Kabi-kabila na ang mga planong nabubuo sa isip ko ngayon.
Anong gagawin ko ngayon? Saan ako magtatago? Magtatago ba ako? Hahanapin ba nila ako kung sakaling hindi na ako magpakita? Huli na ba para magpa-transfer ng ibang school?
Namumutla akong humilata sa kama habang pinagmamasdan ang ceiling ng kwarto ko.
"Paano ko siya haharapin niyan kung may kasalanan na naman ako sa kanya?" bulong ko sa sarili bago muling bumuntong hininga. "Paano ko siya haharapin kung narinig niya yung sinabi ko kahapon?"
Hindi ko tuloy nagawang pigilan ang sarili ko na sisihin si Nathalie. Kung hindi lang niya ako dinramahan kahapon, e 'di sana ay walang mangyayaring ganito. Kung umiyak na lang siya nang mag-isa, e 'di sana ay hindi ako namomroblema ngayon. Bakit kasi sa dinami-rami ng pagkakataon na pwede niya akong kausapin, bakit kahapon pa?
Hindi ba uso sa kanya ang emails? Bakit kaya hindi niya na lang naisip na padalhan na lang ako ng text message, o kaya ay kausapin niya na lang si Lucas at sa kanya na lang ipadala lahat ng hinanaing niya tungkol sa akin.
Hindi ba siya nag-iisip?
At bakit naman kasi biglaan kung sumulpot si Travis?
"Hindi ba siya tinuruan ng parents niya na dumistansya kapag may nakitang nag-uusap nang pribado?" singhal ko sa sarili bago muling dumapa mula sa pagkakahiga. "Hindi ko alam na mas lalo lang masisira ang buhay ko sa lugar na ito," dagdag ko pa bago sumimangot.
"Empress Faye, nandyan ka ba?"
Wala akong ibang nagawa kung hindi ang mag-isip ng mga paraan na maaari kong gawin upang kahit na papaano ay makatakas pa ako sa mga kasalanan ko sa kanya. May posibilidad kaya na sumama ang loob niya sa akin? Paano na lang kung mas lalo niya lang akong ayawan nang dahil sa ginawa ko?
"Nakakabwisit..."
"Empress Faye!"
"Ano ba?" sigaw ko pabalik.
Nang dahil sa labis na pag-iisip, ni hindi ko na namalayang kanina pa pala tumatawag mula sa labas ng kwarto ko si Kuya Lucho. Mas lalo lamang akong nairita nang muli ko na namang narinig ang paulit-ulit niyang pagkatok sa pintuan ng kwarto ko.
"Ano bang kailangan mo, Luchianno?" muli ko na namang sambit habang pinapakinggan ang paulit-ulit niyang pagdamba sa pintuan ng kwarto ko.
"May pasok ka, hindi ba?" muli nitong sambit dahilan upang pabagsak ko muling inihiga ang sarili ko sa kama kasabay ng pagbalot ng sarili ko sa comforter. "Wala ka bang balak na pumasok? Anong oras na, Empress Faye!"
"Hindi ako papasok!" sigaw ko sa kanya pabalik. "Hinding hindi na ako babalik sa university na iyon! Hindi na ako papasok! Babalik na lang ako sa Barcelona!"
"Nag-usap na tayo, hindi ba?" singhal niya sa labas ng pintuan na hindi ko sinagot. "May problema ba, Faye? May problema ka ba sa school?"
Oo. Isang malaking problema. Ni hindi ko nga alam kung paano kong bibigyan ng solusyon yung problemang iyon.
Sa tuwing maaalala ko yung mukha ni Travis kahapon, hindi ko mapigilang makaramdam ng takot. Natatakot ako sa kanya. Ni hindi ko nga alam kung tama ba itong nararamdaman ko. Tama lang ba na matakot ako sa kanya gayong wala naman akong ginawa na pwede niyang ikagalit? Oo, may nasabi ako sa kanya kahapon pero...
Masama bang magsabi ng totoo?
Totoo namang hindi ko siya ginusto, ah? Hindi ko siya gusto. Hindi mo siya gusto, Faye. Nararamdaman mo lang ang lahat ng ito dahil... dahil infatuated ka sa kanya!
Nagkakagusto ka lang sa kanya dahil... dahil matalino at arogante siya! Iyon lang naman ang dahilan hindi ba?
At... totoo namang masama ang ugali niya, ah? Ano bang ine-expect niyang sasabihin ko? Na mabait siya at marunong siyang makitungo sa ibang tao? Kung hindi nga lang dahil sa akin ay hindi mapapansin ng mga kaklase namin yung presensya niya, ano! Tama. Tama ka, Faye. Dapat nga ay magpasalamat siya sa 'yo dahil... dahil kung hindi dahil sa 'yo, e 'di sana ay nobody na lang siya sa school ngayon?
BINABASA MO ANG
ETERNAL SERIES: Marry Me, Travis!
RomanceEmpress Faye Tyler wholeheartedly accepts her parents' will to marry the man she never met just to convince Chester Travis Bonifacio-the man who breaks her heart into pieces-that she is no longer in love with him. She had no idea that the man she wa...