Chapter 40

275 17 6
                                    

Napabalikwas ako sa aking pagkakaupo at dali-daling tumayo. Nginitian lang ako ni Kairus dahil tila ba nataranta ako nang makita ko ang daddy niya. Matapos 'yon ay dumiretso na siya papasok habang tangan 'yung maleta. Sunod din namang pumasok 'yung daddy niya.

"Magandang hapon po," magalang kong sambit. Lumapit agad ako sa kaniya at nagmano.

"Oh, ikaw siguro 'yung bagong nililigawan ng anak ko," nakangisi niyang sambit. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko kaya ngumiti na lang ako nang matipid. Ang awkward tuloy bigla ng atmosphere.

"Well, mana nga talaga siya sa 'kin, magaling pumili; alam na alam kung paano kumilatis ng maganda," sambit niya nang nakakaloko. Mukhang mapagbiro 'tong daddy ni Kairus kaya nakisakay na lang ako.

"Naku, sakto lang naman po, hindi naman po ako gano'n kaganda," pa-humble kong sambit sabay hawi ng aking buhok palikod sa aking tainga.

"Iyan, d'yan mo marahil nakuha ang puso ng binata ko," tatawa-tawang sambit pa nito bago 'to naglakad palayo. Marahil ay tumungo na siya sa kaniyang silid upang makapagbihis.

Tila ba nabunutan na ako ng tinik dahil umalis na rin ang dad niya. Mana nga sa kaniya si Kairus, bolero din, e. Naupo na muna ako ulit sa may sofa at ipinikit saglit ang aking mga mata sabay pakawala ng isang buntong-hininga.

"Ano'ng sabi sa 'yo ni Daddy?" bulong ni Kairus sa tainga mula sa aking likuran. Bahagya akong nakiliti dahil do'n.

"Ihh, kilabutan ka nga, Kairus! Huwag mo ngang idikit nang gano'n kalapit 'yung mukha mo, baka makita pa tayo ng daddy mo o kaya ni Manang at mag-isip pa ng kung ano," irita kong sambit sa kaniya.

"Hayaan mo sila, wala naman tayong ginagawa na masama," nakangisi niyang hirit. Napailing na lang ako dahil sa sinabi niyang 'yon. Gusto ko sana siyang kurutin ngunit kailangan kong magtimpi dahil nand'yan ang dad niya.

"Naku, pasalamat ka Kairus at nand'yan 'yung daddy mo. Kundi, makakatikim ka talaga sa 'kin," anas ko.

"Yieee, talaga ba? Ano naman ang ipapatikim mo sa 'kin?" tanong niya nang nakakaloko habang nagtataas-baba pa ang kaniyang dalawang kilay. Siyang-siya talaga siya kapag tinutuya niya 'ko, lumapit pa talaga siya sa 'kin dito sa harapan ko, isang dipa na lang ang layo namin ngayon sa isa't isa.

"Matitikman mo talaga ang isang malutong na sampal kapag hindi ako nakapagtimpi," giit ko na may kasamang panggigigil. Hindi naman ako galit sa kaniya, naiinis lang ako sa kahanginan niya.

"Aww, akala ko naman ay ipatitikim mo na ang malutong mong pagmamahal," wika niya sabay kindat pa sa 'kin.

"Yuck, malabong mangyari 'yon. Baka mauna pang pumuti ang uwak bago kita magustuhan," pagsupla ko.

Lalong lumawak ang ngiti niya matapos kong sabihin 'yon. "Huwag kang mag-alala, mayroon ng puting uwak. Kaunti na lang, magugustuhan mo na 'ko," saad niya.

"Tse! Bahala ka nga riyan," ani ko. Hindi ko alam na may puti na palang uwak. Muntik na akong madali roon, muntik na 'kong madali sa mabulaklak niyang salita. Unti-unti na kasing bumibilis ang tibok ng puso ko kaya dapat kong ibahin ang usapan.

"Yieee, gusto mo na yata ako, e," pangungulit niya pa.

"Ang corny mo, para kang isip-bata," sambit ko sabay pitik sa kaniyang noo. Hindi naman 'yon malakas, tila ba pabiro lang.

"Ah, gano'n? Tingnan natin kung sino ang mas magmumukhang isip-bata," aniya. Kamukatmukat, bigla siyang lumapit sa 'kin at pinagkikiliti ako sa may beywang.

"Ahh! Kairus! Tama na! May kiliti ako riyan!" sigaw ko. Hindi ko mapigilan ang sarili ko kaya napaliyad ako at natumba sa may sofa. Ayaw talaga akong tigilan ni Kairus, tuwang-tuwa siya sa ginagawa niya habang ako naman ay halos papaiyak na sa sobrang kiliti.

No More RhymeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon