Chapter 24

1.5K 77 45
                                    

"Anong ginagawa mo rito?" mapang-usisa kong tanong.

"Taga-rito ako, e. Sa 'yo ko nga dapat itanong 'yan," mapakla niyang tugon.

"Nag-text na sa 'kin si Kailee, nandito na raw ang kapatid niya," ani Agatha.

Natigilan akong bigla. Tila ba binuhusan ako ng yelo dulot ng kaba. Malaki ang tiyansa na kapatid ng kaibigan ni Agatha si Kairus. Syaks talaga!

"Ay, kayo po pala ang bisita ni Ate Kailee. Sakay na po kayo at kanina pa niya kayo hinihintay," sambit ni Kairus.

Hindi man lang siya bumaba para pagbuksan kami ni Agatha ng pinto. Walang anu-ano'y binuksan ni Agatha ang pinto sabay sakay sa loob ng sasakyan. Wala naman akong nagawa kundi sumunod na lang.

"Mukhang magkakilala kayo ni Morixette. Magkaibigan kayo?" tanong ni Agatha kay Kairus matapos nitong paandarin ang sasakyan.

"Hindi po, pareho lang kami ng paaralang pinapasukan," tugon nito.

"Nice," komento ni Agatha.

"Winner din pala 'tong kapatid ni Kailee, hindi ka na lugi," bulong sa 'kin ni Agathasaka bumungisngis.

"Kung alam mo lang, Agatha, kupal 'yan," sa isip-isip ko.

Tahimik kaming nakarating sa bahay nila. Medyo naninibago ako kay Kairus dahil ang tahimik at ang sungit niya. Kapag nasa school naman ay loko-loko at tila happy-go-lucky lang.

"Agatha! Salamat naman at dumating ka!" pambungad na bati ng isang babae sabay yakap at nakipagbeso-beso kay Agatha.

"S'yempre naman girl, special day mo 'to at alam ko namang kaunti lang kaming naimbitahan..." tugon ni Agatha.

Masasabi kong maganda siya. Maputi, makinis ang balat at halatang elitista. Tila maraming lalaki ang nahuhumaling sa kaniya. Mukhang pamilyar sa 'kin 'yung itsura niya habang pinagmamasdan ko siya.

"Oo nga pala, sinama ko 'yung kapatid-kapatiran ko, si Morixette," ani Agatha. Isang matamis na ngiti naman ang ibinahagi sa 'kin nito.

"Kilala kita," aniya.

Nagulat ako sa sinabi niyang 'yon. Kinabahan ako nang kaunti, baka ikinukuwento pala ko sa kaniya ni Kairus. Nakakahiya!

Lumapit siya sa 'kin sabay haplos sa aking buhok. Ilang saglit pa ay tiningnan niya ang clip na nasa aking buhok bago niya ko suklian ng isa pang ngiti.

"O syaks, ikaw 'yung babaeng nagbigay sa 'kin ng clip sa school!" saad ko.

"Yes, masaya ako't muli tayong nagkita," maligaya niyang tugon saka ako binigyan ng isang mahigpit na yakap.

"Masaya rin po ako, maligayang kaarawan po!" masigla kong bati.

"Maraming salamat!"

Ibang-iba ang ugali ng ate ni Kairus sa kaniya. Para bang magkasakungat sila. Ang sarap niya siguro niyang maging ate.

"Magkakilala naman na pala kayo. Sakto lang pala na sinama ko si Morixette rito," pagsingit ni Agatha.

"Yes, marami pa tayong mapag-uusapan kaya pumasok na tayo sa loob," pagyaya ni Ate Kailee.

Pumasok na kami sa loob. Ngayon ko lang namalayan na pagkarating dito, hindi ko na naramdaman ang presensiya ni Kairus. Saan kaya nagpunta 'yon?

---

Maganda ang dekorasyon sa loob ng bahay, masasabi talagang mayroong may birthday. Hindi naman mansiyon ang bahay nila, sakto lang ang laki para sa nakakaangat na mamamayan. Maluwag ang kanilang sala kaya pwedeng magsayaw-sayaw na animo'y party-party.

Panalo ang temang pink-violet sa paligid. Girl na girl ang datingan saka ang kyut din ng mga konpeti at mga lobo sa sahig na kulay pink at violet. 'Yung ibang kaibigan ni Ate Kailee ay nagkakantahan na, tila may videoke sila sa kanilang malaking TV.

Nagustuhan ko rin ang kanilang bakuran bago pumasok. Marami silang mga halaman sa labas. Mukhang certified plantita ang mommy niya.

Kaunti lang pala talaga ang bisita. Kung susumahin, wala pa sa sampu. Mukhang ang close lang talaga niya ang imbitado. Naupo na muna ako sa may sofa habang nagkakasiyahan silang magkakaibigan.

"Morixette, kapag nagugutom ka na, punta ka lang sa may kusina," ani Ate Kailee.

"Ay sige po," tugon ko.

Medyo nagugutom na ko pero nahihiya akong kumain hangga't hindi kasama si Agatha. Si Agatha naman kasi e, bidang-bida sa pagkanta. Mukhang mahirap siyang pigilan kaya kailangan kong magtiis.

Masaya lang akong nanunuod sa magkakaibigan na nagkakasayahan. Kamukatmukat, may lalaking bumababa sa hagdan. Naka-jersey shorts siya ng kulay pula at sandong kulay puti. Hindi ko maiwasang hindi mapatingin sa kaniyang namumutok na braso.

"Kapatid ko 'yan. Bet mo?" sambit ni Ate Kailee.

Tila ba tinubuan ako ng hiya matapos kong makitang natingin pala sa 'kin si Ate Kailee. Nakakahiya, baka iniisip pa niyang pinagnanasahan ko ang kapatid niya.

"Naku, Ate, hindi. Ang hangin kaya ng lalaking 'yan," saad ko.

"Sus, mukhang magkakilala nga kayo. Nabanggit sa 'kin kanina ni Agatha na schoolmate kayong dalawa ni Kairus. Mabait naman 'yan," aniya.

Isang ngiti lang ang itinugon ko. Para maiba ang usapan ibinaling ko ang aking tanong sa kanilang magulang. Napansin ko kasing wala sila rito.

"Nasaan po pala ang magulang n'yo? Hindi ko pa po kasi sila napansin simula kanina," saad ko.

"May inaayos kasi silang business sa Davao kaya wala sila rito ngayon. Pero okay lang, sanay naman na kami ni Kairus na wala sila madalas," pahayag niya.

"Ay, gano'n po pala..."

"Hi Morixette," bati sa 'kin ni Kairus sabay kindat na may kasama pambubuyo.

Hindi ko siya pinansin at nagkunwari ako na walang narinig. Dumiretso naman siya agad sa kusina para kumuha ng pagkain.

"Feeling ko magkakasundo kayong dalawa ng kapatid ko. Tiyaga lang," sambit ni Ate Kailee bago niya ibinalik ang kaniyang atensiyon sa mga kaibigan.

Hay, sa panaginip siguro. Kanina lang, ang sungit at ang lamig ng pakikitungo niya sa 'min ni Agatha tapos ngayon, bumalik ang ugali ng Kairus na kilala ko. May sayad yata 'to sa utak.

Ilang sandali pa, nakaramdam na rin ako ng pagkagutom. Tatawagin ko sana si Agatha para magpasamang kumuha ng pagkain pero nahihiya akong lumapit sa kanila. Nilakasan ko na lang ang loob ko at tumungo na ko sa may kusina.

Nadatnan ko si Kairus na kumakain ng spaghetti at carbonara. Hindi ko na lang siya pinansin at kumuha na ko ng pinggan. Sa dami ng pagkain sa hapag, hindi ko tuloy alam kung ano ang kakainin ko. May mga ulam, pasta at desserts, mukhang tiba-tiba ako ngayon.

Isa-isa kong dinaanan ang mga nakahandang pagkain. Lahat ng meron sa lamesa ay kumuha ako. Hindi lang ako kumuha ng kanin dahil mabigat na sa tiyan ang pasta. Pagkatapos ay tumungo ako sa may lamesa, tatlong dipa ang layo mula sa kinauupuan ni Kairus.

"Ang siba, a. Gutom na gutom?" komento nito pagkatapos kong maupo.

"Tse, walang pakialamanan. Gutom kung gutom, wala kang pake. Kumain ka na nga lang diyan," anas ko.

Hindi na ko nag-abala pa't sumubo kaagad ako ng spaghetti. Napapikit ako sa sarap dahil ang sarap ng spaghetti. Grabe, heaven talaga! Ayoko kasi sa italian style na spaghetti, mas okay kung matamis tapos ma-sauce. Kung sino man ang nagluto nito, mahal ko na siya!

"Huy, ang ingay mong kumain. Kung makahigop ka naman, wagas. Maingay ka rin siguro kapag kinain," sambit niya habang ngingisi-ngisi.

"Ha? Anong pinagsasabi mong kolokoy ka? Sorry na kung medyo maingay, nasarapan lang kasi talaga ako," saad ko habang nagtataray.

"Talaga? Panalo ba ang lasa?" tanong niya.

"Panalong-panalo! Sa sobrang sarap, mahal ko na nga 'yung nagluto, e," wika ko.

"Aww, na-tats naman ako ro'n. Salamat sa pagmamahal mo," aniya sabay pakawala ng isang matamis na ngiti.

"Luh?" sa isip-isip ko.

No More RhymeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon