8

1.4K 0 0
                                    

Tumayo ako sa kinauupuan ko nang makita ko ang doktor na papalabas ng emergency room. Halos lagpas dalawang oras na din ang nakakaraan matapos naming isugod dito sa ospital si William. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil tinulungan ako ng kapit-bahay naming mag-asawa na sina Aling Lydia at Mang Yano. Meron silang pag-aaring pampasaherong jeepney na siya naming ginamit kanina. Hindi ko lang alam kung kinakailangan naming magbayad sa kanila dahil sa ginawa nilang ito. Hanggang ngayon nga ay nandito pa din sila sa ospital at hindi pa din ako iniiwan.

"Dok?" salubong ko dito habang pinagpapawisan ang mga palad ko dahil sa nerbiyos na hanggang ngayon ay hindi pa din mawala-wala sa katawan ko. "Kumusta ho ang asawa ko?"

Tinanggal ng doktor ang kanyang surgical mask nang magkaharap na kami. "Misis, ang mister nyo ho ay mayroong intestinal perforation."

"A-ano ho 'yun?"

"Sa madaling salita, may nakita kaming butas sa kanyang stomach at intestine. Sa tiyan niya at sa bituka. Ito ang dahilan kung bakit may mga lumabas na mga dumi at stomach acid mula dito at napunta sa kanyang sistema."

"Ho?" Gulat ako sa aking nadinig. "Papaano hong nangyari 'yun?"

"Well, it can be due to a number of reasons, including appendicitis or diverticulitis. Most common siyempre ang appendicitis na nakukuha sa paninigarilyo at sa sobrang pag-iinom ng alak. Puwede ding dahilan ang madalas na pagpapalipas ng gutom."

Napaisip tuloy ako. Hindi naman naninigarilyo si William. Hindi din naman siya madalas umiinom. Paminsan-minsan lang. Kung ganun, ang maaaring maging sanhi lamang ay ang madalas nitong pagliban sa pagkain at pagpapalipas ng gutom. At siyempre, walang ibang dahilan kung bakit madalas siyang malipasan ng gutom kundi ang sobrang paglalaro niya ng video games. Minsan nga, halos umaabot pa ng mahigit dose oras ang pagbababad niya sa harap ng computer niya. To the point na hindi na siya kumakain. Kapag papasok ako sa trabaho at iiwanan ko siyang naglalaro, chances are aabutan ko pa din siyang ganun sa pag-uwi ko.

"Misis, may idea ba kayo kung bakit nagkaganito ang mister nyo?"

"May alam ho akong dahilan. So, ano hong kailangan nating gawin, doc para magamot siya?"

"Of course, ang course of action natin nito ay surgery. Kailangan nating isarado ang mga butas na nakita natin sa system niya. Worst case scenario, kailangan nating putulin ang affected area o areas ng kanyang bituka at saka ulit natin 'to pagdudugtungin. Not to mention na kailangan din nating linisin ang sistema niya from foreign materials na lumabas mula sa bituka niya."

Napahawak ako sa noo ko dahil sa mga nadinig ko. Hindi man ako dalubhasa, pero alam kong kinakailangan kong maghanda ng pera para sa operasyo ni William. Ang tanong ko lang ngayon: magkano ang kakailanganin ko at saan ako kukuha ng pera?

"Misis, alam ko ho kung ano ang inaalala nyo ngayon," dagdag pa ng doktor. "Don't worry, some of the hospital bills will be covered by insurance."

Hindi man lang nakapagbigay ng kapanatagan sa akin ang sinabi ng doktor. Oo nga, makocover ng health insurance ko si William, pero alam kong magkano lang ang matitipid ko. Malaki-laki pa din ang maiiwang bayarin namin. "Salamat ho. Pero, magkano ho ang kailangan naming ihanda?"

"Ang mabuti pa, iha ay makipag-ugnayan ka na lang sa billing department namin. Mabibigyan ka nila ng idea kung magkano ang kakailanganin nyo para sa operasyon."

"Sige ho, dok. Maraming salamat ulit."

Nang tumalikod na ang doktor ay muli akong bumalik sa aking pag-iisip. Nag-aalala ako, sa totoo lang sa kalagayan ni William, pero sa likod ng isip ko'y sinisisi ko siya kung bakit nangyari ito sa kanya. Sarili din naman niyang katarantaduhan ang naglagay sa kanya sa sitwasyong ito. Alam kong hindi dapat, ngunit kasabay ng pag-iisip ko sa kalagayan niya'y ang pagngingit-ngit ko sa galit dahil muli, gumawa na naman siya ng problema at sakit sa ulo.

OVER THE HILL (SPG R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon