Heto na naman ako. Pauwi na naman ng bahay galing sa maghapong pagtatrabaho. Bago ko pa man buksan ang pinto ng aming bahay ay inihahanda ko na ang sarili ko sa magiging pagtatalo namin ni William. Sigurado na 'yun. Walang paltos. Lalo na't may malaki siyang katarantaduhang ginawa sa akin kagabi. Ngayon pa lang ay iniisip ko na ang mga masasakit at matatalim na mga salita ang ipupukol ko sa kanya. Hindi ko na siguro siya kailangang bantaan pa ng hiwalayan, dahil alam kong anumang oras ay maaari ko na itong ituloy. Sobra na kasi ang panggagago niya sa akin. Hindi ko na talaga matiis.
Kung sakali man, hindi ko pa alam kung saan ako pupunta. Gusto kong magtago sa lugar kung saan hindi niya ako masusundan. Kung uuwi ako sa bahay ng mga magulang ko, malamang na kinabukasan ay susundan agad ako nito. Hindi din malayong kampihan pa siya nina Nanay at Tatay at kumbinsihin akong umuwi na lang sa amin. Eh di wala ding nangyari. Back to zero na naman ako. Kung sa bahay naman ng mga kaibigan ko, ayoko din. Isa sa mga dahilan ay ayaw kong maka-abala ng ibang tao sa problema naming mag-asawa. Pangalawa, kilala ni William ang karamihan sa mga kaibigan ko. Kaya't hindi malayong masundan niya ako.
Eh saan ba ako pupunta kung sakali? Bahala na, wika ng isip ko.
Mabigat ang kalooban ko at mga paa ko nang buksan ko ang pinto ng bahay. Subalit, laking pagkabigla ko sa aking dinatnan. Ang inaasahan kong makita ay ang mga naiwan pang mga kalat nina William kagabi. Sa sobrang tamad kasi ng taong 'to ay hindi ko inaasahang ililigpit niya ang mga iyon. Alam kong hihintayin pa niya akong makauwi upang ako pa ang magligpit at maglinis. Kagaya ng normal na niyang nakagawian. Ngunit ngayon, aba! Napanganga ako. Malinis ang sala at ang buong bahay. Wala na ang mga kalat na kinagisnan ko kagabi. Hindi na amoy usok at basura ang buong kabahayan. Sa halip ay mabangong ulam at pagkain ang nalanghap ng ilong ko. Dahan-dahan akong pumasok sa loob ng bahay. Pagala-gala ang paningin sa buong paligid na tila hindi makapaniwala sa aking nakikita. Totoo ba ito, kako? Hindi ba ako nananaginip? Si William ba talaga ang may gawa nito? Sunod-sunod na tanong ng isip ko. At bilang kasagutan na din siguro, bigla kong nadinig ang yapak ng aking asawa sa hagdanan habang nagmamadali itong nanaog.
"Uy! Nandiyan ka na pala," masaya niyang wika pagkakita sa akin. Lumapit siya sa akin at kinuha ang bitbit kong shoulder bag. At pagkatapos ay hinila niya ang kamay ko patungo sa kusina. "Tamang-tama ang dating mo. Halika, kumain na tayo. Nagluto ako ng sinigang na baboy."
Si William? Nagluto? Aba! Himala!
Pinaupo niya ako sa harap ng mesa at nilagyan ako ng plato at mga kubyertos sa harapan. Hindi talaga ako makapaniwala sa totoo lang. Tumingin ako sa kanya. "Anong ginagawa mo, William?"
Natigilan siya't napaharap sa akin habang papunta siya sa kalan. "Ipinagluto kita, ano pa? Hindi nga lang singsarap ng luto mo, siyempre. Pero, pinaghirapan ko 'to. Laki talaga ng tulong ng YouTube no?" Pagkasabi'y dumiretso na siya sa kalan at nagsalin ng ulam sa mangkok. Dahan-dahan pa niya itong binitbit pabalik sa akin dahil sa mainit na sabaw. Hindi pa doon nagtatapos ang lahat. Ipinagsandok pa niya ako ng kanin sa pinggan at ipinagsalin ng tubig sa baso. Kung hindi mo totoong kilala ang pag-uugali ng taong 'to, malamang na mapagkamalan mong isang anghel na bumaba sa lupa.
"Ano 'to, suhol?" Matalim ang mga titig ko sa kanya habang nagtatanong. Ni hindi ko nga sinulyapan ang pagkaing inihain niya sa akin.
"Anong suhol ang pinagsasabi mo?" painosente pa niyang tanong na akala mo'y maamong tupa. "Hindi ba kita puwedeng ipagluto?"
"'Wag mong sabihing nakalimutan mo na agad ang ginawa mo sa akin kagabi?"
Napahugot ng malalim na hininga si William bago sumagot. "Okay. Inaamin ko, nalasing ako masyado kagabi at hindi ko alam ang mga pinaggagagawa ko..."
"Ano?"
"Mali ako and I'm sorry. Okay? At kung puwede, mamaya na natin 'yun pag-usapan. Lalamig ang pagkain eh."
"Anong mamaya pag-usapan? Wala akong pakialam kung magyelo man 'yang pagkain. Alam mo ba kung saan ako natulog kagabi at kung anong oras?"
Tumalikod siya sa akin na para bang binabalewala ang mga sinabi ko.
"'Wag mo akong tatalikuran, William! Kinakausap pa kitang leche ka!"
"Kukunin ko lang 'yung manggang binili ko sa ref. Matamis 'yun."
"Bumalik ka dito, William! Kinakausap kita!"
"Sandali lang sabi eh."
Okay, kako. Hihintayin kita, saad ng isip ko habang patango-tango pa ako't nagpupuyos ang dibdib ko sa galit. Pagdating nito sa kusina'y binuksan niya ang ref. Hindi pa man naglilipat sandali'y bigla kong narinig na may mga kagamitang nabasag. Halos mapatalon ako mula sa upuan ko nang madinig ko ang malakas na ingay na 'yun.
"Ano bang ginagawa mo diyan at nagbabasag ka pa?"
Walang sumagot sa tanong ko.
"Hoy, William. Iligpit mo 'yang mga binasag mo diyan ha, kundi isusubsob ko ang mukha mo diyan."
Wala pa ding umiimik. Hindi ko makita kung ano ang ginagawa ni William sa ref dahil natatakpan ng pinto nito ang paningin ko. Nagtaka na lang ako nang sa halip na sagutin ni William ang mga sinabi ko'y bigla akong nakarinig ng pag-ungol. Ungol na animo'y nahihirapan o kung anuman.
"William?"
Sa umpisa'y impit lang ang pag-ungol niya. Ngunit katagalan ay lumalakas ito at nagiging hiyaw. Noon na ako kinabahan. Alam kong hindi artista ang asawa ko at hindi siya mapagkunwari. Kaya't kung anuman ang dahilan ng ingay niyang iyon ay baka totoo. Tumayo ako mula sa aking upuan at lumapit sa ref. Pagdating ko doo'y kitang-kita ko na nakahandusay si William sa sahig habang sapo-sapo ng dalawang kamay niya ang kanyang tiyan at namimilipit sa sakit. Agad akong dumulog sa kanya.
"William, anong nangyayari sa'yo?"
"Aaahh! A-arraaayy... ang sakit..."
"Ano ang masakit?"
Sa halip na sagutin niya ang tanong ko'y biglang may bumulwak na kulay pinaghalong dilaw at berdeng likido mula sa bibig niya. Noon ako ginapangan ng takot sa katawan. Lalo na't nakikita kong nangingitim na ang mukha niya.
"William, ano ba'ng nangyayari sa'yo?"
Hindi na ako kayang sagutin ni William dahil sa sobrang sakit na nararamdaman niya. Kaya't ang ginawa ko'y iniwanan ko na muna siya sandali na nakahandusay sa kusina. Lumabas ako ng bahay upang humingi ng saklolo.
BINABASA MO ANG
OVER THE HILL (SPG R18)
Cerita PendekWARNING!! R18 This is a short erotic story with themes and sexual topics not intended for minors.