2

2.6K 1 0
                                    

Pagdating namin ni William sa bahay ay agad akong dumiretso sa kusinang kadugtong lang ng aming salas. Kumuha ako ng baso mula sa tauban ng mga pinggan at pagkatapos ay binuksan ko ang aming refrigerator at nagsalin ng malamig na tubig. Pakiramdam ko nang mga sandaling iyon ay tuyong-tuyo ang lalamunan ko na para bang naglakad ako ng matagal sa gitna ng disyerto. Ngunit, sa pagguhit ng malamig na tubig sa aking lalamunan ay hindi pa din napawi ang nararamdaman kong bigat sa aking dibdib. Kahit siguro ubusin ko ang laman ng pitsel ay hindi ito mawawala.

"Diba absent ka sa trabaho ngayon?" nadinig kong tanong ni William habang nakaupo sa sofa at nagtatanggal ng sapatos. Hindi ako sumagot. Inis na inis pa din ako sa kanya hanggang ngayon. Alam kong alam niya ang sagot sa sarili niyang katanungan. Dahil sa appointment naming ito sa doktor, ipinasya kong 'wag munang pumasok sa pinagtatrabahuan kong department store bilang isang kahera. Alam ko ding dahil sa ginawa kong ito'y malaki na naman ang makakaltas sa suweldo ko. May patakaran kasi ang aming kumpanya, upang maiwasan o mabawasan ang palagiang pagliliban ng mga empleyado, na kapag umabsent ka ng isang araw na wala ka namang sakit o hindi ka nagpaalam ng maayos, tatlong araw ang ibabawas nila sa suweldo mo. Oo, hindi ito makatarungan sa parte naming mga manggagawa, ngunit dahil sa hirap maghanap ng trabaho sa panahon ngayon, nilunok na lang namin ito. At hangga't maaari, kung hindi din naman talaga masyadong importante at kailangang-kailangan kagaya ngayon, iniiwasan na lang namin ang lumiban ng araw sa trabaho.

"Mag-over-time ka muna sa trabaho ng mga isang linggo para mabawi mo ang kakaltasin sa suweldo mo," pagpapatuloy pa niya na ngayon ay nasa bandang likuran ko na't paakyat ng hagdan papunta sa ikalawang palapag ng bahay kung saan naroon ang aming kuwarto. "'Yung baka nga pala na nandiyan sa ref, 'wag mo na munang lulutuin. Hindi kasi ako dito kakain mamaya. Pupunta ako kina Dennis at mag-aassemble kami ng PC. Ikaw lang naman ang kakain dito mamaya. Magluto ka na lang muna ng itlog o hotdog."

Bigla akong humarap kay William habang papaakyat siya ng hagdan. "May iba pa po ba kayong ipag-uutos o ipagbibilin, sir?"

Wala na akong nahitang kasagutan mula sa buwisit kong asawa. Kaya naman nagpunta na lamang ako ng salas at naupo ng pasalampak sa sofa na parang mabigat ang katawan. Hindi pa din talaga maalis sa isipan ko ang mga sinabi ng doktor kanina. Idagdag pa sa sakit ng kalooban ko ay ang mga pananalita sa akin ni William. Ang kapal-kapal talaga ng mukha niyang pagsalitaan ako ng ganun. Nakakainis! Nakakatuyo ng dugo! Hindi ko tuloy maiwasang tanungin ang sarili ko kung bakit siya pa ang napangasawa ko.

Isang batugan, pala-utos at walang trabahong kagaya niya. Oo, wala talaga siyang trabaho. Ang totoo ay ako lang ang kumakayod sa aming dalawa. Ako ang nagbabayad ng tubig at kuryente, ako ang bumibili ng pagkain namin. Siya? Anong ginagawa niya? Ang maglaro ng video games sa kanyang computer maghapon. Ang sabi niya, nirerecord daw niya ang kanyang mga laro niya at inaupload sa YouTube. Minsan naman, naglalaro siya ng live sa isang streaming website upang mapanood ng ibang tao. Ito ang gusto niyang gawin sa buhay niya ng fulltime. Naengganyo siyang gawin ito dahil sa madaming mga taong gumagawa ng ganito sa internet at sinasabi nilang kumikita sila ng malaking pera dito. Eh si William, sa apat na taong ginagawa niya ito, magkano na ba ang kinita niya? Aba, pinakamalaking kinita na niya ay isang-libong piso! At 'yun ay two years ago pa!

Siyempre, kinukimbinsi ko pa din siya na maghanap ng matinong trabaho, dahil graduate naman siya ng computer science. Kailangan ko din siyempre ng katuwang sa mga gastusin dito sa bahay. Napapagod din naman kasi ako sa kakakayod. Ang sagot niya sa akin, kapag madami na daw siyang subscribers at kumikita na ng pera, hindi ko na daw kailangan magtrabaho. Aba'y kelan pa mangyayari iyon? Kapag patay na ako sa gutom? At saan pa nga ba hahantong ang ganung usapan namin kundi sa pagtatalo at pag-aaway. Ganun na ang buhay namin mula ng magsama kami. Away-bati. Pero, most of the time ay away talaga. Walang araw ang lumipas na hindi kami nagtalo tungkol sa isang bagay. Maliit man o malaki. Pero, isa lang talaga ang ipinagpapasalamat ko. Hindi ako pisikal na sinasaktan ng asawa ko. Pero... Pero! Ang matindi naman ay ang mental torture na madalas niyang ginagawa sa akin! Kagaya nga kanina habang nasa taxi kami at 'yung mga sinabi niya kanina lang nang dumating kami. Diba't parang pagtotorture na 'yun sa utak ko?

Hindi naman ganito dati si William noong nanliligaw pa lamang siya at noong maging kami. Kagaya ng dapat asahan sa mga lalaking nanunuyo, mabait siya noon. Malambing. Maalalahanin. Lagi nga niya akong kinukumusta sa text kung kumain na ba ako, kung pagod ba ako, kung kumusta ang araw ko, lagi niya akong sinusundo mula sa trabaho at hinahatid pauwi, mga ganung bagay. Nang dahil sa mga magagandang katangiang ipinakita niya sa akin, sinagot ko siya sa kanyang panliligaw. At makalipas lamang ang mahigit dalawang taon ay nagpakasal kami, taliwas sa kagustuhan ng kanyang mga magulang. Lalo na ang kanyang ina.

Isa lang ang naiisip kong dahilan kung bakit ayaw sa akin ng mga magulang niya. Iyon ay dahil sa mahirap lang ako o ang pamilya namin. Bukod doon, wala na akong ibang maisip. Dahil alam ko sa sarili ko na kahit salat ang pamilya namin sa madaming bagay, may mabuting kalooban naman ang pamilya ko. Dangan nga lamang, dahil sa kasalatan namin sa buhay, midwifery lamang ang kursong nakuha ko sa kolehiyo. Dahil dito, medyo nahirapan akong makakuha ng maayos at permanenteng trabaho. Kaya't nung matanggap akong kahera sa isang department store, hindi ko na ito pinakawalan.

At siyanga pala, nabanggit ko ba na ako din ang nagbabayad sa upa ng tinitirhan naming duplex na bahay? 'Tang-ina, akin talaga ang lahat. Mabuti na lamang at hindi gaanong kamahalan ang binabayaran namin buwan-buwan. Sa ngayon, bakante ang kabilang bahay. Tatlong buwan na ang nakakaraan nang mabakante ito dahil pinalayas ng may-ari ng bahay ang mga dating nangungupahan dito. Masyado daw kasing salaula at madumi ang mga taong 'yun. Sa akin ay okay lang naman 'yung mga dating nakatira. Wala naman akong masabi dahil wala din naman silang ginagawang hindi maganda sa amin.

So, 'ayun... 'Yun ang buhay ko. Ako nga pala si Sally. Sally de Leon. Quintos nung dalaga pa at thirty-two years old.

OVER THE HILL (SPG R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon