Ang hirap talaga umuwi ng mga ganitong oras, naisip ko. Kung hindi ko lang kinakailangang mag-overtime sa trabaho ay hindi ako uuwi ng ganito. Naabutan tuloy ako ng rush hour at trapik sa daan. Pagtingin ko sa aking orasan ay pasado alas-diyes na ng gabi. Alas-otso ang out ko kanina sa trabaho, ngunit dahil sa sobrang sikip ng trapiko sa daan ay ganito ang aking kinahantungan. Mabuti na lamang at maliwanag pa sa aking dinadaanan pauwi ng bahay. Madami pang mga tao sa kalsada at madami pa din ang mga nakabukas na ilaw.
Pagdating ko sa harapan ng aming bahay ay medyo nagtaka ako kung bakit para yatang madaming tao sa loob ng bahay. Dinig na dinig ko mula dito sa labas ang kanilang malalakas na mga boses at tawanan. Pagbukas ko ng pinto ay nabungaran ko si William na nakikipag-inuman sa aming salas kaharap ang tatlo pang mga lalaki. Dalawa sa mga ito ay kilala ko sa mukha na mga kaibigan niya, ngunit hindi sa pangalan. Hindi din naman kasi ako interesadong malaman kung sino 'tong mga hudas na 'to. Pero, ang ikatlong lalaki na kanyang kaharap ang siyang umagaw talaga ng pansin ko. Si Bobby. So, naisip ko, ibig bang sabihin ay nakalipat na agad ito sa kabilang bahay? Kailan pa?
"Ooooyy!!" sigaw ni William pagkakita sa akin habang nakataas sa hangin ang dalawang kamay. Maging ang kanyang mga kaharap ay natigilan at napatuon sa akin ang mga atensiyon. "Sa wakas! Dumating na din ang maganda kong asawa!"
Napailing na lang ako. Hindi dahil sa inaasal ni William, kundi dahil sa naging hitsura ng bahay namin. Makalat! Amoy suka, usok ng sigarilyo at kung anu-ano pang hindi ko maipaliwanag. May nakakalat na basyo ng bote ng alak sa sahig, may natapong sabaw, may tuyong sarsa, may mga upos ng sigarilyo, may mga... ewan ko! Nakakabuwisit talaga! Ngayon pa, William! Kung kelan pagod na pagod ako galing sa trabaho.
Sa halip na pansinin ko ang katarantaduhan ng aking asawa'y inirapan ko na lang siya't saka ako tumuloy sa pagpasok. Ngunit bigla itong tumayo at hinarangan ako sa aking dinaraanan at akmang yayakapin. Mabuti na lamang at sinagi ko ang mga braso niya kaya siya napaatras. "'Wag mo akong umpisahan, William," galit na wika ko.
"Baket?" tanong niya na animo'y isang puno ng kawayan na hinahangin at pasuray-suray sa kinatatayuan. "Anong problema mo? Gusto lang naman kita ipakilala sa bago nating kapit-bahay ah. Kaya nga kame nagsasaya ay dahil winewelcome namin siya."
"Oo nga!" sabat naman ng isang lalaking na akala mo'y isang lagok na lang ng alak ay bibigay na ang katawan. "Welcome to da neyburhud, Pareng Bobby!"
"Salamat. Salamat," nakangiting tugon naman ni Bobby na sa tingin ko'y nasa maayos pang pag-iisip.
"Bobby! 'Eto nga pala si Sally. Esmi ko."
Tumayo si Bobby mula sa kanyang upuan at saka medyo yumukod na parang nagbibigay pugay sa isang reyna. "Kumusta po kayo?"
Bigla akong nagtaka sa ginawang pagpapakilala ni William sa amin. Ibig bang sabihin ay hindi nabanggit ni Bobby na nagkakilala na kami noong isang araw? So, ang pagkakaintindi ni William, ngayon lang kami nagkakilala ng lalaking ito? O baka naman nakalimutan lang niya dahil sa kalasingan. Well, anyway kako, hindi naman big deal 'yun. Isa pa sa napansin ko ay ang pagiging kalmado at normal ng kilos ni Bobby. Hindi kagaya ng mga kainuman niya na mapupungay na ang mga mata at sumusuray na ang mga katawan kahit nakaupo. Siguro, magaling lang talaga ito magdala ng alak sa katawan o baka naman huli na siyang sumali sa inuman kaya't matino pa ang kanyang pag-iisip.
Pilit na ngiti lamang ang isinagot ko kay Bobby at saka na ako tumuloy sa kusina. Ang mga hunghang nama'y ipinagpatuloy ang kanilang pag-iinuman na parang wala lang kung dumating man ang maybahay na siyang nagbabayad sa lahat ng gastusin dito. Pagdating ko naman sa kusina'y binuksan ko ang ref upang maghanap ng makakain. Alam ko kasing may tira pa kaming menudo na niluto ko kaninang umaga bago ako pumasok sa trabaho. Subalit nang hindi ko ito makita'y agad na umakyat ang dugo ko sa aking ulo. Bigla kong padabog na isinara ang ref at saka muling lumapit sa mga nag-iinuman.
"Hoy, William." Kinalabit ko siya ng malakas sa braso na may kasamang pamemewang. "Nasaan 'yung tirang ulam sa ref?"
"Ah 'yun ba? Eh pinulutan na namin eh. Wala kasi kaming pulutan eh."
"Eh anong kakainin ko? Alam mo namang galing ako sa trabaho."
"Eh..." hindi kaagad siya nakasagot at para bang nag-iisip. "Magbukas ka na lang ng pork and beans dyan. O kung gusto mo, bumili ka na lang ng lutong ulam sa labas. May pera ka naman yata."
Halos ingudngod ko sa mukha ni William ang relo ko upang makita niyang mabuti kung anong oras na. "Alam mo ba kung anong oras na? Sa tingin mo, may mabibilhan pa ako ng ulam ng ganitong oras?"
"Ah bahala ka! Kung gusto mong kumain, gumawa ka ng paraan!"
Hindi ko na talaga kayang magtimpi. Gusto ko nang sampalin si William kahit sa harap ng mga kainuman niya, ngunit bigla akong hinawakan ni Bobby sa braso upang pigilan ako sa aking gagawin.
"Sally, kung gusto mo, may pagkain pa naman ako sa bahay. Ibibigay ko na lang sa'yo. Okay lang."
Hindi ko alam kung anong meron ang palad niya, o ang malalim niyang boses, o ang mapupusok niyang mga mata, dahil para akong binuhusan ng tubig. Naglahong bigla ang init ng ulo ko at kumalma ang aking dibdib.
"H-hindi bale na. Matutulog na lang ako," ani ko sabay talikod. At pagkatapos ay umakyat na lamang ako sa itaas na bitbit pa din ang inis at galit ko kay William at sa pinili kong buhay.
BINABASA MO ANG
OVER THE HILL (SPG R18)
Short StoryWARNING!! R18 This is a short erotic story with themes and sexual topics not intended for minors.