kay Ate kanina, dalhin ka na namin sa ospital. Aba, tinawanan lang ako..." kuwento niya.
"Ang OA ko raw masyado. Hindi naman daw mataas ang lagnat mo," dugtong pa niya.
"Naks naman, concern siya sa 'kin," ani ko.
Nakangiti lang siya sabay abot sa 'kin ng isang biskwet. Agad ko naman itong kinuha. Habang kumakain, hinihintay ko ang tugon niya sa sinabi ko.
"S'yempre, gusto kita..." seryoso niyang sambit habang nakatingin sa 'kin, mata sa mata.
Muntik na 'kong mabilaukan dahil sa tinuran niya. Gayon pa man, pilit ko pa ring nilunok 'yung nginunguya ko.
"Sinabi ko naman kay Ate Agatha na liligawan kita. Hindi ba niya ipinaalam sa 'yo noong pinaabot ko 'yung chocolates?"
Para akong natuod dito sa 'king kinauupuan. Saan kumukuha ng lakas ng loob si Kairus para sabihin sa 'kin 'to? Bakit ngayon pa? Hindi ko kinakaya ang kaganapan, baka bumigay ako.
"Oo, sinabi niya sa 'kin 'yon. Akala ko nga nagbibiro lang siya," sambit ko. Umiwas ako ng titig sa kaniya sapagkat baka matunaw ako.
"Mas malalaman mong totoo 'yon kung hahayaan mo 'kong ligawan ka. Sa pamamagitan no'n, mas lalo nating makikilala ang isa't isa." Hinawakan niyang bigla ang magkabila kong kamay.
"Paabot naman no'ng gamot," pag-iiba ko ng usapan. Agad naman akong kumalas sa pagkakahawak niya.
Pagkaabot ko sa gamot, agad ko naman itong ininom. Hindi naman lasing si Kairus pero ang pusok-pusok niya!
"Ano na, Morixette?" makulit niyang sambit. Nakangiti pa siya nang todo na tila ba nang-aakit.
"Kairus, masyado nang malalim ang gabi. Kailangan na nating magpahinga, bukas na lang ulit tayo mag-usap," saad ko.
Kamukatmukat, bigla niya akong hinila at ginawaran ng isang mahigpit na yakap.
"Magpahinga kang mabuti. Bukas, magaling ka na," mahina niyang sambit.
Pagkakalas niya sa yakap sa 'kin, bigla naman niya 'kong ginawaran ng isang banayad na halik sa aking pisngi. Agad siyang tumayo at lumabas ng silid matapos 'yon.
Iniwan niya 'kong nakatulala habang nakahawak ako sa pisngi kong hinalikan niya. Hindi ako mapakali, kumakabog-kabog ang puso ko.
Kakaiba itong nararamdaman ko. Kairus, ano'ng ginawa mo sa 'kin?
BINABASA MO ANG
No More Rhyme
Teen FictionHindi ko siya gusto no'ng una dahil alam kong hindi kami magtutugma. Pero loko-loko talaga ang tadhana. Ngayon, ayaw ko na siyang mawala.