Ang sarap damhin ng malamig na hangin sa pisngi ko. Nakakapawi ng mga hinanakit sa buhay. Nakakawala ng pagod. Nakakatuyo ng luha. Masama ang loob ko ngayon dahil sa pagdating ng mga magulang ni William kanina. Para tuloy akong nagsisisi sa ginawa kong pagtawag sa kanila. Naisip ko na sana'y sinolo ko na lang ang lahat. Hindi na lang sana ako umasa sa kanila. Hindi sana ako nakatikim ng mga maaanghang na salita. Naku! Kung hindi ko lang talaga biyenan ang babaing 'yun, at kung hindi lang siya matanda, malamang na nasuntok ko na 'yun sa mukha. Pasalamat siya, dahil kahit hindi ako nakatapos ng pag-aaral ay may natutunan akong magandang asal. Hindi kagaya niya na sa kabila ng malaking perang ibinayad nila noon sa pag-aaral niya sa mamahaling eskuwelahan, wala siyang natutunang modo.
Huminga ako ng malalim upang pawiin ang bigat ng dibdib ko. At pagkatapos ay inaliw ko na lang ang sarili ko habang pinagmamasdan ang paligid. Ang mga tao at mga sasakyang nagdaraan sa kalsada. Natagpuan ko na lang ang sarili ko kanina na nasa labas ng ospital matapos ang salpukan namin ni Divina sa loob. Hindi ko kasi kayang tagalan ang ugali ng matandang 'yun. Para akong sinasakal kapag nagkakasama kami sa isang kuwadradong lugar. Parang feeling ko, kapag ikinulong kaming pareho sa isang silid, in five minutes, isa sa amin ang mamamatay agad.
Natigilan ako sa pag-iisip ko nang maramdaman kong may lumapit sa akin mula sa likuran. Paglingon ko'y nakita ko si Bobby. Tumayo siya sa kanan ko at saka ako inabutan ng isang stick ng sigarilyo. "Pampakalma," saad pa niya.
Napatingin muna ako ng diretso sa kanya. Parang gusto kong itanong kung bakit nandito ulit siya. Wala ba siyang gagawin sa bahay nila? Bakit pa niya kailangang pumunta dito sa ospital? 'Wag niyang sabihin na close na agad sila ni William pagkatapos ng inuman nilang 'yun. Best of friends na agad sila? Hindi siguro. Hindi ko din tuloy naiwasang kilitiin ang utak ko. Ako ba ang ipinunta niya dito?
"Salamat." Inabot ko ang sigarilyo at sinindihan sa lighter na nanggaling din sa kanya. Tama nga ang sinabi niya. Unti-unti kong nararamdaman ang pagkalma ng mga kalamnan ko habang humihithit ako at bumubuga ng usok.
"Hindi ko sinasadyang madinig ang mga pinag-usapan nyo sa loob," aniya habang nagsisindi din siya ng kanyang sigarilyo.
Napangiti ako. "Nakakahiya naman. Nadinig mo pa ang kadramahan ng buhay namin."
"Sorry kung ganun. Hindi ko lang lubos maisip kung paano mo natagalang makisama sa mga ganung klaseng tao."
"Sino, ang biyenan ko?" Hinithit ko ulit ang sigarilyo at saka ibinuga ang usok. "Hindi ko naman sila nakakasama. Halos ilang taon ko din silang hindi nakita."
"At ngayong nagkita-kita kayo, ganun pa ang kinauwian."
"Inaasahan ko na 'yun. Kahit kailan, hindi ko inisip na magiging magaan ang kalooban nila sa akin."
"Nadinig ko din na kukunin nila si William?"
Tumango ako sabay hithit at buga. "'Yun ang masaklap eh. Tatanggalan nila ako ng karapatang alagaan ang asawa ko sa panahong dapat ako ang nasa tabi niya."
"Sa tono ng pananalita ng matandang babae kanina, malamang na kapag nakuha na nila si William, maaaring kumbinsihin nila itong 'wag nang bumalik sa'yo."
Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. "Paano mo namang nasabi 'yan?"
Nagkibit-balikat muna siya bago sumagot. "Naisip ko lang. Bakit, may posibilidad bang mangyari 'yun?"
Napaisip tuloy ako. Oo nga 'no. Sa umpisa pa lang kasi, ayaw na talaga nila sa akin para kay William. Siguro, sa isip-isip ko, hanggang ngayon ay hindi pa din sila sumusuko sa pag-asang matatauhan ang anak nila't iwanan ako. "Ewan ko. Ayoko munang isipin ang bagay na 'yan. Ang importante ngayon ay gumaling si William. Kung ano man ang mga susunod na mangyayari, saka ko na siguro 'yun poproblemahin. At isa pa, si William na mismo ang umalis sa kanila noon para sumama sa akin. Kumbaga, kagustuhan niya mismo 'yun. Tinakasan niya ang mga magulang niya. Alangan namang bumalik pa siya, diba?" 'Yun na lang ang pinanghahawakan ko. Ang magdesisyon mismo si William na huwag sumama sa mga magulang niya kapag nagising siya.
"Look, Sally." Humarap sa akin si Bobby. "Katulad ng sinabi ko sa'yo noong una. You deserve better than this. Alam kong hindi mo maiiwan si William sa ganitong kalagayan. Pero, kapag dumating ang oras na magbago ang isip mo, sabihan mo ako."
"Bakit?" takang tanong ko.
"Kung lalayo ka man sa lahat ng ito, gusto kitang samahan."
Natulala ako sa sinabi niya. "A-anong ibig mong sabihin?"
Hinawakan niya ako sa magkabilang braso at iniharap sa kanya. "Sally, nung una pa lang kitang nakita, nagkagusto na agad ako sa'yo."
"Ha?"
"Alam kong may asawa kang tao. Pero noong nalaman ko ang kalagayan mo, na hindi ka masaya sa piling ng asawa mo, naisip ko mas magiging maligaya ka kung ako ang makakasama mo sa buhay."
"Teka sandali." Tinanggal ko ang pagkakahawak ni Bobby sa mga braso ko. "'Yun ba ang dahilan kung bakit mo ako kinukumbinsing hiwalayan na ang asawa ko?"
"'Yun ang dahilan kung bakit ako nandito ngayon sa tabi mo't sinasamahan ka. Ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit? Akala mo ba'y kaya ako pumupunta dito sa ospital ay para kay William? Dahil concern ako sa kanya? Hindi, Sally. Ikaw ang binabantayan ko. Ikaw ang gusto ko."
"Bobby..." Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isagot sa kanya. Hindi ko talaga inaasahan na sasabihin niya sa akin ito. Kinapa ko ang puso ko at tinimbang ang lahat. Tama ba ito? Pero nararamdaman ko ngayon sa sarili ko na may umuusbong akong damdamin para kay Bobby.
"Sally, lumayo tayo. Tayong dalawa. Pumunta tayo kahit saan mo gusto." Tinangka pa niyang hawakan ang isa kong kamay. Ngunit binawi ko din ito sabay lingon sa paligid. Nag-aalala ako na baka may makakita sa amin sa ganitong sitwasyon. "Ano? Sumagot ka."
Blangko talaga ang utak ko. Wala akong masabi.
"Misis."
Napalingon ako sa aking likuran kung saan nanggaling ang tinig na tumatawag sa akin.
"Misis, nagkamalay na po ang mister nyo," wika ng nurse na nakatayo malapit sa amin.
BINABASA MO ANG
OVER THE HILL (SPG R18)
Cerita PendekWARNING!! R18 This is a short erotic story with themes and sexual topics not intended for minors.