22

816 4 0
                                    

Diyos ko! Ano 'to? Totoo ba ito?

'Yun ang agad na isinisigaw ng utak ko. Kanina, habang nandoon ako sa locker room ng pinapasukan kong department store ay bigla akong nakaramdam ng pagkahilo na sinabayan ng pagsusuka. Sinabi sa akin ng kaibigan kong si Ella na 'wag na lang muna akong pumasok. Magpaalam na lang daw muna ako sa manager namin para lumiban muna sa trabaho at umuwi na lang. Naisip ko naman, madami na akong araw na sinayang dahil sa pag-aabsent at maliit na lang ang sasahurin ko ngayong katapusan. Hindi ko na kako kakayanin kung mababawasan pa ito kapag hindi na naman ako pumasok. Kaya naman, tiniis ko na lang ang nararamdaman ko hanggang sa matapos ang trabaho.

Bago umuwi ay nagtalo pa nga kami ni Ella. Sinabi niya kasi sa akin na bumili daw ako ng pregnancy tester, dahil baka buntis ako kaya ako nakakaramdam ng ganun. Siyempre, sinabi ko sa kanya na malabong mangyari 'yun. Dahil doktor na nga ang nagsabi na may diperensiya ako sa matris.

"Subukan mo lang," susog pa niya. "Wala namang mawawala kung susubukan mo. Malay mo." 'Yun nga ang ginawa ko. Kaya't bago ako umuwi ay dumaan muna ako sa pharmacy at bumili ng sinasabi ni Ella. Pagdating ko sa bahay ay inabutan ko si William na nanonood ng TV. Sinabi ko sa kanya na masama ang pakiramdam ko at kailangan ko munang magpahinga. Ang totoo'y nananabik din akong malaman kung ano ang magiging resulta ng gagawin kong pregnancy test. Kaya't dumiretso ako sa banyo at dito ginawa ang dapat kong gawin.

At 'eto na nga! Ang lumabas ay dalawang guhit. Natural na hindi ako makapaniwala. Binasa kong muli ang instruction sa kahon ng maka-ilang ulit upang masiguro na hindi ako nagkakamali. Ayon dito, kapag isa ang lumabas na guhit, ang ibig sabihin ay negative. Kapag dalawa, positive. Eh dalawang guhit ang lumabas! Naisip ko din na baka nagkamali lang ng findings ang doktor. Hindi ko tuloy alam kung matutuwa ba ako o magagalit. Lumabas ako ng banyo at pinuntahan ko si William sa salas. Tumayo ako malapit sa kanya nang nakangiti.

"Bakit?" taka niyang tanong. Sa halip na sumagot ako'y bigla ko siyang sinunggaban, niyakap at pinaghahalikan sa pisngi. "Bakit ba? Anong problema mo?"

"Nagkamali ng findings ang doktor tungkol sa akin."

Napatitig siya ng diretso sa akin. "Anong ibig mong sabihin?"

Inilabas ko ang pregnancy tester at inilahad ko sa kanya. "Mali ang findings niya. Hindi ako baog. Buntis ako, William. Buntis ako!"

Wala akong nakitang reaksiyon sa mukha niya. Nanatili lang siyang nakatitig sa akin. Pagkatapos ay tumayo siya at nagpalakad-lakad sa aking harapan.

"Hindi ka ba natutuwa?" tanong ko. "Magkakaanak na tayo."

Hindi siya kumibo. Nanatili lamang siyang nakatalikod sa akin. Dahil dito'y biglang nawala ang kasiyahan ko sa mukha at biglang napalitan ng pangamba. Hindi ko alam kung totoo ang namumuong kutob ko, pero malakas ang kabog ng dibdib ko na may kakaibang nangyayari.

"Sino ang ama niyan?" malamig niyang tanong.

"A-ano kamo?"

Humarap siya sa akin na may bakas na ng galit ang mukha. "Sagutin mo ang tanong ko. Sino ang ama niyan?"

Tumayo ako mula sa upuan. "Hindi kita maintindihan?"

Bukod sa nababakas kong galit sa ekspresyon ng mukha niya'y napansin ko din ang pagkuyumos ng kanyang kamao. "Bingi ka ba? Sagutin mo ang tanong ko!"

"Hindi kita maintindihan, William! Ipaliwanag mo ang sinasabi mo!"

Katahimikan.

Biglang napuno ng tensiyon ang kanina'y tahimik na kabahayan. Pakiramdam ko'y naging mabigat ang hangin sa paligid na parang nakakasakal.

"Ako ang baog," sa wakas ay nasabi niya. "Ako ang baog at hindi ikaw."

"Ano?" Nang madinig ko iyon ay biglang uminit ang buong katawan ko. Ang aking talampakan, palad, tenga at pisngi. Para bang lahat ng dugo ko sa katawan ay biglang kumulo at umakyat sa ulo ko. "Anong sinasabi mo, William?" Hindi niya magawang sagutin ang tanong ko. Para bang may kung anong bumara sa kanyang lalamunan. Lumapit ako sa kanya ng biglaan at hindi ko napigilan ang kamay kong nang sumampal ito sa mukha niya. "Anong sinasabi mo!" Tuluyan na akong nagwala. Sunod-sunod na sampal na ang inabot niya sa akin at suntok sa dibdib. "Anong sinabi mo! Anong sinabi mo! Anong sinabi mo!" Kasabay nito ay ang pagdaloy ng mga luha sa mata ko. Hindi ko na din inisip na may tahi pa siya sa tiyan na anumang oras ay maaaring bumuka.

OVER THE HILL (SPG R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon