Hapon na nang makabalik ako sa ospital. Tumila na din ang ulan na nag-umpisang pumatak kanina pagkatapos naming magkita ni Erick... Si Erick... 'Tang-inang 'yan. Hindi ko talaga akalain na ganun ang itinatakbo ng utak niya nung lumapit ako sa kanya upang humingi ng tulong. Alam ko na malaki sana ang magiging tulong ng pera niya kung tinanggap ko. Pero hindi ko masisikmurang gawing kabayaran ang dangal ko, katawan at pagkatao.
Kung kinapalan ko na ang mukha ko noon sa paglapit kay Erick, mas dinoble ko pa ito nang ang mga magulang naman ni William ang tinawagan ko. Alam kong makakatikim ako ng mga maaanghang sa salita sa nanay niya kaya't tatag ng dibdib na lang ang pinairal ko. Handa na ako noong tanggapin ang mga salita nila, ngunit mabuti na lamang at katulong ang nakasagot ng telepono. Wala daw ang mga biyenan ko sa kanila at nagbakasyon sa Davao. Sinabi ko dito ang sitwasyon namin at nangako naman ang kasambahay na ipaparating kaagad sa mga ito ang balita. Magkaganun pa man, umaasa ako na tutugon ang mga magulang ni William sa panawagan ko.
Bago ako bumalik ng ospital ay tumambay muna ako sa isang kanto. Nagmunimuni. Makaraan ang ilang minuto'y dinukot ko ang cellphone ko sa bulsa at tiningnan ang mga contacts ko sa aking telepono. Inisa-isa ko ang mga ito base sa kapasidad nilang matulungan ako sa aking problema. Kalaunan, nakalikom ako ng sampung tao na kailangan kong tawagan. At sa sampung 'yun, apat lang ang tumugon. At sa apat na 'yun, tatlo ang nagpahiram sa akin ng perang pambayad sa ospital. Sumatutal, nakalikom din ako ng mahigit sa pitong libong piso. Maliit na halaga, oo, pero malaking tulong na din kung tutuusin. Kesa sa wala.
Pagdating ko ng ospital, nasiyahan ako nang sabihin sa akin ng isang nurse na inilipat na sa isang kuwarto si William mula sa ICU dahil ligtas na daw ito sa kapahamakan. Nang pumunta ako sa kuwartong pinagdalhan sa kanya'y nasorpresa ako nang may makita akong isang lalaki na nakaupo sa isang silya doon. Si Bobby.
"Bobby? Anong ginagawa mo dito?"
Tumayo siya mula sa upuan pagkakita sa akin at isinilid sa bulsa niya ang kanyang cellphone. "Hi, Sally. Nabalitaan ko sa mga kapit-bahay ang nangyari. Baka kako may maitutulong ako, kaya ako nagpunta dito. Pinauwi ko na din muna si Aling Lydia."
"Hindi ka na sana nagpunta dito, Bobby. Nakakahiya naman sa'yo."
"Okay lang. Wala naman akong trabaho ngayon eh. Wala din akong gagawin sa bahay. Naisip ko na lang na maging kapaki-pakinabang, kahit papaano."
Natawa ako sa ginamit niyang salita. "Kapaki-pakinabang talaga?"
"Tongue twister ba?"
Lumapit ako sa kinahihigaan ng wala pa ding malay na si William. Alam kong hindi maganda ang naging pagsasama namin bilang mag-asawa, pero ngayon sa kalagayan niya'y nakakaramdam ako ng awa. Kung anu-anong mga plastic na tubo at aparato ang nakakabit sa kanyang katawan. Para bang anumang oras, kapag may hindi gumana sa mga ito'y malalagutan na din siya ng hininga. Kahit na hindi naging maganda ang aming pagsasama, ayoko pa ding mawala siya. Asawa ko pa din siya kahit papaano.
"Siyanga pala, Sally," anas ni Bobby mula sa aking likuran. "Sorry nga pala dun sa naging pag-uusap natin noong nakaraang gabi. Binabawi ko na ang mga sinabi ko. Siguro'y may tama pa ako ng alak noon kaya't ganun na lang ang mga pinagsasabi ko. Sorry ulit."
Tumingin ako sa kanya na may ngiti. "Kalimutan mo na 'yun. Sorry din kung may mga sinabi din ako sa'yong hindi magaganda. Pero, tama ka sa sinabi mo. Ilang beses ko nang pinag-isipan na iwanan si William. Pero, hindi ko magawa. Natatakot kasi ako sa magiging resulta ng gagawin ko."
"Kung sa tingin mo naman, iyon ang tama at kung 'yun ang makakabuti para sa'yo, bakit mo kinatatakutan ang maaring mangyari? Sinabi na din sa akin ng mga kapit-bahay kung anong klaseng pagsasama ang meron kayo. Hindi sa tsismoso ako ha at hindi ko alam kung ano ang buong detalye, pero base sa mga nadinig ko, hindi ko alam kung bakit nagtitiis ka pa".
BINABASA MO ANG
OVER THE HILL (SPG R18)
Short StoryWARNING!! R18 This is a short erotic story with themes and sexual topics not intended for minors.