17

984 1 0
                                    

Sana ganito na lang palagi, sabi ng isipan ko. Hindi ba't masarap sa pakiramdam kapag wala kayong pinag-aawayan o pinagtatalunan sa buong maghapon? Magaan ang paglipas ng isang araw. Hindi ka matutulog na buryong ang utak at hindi ka gigising kinabukasan na may sapak. Sana nga'y tuluyan nang nagbago si William. Pagkatapos naming kumain ng hapunan ay nagpasya siyang manood muna ng TV habang ako nama'y nagliligpit. Isa lang ang hindi ko gusto ngayon, ang maghanda ng mga pagkain na walang lasa at naaayon lang para sa kanya. Ipinagbilin kasi ng doktor na 'wag muna siyang pakakainin ng mga mabibigat na pagkain, lalo na ang mga karne at isda habang hindi pa tuluyang gumagaling ang tahi niya sa tiyan. At siyempre, kung ano ang inihahain ko kay William ay 'yun din ang kakainin ko.

Matapos ang ilang oras ay nagpaalam na siya sa akin na matutulog na daw siya. Nakakaramdam na daw kasi siya ng matinding antok. Marahil kako, 'yun ay dulot ng sangkaterbang mga gamot na ininom niya. Inalalayan ko pa nga siya sa pag-akyat niya sa kuwarto sa itaas upang hindi siya mahulog o anuman. At pagkatapos ay saka ko itinuloy ang mga gawaing bahay na tinatapos ko.

Pasado ala-una na ng madaling araw nang maisipan kong magpahinga na din. Umakyat na din ako ng kuwarto at doon ay inabutan ko siyang naghihilik na. Tumabi ako sa kanya sa kama at hinintay kong dalawin din ako ng antok. Ngunit, ilang sandali na ang nakakalipas ay mulat pa din ang mga mata ko. Gising na gising pa din ang katawan at diwa ko. Kahit anong gawing kong pagpikit at pag-iba ng puwesto sa pagkakahiga ay wala pa ding nangyayari. Kaya't nagpasya ako na tumayo na lang muna at bumaba sa salas. Naisip ko din na buksan ang telebisyon at manood sandali.

Nang mapatingin ako sa labas ng bintana'y napansin ko ang liwanag na nagmumula dito. Hindi ko alam kung ano ang naisipan ko't binuksan ko ang pintuan ng bahay at lumabas. Napa-wow na lamang ako nang makita ko sa langit ang kabilugan ng buwan na siyang nagbibigay ng magandang liwanag sa kapaligiran. Maging ang malamig na simoy ng hangin ay umaayon dito. Kaya naman naisipan kong sa halip na manood ng palabas sa TV ay manatili na lang muna dito sa labas at pagmasdan ang buwan.

"Ang ganda ng buwan. Parang ikaw."

Muntik na akong mapatalon sa gulat nang madinig ko ang malalim na boses na iyon. Nang lumingon ako'y nakita kong nakatayo si Bobby di kalayuan mula sa akin. Aba! Gising pa pala kako ang damuhong ito. Hindi ba ito natutulog ng maaga't lagi na lang itong nandito sa labas ng bahay tuwing nandito din ako?

Hindi ko siya pinansin. Ni hindi ko nga siya nginitian o binigyan ng anumang kasagutan sa sinabi niya. Tumalikod na lamang ako upang bumalik sa loob ng bahay. Ngunit bigla niya akong pinigilan at hinawakan sa braso. "Sally, sandali lang."

"Matutulog na ako," ani ko na hindi man lang tumitingin sa kanya.

"Sandali lang, Sally." Binitawan na din niya ang braso ko. "Gusto lang kitang makausap kahit sandali."

"Wala na tayong dapat pag-usapan. Diba't nagkaintindihan na tayo noong huli tayong mag-usap?"

"Alam ko. Pero gusto ko sanang maging maayos sa atin ang lahat. Dingding lang ang pagitan natin, pero kung ituring mo ako'y isang kriminal na kailangang iwasan."

"Dahil gusto kong kalimutan ang nangyari."

"Kahit ano ang gawin mo, Sally. Hindi na mawawala sa isip mo 'yun. Nangyari na 'yun sa ayaw man natin o gusto." Tama siya. Mananatili na talaga sa utak ko habang-buhay ang alaala ng pagkakamaling iyon. "Ang gusto ko lang sanang ipakiusap ay ang ibalik natin ang dati sa kabila ng lahat. Mamuhay tayo ng normal. 'Yung hindi nag-iiwasan na parang naglalaro ng patintero."

"Madaling sabihin para sa'yo 'yun dahil hindi ikaw ang nasa posisyon ko. Hindi ikaw ang naglok..." Bigla akong natigilan. Luminga-linga muna ako sa paligid para siguraduhing walang ibang tao na maaaring makarinig sa amin. Tapos ay saka ko hininaan ang aking pagsasalita. "Hindi ikaw ang nagloko sa asawa."

"Naiintindihan ko. Pero anong gagawin ko?"

"Lumayo ka dito. Doon ka tumira sa ibang lugar."

"Ginawa ko na, Sally. Sinubukan ko na. Nag-impake na ako noon ng mga gamit at naghanap ng ibang malilipatan. Pero, hinihila ako dito pabalik ng puso ko."

Muntik na akong matawa sa sinabi niyang may pagkakorni. Pero ganun pa man, hindi ko maitatangging may haplos ang sinabi niya sa puso ko.

"Look." Hinawakan niya ako sa magkabilang braso at iniharap sa kanya ang katawan ko. "Kung hindi natin aayusin 'to, kung hindi natin ibabalik sa normal ang lahat at patuloy tayong mag-iiwasan, hindi malayong may makahalata na may namagitan sa atin. Tandaan mo, malakas ang pang-amoy ng mga tao."

Bumitaw ako sa pagkakahawak niya sa akin at muling humarap sa buwan.

"Sally... I'm so sorry kung na in love ako sa'yo. Sorry kung gusto kong maging akin ka kahit may asawa ka na." Seryoso na ang tinig niya ngayon na parang nagmamakaawa. "Hindi ko akalain na darating tayo sa puntong ito. Akala ko noon, hanggang tanaw na lang ako sa'yo. Hindi ko akalain na mabibigyan ako ng pagkakataon na maiparamdam sa'yo ang pagmamahal ko."

Lihim akong napangiti. Ang buong akala ko, kapag umiihi na lang ako kinikilig. 'Yun pala, mga salita lang ni Bobby ang magbibigay-buhay sa pagiging pusong teenager ko. Simpleng mga salita lang 'yun at hindi malalalim. Pero, tinablan ako. Hindi ko ikinakaila. Gumuho tuloy ang pader na itinayo ko noon upang hadlangan ang lubusang paglalapit naming dalawa.

"Okay, Bobby." Humarap ako sa kanya. Pero this time, hindi na ako masungit. Magaan na ang kalooban kong harapin at kausapin siya. "Sige, papayag ako sa sinasabi mo. Kung ang iniisip mo ay para sa ikabubuti nating lahat at hindi para sa pansarili mo lang kagustuhan, papayag ako. Ibabalik natin sa normal ang lahat."

Sa gitna ng tanglaw ng liwanag ng buwan ay nakita ko ang pagsilay ng kanyang ngiti. "Salamat. Kahit kailan, hindi kita ipapahamak, Sally."

"Mabuti naman kung ganun."

Sandaling namayani ang katahimikan sa aming dalawa. Medyo kumalma na ang mga kalamnan namin pareho at nabura na ang tensiyon. Hindi kagaya kanina na para kaming nakukuryente o napapaso kapag napapalapit kami sa isa't-isa.

"Kumusta na siya?" tanong ni Bobby.

"'Ayun, hindi pa gaanong magaling ang tahi niya sa tiyan," sagot ko naman na sinamahan ng pagkibit-balikat. "Madami pa siyang bawal kainin. Kaya't pati ako, nagtitiyaga sa mga lutong walang asin at lasa."

"Ganun talaga. Eh 'yung mga biyenan mo?"

Napairap ako. "Naku! Ano bang aasahan mo sa mga 'yun? Eh di kutata pa din ng kutata sa kahit maliliit na bagay. Nakakarindi na nga eh. Ang sarap-sarap pasakan ng hollow blocks ang bunganga."

Lumapit sa akin si Bobby na parang may gustong ibulong. Hindi naman ako umiwas dahil medyo naintriga ako sa maari kong madinig. "May kakilala ako sa probinsiya namin. Mura lang ang bayad kada ulo. Malinis pa magtrabaho. Walang sabit."

Matalim ang isinukli kong titig sa kanya. "Ano? Gago ka ba? Hindi naman ako ganun no. Hindi ko maaatim na ipapatay ang mga 'yun. Biyenan ko pa din 'yun kahit papaano."

Napansin ko na natatawa siya habang nagsasalita. "Ano bang sinasabi mong ipapatay? Ipapakidnap lang natin. Tapos, puputulan natin ng dila. Ewan ko lang kung makadakdak pa 'yun pagkatapos."

Tuluyan na kaming nagkatawanan kahit hindi naman nakakatawa ang biro niya. Hindi ko alam kung paano. Pero, biglang naging panatag ang kalooban ko ngayon kay Bobby. At saka...

"Ay!"

Napaigtad ako nang maramdaman kong may dumapong gamu-gamo sa batok ko. Dahil sa ginawa kong 'yun ay hindi ko nakontrol ang sarili ko't napaatras ako patungo kay Bobby. Buti na lang at... nasalo? Nasalo bang matatawag 'yun? Kasi, naramdaman ko na lang na nakayapos sa katawan ko ang malalaki niyang bisig at para bang ipinagtatanggol ako't pinoprotektahan laban sa isang aswang.

Natigilan ako nang maramdaman kong muli ang init ng katawan niya. Para bang huminto ang pag-ikot ng mundo. At ang puso ko'y muli na namang pumintig ng todo. Nagkatitigan kaming dalawa at matagal na nagtama ang aming mga mata. At nang matauhan kapwa'y ako din ang unang kumalas at lumayo.

"Sorry," anas ni Bobby.

Ngumiti ako. "Papasok na ako. Baka magising si William."

"Sige." Tumango siya. "Salamat ulit at pumayag ka sa sinabi ko. Hindi mo alam kung gaano mo ako pinasaya."

Hindi na ako kumibo. Sinarili ko na lamang ang mga bagay na gusto kong sabihin sa kanya. Pagkatapos ay saka ako pumasok sa loob ng bahay at iniwan siya sa gitna ng sinag ng buwan.

OVER THE HILL (SPG R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon