"William!"
Halos mapatili ako sa gulat nang madinig ang malakas na boses na iyon ng isang babae sa pintuan ng kuwarto ni William. Paglingon ko'y napalunok ako nang makilala ko ang nanay at tatay ng asawa ko. Pareho na itong lagpas sisenta ang edad. Hindi ko lang alam kung sino ang mas may edad sa dalawa. 'Yung lalaki ba o 'yung babae. Kagaya ng mga tipikal na matatanda, tadtad na din ng mga puting buhok ang ulo ng mag-asawa. Kulubot na din ang mga balat at amoy lupa na. Ngunit, dahil sa kanilang pera at yaman, nananatili silang disente at kagalang-galang tingnan.
"William, anak ko!" hiyaw ng babaeng matanda habang papalapit sa kanilang anak at saka yumapos dito habang umiiyak. Ang asawang lalaki nama'y nasa likuran lang nito. Luhaan ding nakatunghay habang hinihimas ang likod ng asawa. Nagbigay naman ako ng daan. Humakbang ako sa isang tabi at binigyan sila ng panahon na makasama ang anak nila. Dapat nga sana'y sasawayin ko sila, dahil kung yugyugin nila ang walang malay nilang anak ay akala mo'y nanggigising lang ng lasing. Hindi ba nila alam na makakasama ito sa isang taong bagong opera?
"William, anak! Ano'ng nangyari sa'yo? Diyos ko po!" Patuloy na palahaw ng matandang babae.
"M-mommy..." mahinang pagtawag ko, ngunit sapat lang upang madinig nila ang boses ko at malaman nilang nandoon lang ako't hindi ko pinababayaan ang anak nila. "N-naoperahan po siya sa..."
"Ikaw!" baling ng matandang babae sa direksiyon ko. Hindi na ako nagulat nang titigan niya ako ng mga nanlilisik niyang mga mata. "Anong ginawa mo sa anak ko?"
"M-mommy, m-may sakit ho si William. Naoperahan siya," nangangatal ang babang wika ko.
"Eh ikaw kasi ang may kasalanan nito eh!" Kulang na lang ay sunggaban niya ako't sabunutan nang tangkain niyang lumapit sa akin. Mabuti na lamang at naawat siya ng asawa niyang lalaki.
"Ako ho? Pa'no ko naging kasalanan 'to? Kung tutuusin nga ang anak nyo ang siyang nagpabaya sa sarili niya kaya siya nagkaganyan."
"'Wag mong isisisi sa anak ko ang lahat ng nangyayaring kamalasan sa buhay nyo. Dahil sa umpisa pa lang, simula nang dumating ka sa buhay niya, ikaw na ang nagdala ng lahat ng mga masasamang nangyari."
"Sally, kung puwede, lumabas ka muna," wika ng asawang lalaki sa akin habang pinipigilan pa din ang matandang babae. "Bigyan mo muna kami ng oras para sa anak namin."
"Hindi ho ako lalabas," matigas kong tanggi. "Ako ang asawa ni William kaya't dapat lang na nandito ako sa tabi niya."
"Asawa ka lang! Punyeta ka! Ako ang ina niya! Ako ang nagdala sa kanya sa sinapupunan at nagluwal sa kanya. Ikaw, asawa ka lang na pinulot sa kung saan-saan!"
Inaasahan ko na 'to. Alam kong mangyayari ang tagpong ito kapag nagpang-abot kami ng mga magulang ni William. Pero, ang hindi ko inaasahan ay ang pagtagos sa puso ko ng mga salita ng matanda. Akala ko'y matatag na ang dibdib ko. Hindi pa pala. Malambot pa din ako na kayang saktan ng kahit na sino. Hindi ko tuloy naiwasan ang bugso ng damdamin ko at ang pagtulo ng aking mga luha.
"Divina, tama na. Huminahon ka," ani ng asawang lalaki. "Hindi ka ba puwedeng madala sa pakiusap, Sally? Ang sabi ko, lumabas ka muna ng kuwarto."
"Hindi," mariin ko uling tanggi. "Mas may karapatan akong manatili dito kesa sa inyo."
"Ang kapal ng mukha mong babae ka!"
Noon biglang dumating ang doktor ni William kasunod ang dalawang nurse. Siguro, naalerto sila dahil sa ingay na nililikha ng dalawang matandang 'to.
"Kaunting kalma lang po," saway ng doktor. Ang dalawang nurse naman ay agad na lumapit kay William at chineck ang kalagayan nito. "Kalma lang po. Hindi po makakabuti sa pasyente ang ingay natin. Kaya't kung maaari lang po, 'wag po tayong masyadong magulo."
"'Yang babaing 'yan ang paalisin nyo dito! Wala nang ginawang mabuti 'yan sa pamilya ko."
"Misis, with all due respect, kung may dapat man akong palabasin dito ay kayo 'yun. Iniistorbo nyo po ang katahimikan ng mga pasyente dito. Kung puwede lang po sana, irespeto natin ang ospital," malumanay at propesyunal na pakiusap ng doktor.
Kumalma naman ang dalawang matanda. Lalo na ang biyenan kong babae. Ngunit nakatuon pa din sa akin ang nanlilisik nitong mga mata. At dahil medyo napahiya nga ito sa kanilang inasal sa harap ng doktor, medyo naging malumanay ang pagsasalita ng babae. Ngunit may halong pagmamataas pa din.
"Ano ang nangyari sa anak ko, doktor?"
Mariin at detalyado namang ipinaliwanag sa kanila ng doktor kung ano ang kalagayan ni William at kung ano ang sanhi ng pagkakasakit nito. Nagpapasalamat ako, kahit papaano, dahil hindi naging one-sided ang opinyon ng doktor. Sinabi din nito sa dalawang matanda ang ilang mga impormasyon na ibinigay ko noon kung bakit humantong sa ganito ang anak nila. Mabuti na nga lamang, kahit papaano ay may kaunting lawak ng isipan at pang-unawa pa din ang dalawang matanda. Napagtanto nila, base sa mga sinabi ng doktor na si William din mismo ang nagpabaya sa sarili niya.
"Sige, dok," wika ni Divina makaraan ang ilang minutong palitan ng mga salita habang ako'y nakamasid lamang sa kanila sa isang tabi. "Gawin nyo ang lahat para mapabuti ang kalagayan ng anak ko. Ako ang magbabayad sa lahat ng gastos. Wala akong pakialam kung magkano man ang aabutin. Basta't masigurado kong ligtas si William."
"May kaunti ho akong perang naitabi," sabat ko naman na hindi ko akalain na pagsisisihan ko pala. "Makakatulong din ho ito pangdagdag sa gastos."
"'Wag na," matigas na wika ni Divina. "Hindi namin kailangan ang pera mo. Siguradong kahit pambayad sa gamot para sa sakit ng ulo'y hindi magkakasya 'yan."
Sa totoo lang, nanggigigil na talaga ako sa sobrang pang-iinsulto sa akin ng matandang 'to. Ganun pa man, nanatili pa din akong mahinahon kahit gustong-gusto ko na siyang sapakin sa mukha. Aminado naman kasi akong hindi ko sila kayang tapatan. Lalo na pagdating sa pera. "Ang akin lang ho, gusto kong makatulong."
"Makakatulong ka kapag nanahimik ka na lang at maupo sa isang tabi."
"Sinasabi nyo ho ba na tinatanggalan nyo ako ng karapatan sa asawa ko?"
"Ikaw ang may sabi niyan, hindi ako. At kung sa tingin mo na iyon ang tama, talagang iyon ang tama."
"Misis. Misis," saway na naman ng doktor. "Please lang po. Kung anuman ang isyu nyo sa isa't-isa, puwede ho bang 'wag nyong dalhin dito? I don't care kung ano ang problema nyo sa isa't-isa. Ang importante sa akin ay maging maayos ang pasyente. At ang mga ginagawa nyo ngayon ay hindi makakatulong para maging maayos siya. Kaya, please lang po."
"Sorry, dok," ani ni Divina. "I just want what's best for my son."
"We all do, misis."
"Kaya ang gusto ko, dok ay iuwi siya sa bahay namin kapag nadischarge na siya." Napanganga ako sa nadinig kong sinabi ng biyenan kong babae. "Mas magiging maayos ang kalagayan niya doon at mas mapapabilis ang paggaling niya."
"Teka ho," awat ko. "May bahay ho kaming mag-asawa. Bakit hindi na lang siya doon magpagaling?"
"Saan? Sa bahay nyong madumi at mabaho? Hindi mo ba nadinig ang sinabi ng doktor? Ang sabi niya, kailangang maging maayos ang kalagayan ni William. O baka naman hindi mo naintindihan dahil nagsalita kami ng english."
Humakbang ako palapit kay Divina, ngunit agad na pumagitna sa amin ang doktor bago pa man ako makalapit sa kanya. "Wala akong pakialam sa mga pinagsasasabi nyo. I am his wife. Legally! And by law, I have all the right to decide where my husband needs to be."
"Okay," awat ulit ng doktor. "Sa bagay na 'yan, kayo na ang dapat magdesisyon. I'll leave it all to you. But please, pag-usapan nyo ng maayos."
Para na ding sinabi ng doktor na iurong ko na lang ang ipinaglalaban ko. Na isuko ko na lang ang karapatan ko sa asawa ko. Kaya't napailing na lang ako sa pagkadismaya at saka lumabas ng kuwarto. Nagulat ako nang pagdating ko sa corridor nang makita ko si Bobby. Nakasandal siya sa pader na malapit sa pinto ng kuwarto ni William. Natigilan ako at nagkatitigan kaming dalawa. Nakikita ko sa mukha niya ang simpatiya at awa sa akin. Dahil dito, kinutuban ako na nadinig niya ang lahat ng mga pinag-usapan namin sa loob.
BINABASA MO ANG
OVER THE HILL (SPG R18)
Short StoryWARNING!! R18 This is a short erotic story with themes and sexual topics not intended for minors.