14

1.2K 5 0
                                    

Inabot ko sa taxi driver ang bayad ko nang ihatid niya ako pauwi sa bahay. Pasado alas-otso na ng gabi at medyo nakakaramdam na ako ng pagkalam ng sikmura. Habang daan kanina, nakatatak pa din sa isip ko ang mga nangyari nitong umaga. Ang halos biglaan at hindi ko inaasahang pagdating sa ospital ng mga magulang ni William. Ang salpukan namin ng ina niyang si Divina. Ang paggising ni William mula sa pagkakahimbing dahil sa operasyon at... at ang pag-amin ni Bobby na gusto niya ako. Naku... ano ba yan. Napapailing ako habang nakaupo sa upuang pampasahero ng sasakyan kanina. Nakatuon ang mga mata ko sa labas ng bintana. Sa mga kung anu-anong bagay na dinaraanan ng mga mata ko. Ngunit hindi sa mga ito nakatuon ang buong pag-iisip ko. Kundi sa napakadaming mga pangyayari sa loob lamang ng ilang oras.

Patakbo akong bumalik sa loob ng ospital kanina nang sabihin sa akin ng nurse na nagising na si William. Bago pa man ako pumasok sa kuwarto niya'y nilingon ko muna kung nakasunod si Bobby sa akin. Nakahinga naman ako ng maluwag nang hindi ko na siya makita sa likuran ko. Ayoko kasing magkaroon pa ng panibagong kumplikasyon ang lahat kapag nakita nilang kasama ko siya sa loob. Baka kung ano na naman ang lumabas sa bunganga ni Divina. Mahirap na. Pagpasok ko sa loob ay kasalukuyan noong nag-uusap sina William, ang mga magulang niya at ang doktor. May ilan itong bilin sa amin kung paano alagaan ang asawa ko sa ganitong kalagayan niya. Mabuti na lang, kahit papaano'y ibinahagi din nila ito sa akin.

Hindi din nagtagal ang aming pag-uusap ni William. Dahil mahina pa nga ito, sinabi sa amin ng doktor na 'wag daw muna namin siya pagurin ng husto. Pinayuhan niya kami na bigyan pa ito ng karagdagang oras upang magpahinga bago tuluyang kausapin. Kahit papaano'y nakahinga ako ng maluwag ngayong alam kong nasa maayos at ligtas na kalagayan na si William. Matapos muli itong makatulog ay 'mahinahon' kaming nagkasundo ng mga magulang niya na sila na lang daw muna ang magbabantay dito. Umuwi na lang daw muna ako upang makapagpahinga din ako ng maayos. Kaya naman ngayon ay heto na ako.

Umibis ako mula sa taxi at habang naglalakad palapit sa aming bahay ay hindi ko naiwasang mapatingin sa inuupahan ni Bobby. Sa mga sandaling ito, alam kong nakauwi na din siya dahil sa nakita kong ilaw sa bintana na nanggagaling sa loob ng bahay niya. Para tuloy akong naconscious habang naglalakad. Iniisip ko kasi na baka nakasilip siya sa kung saan at tinitingnan ako habang naglalakad. Inisip ko na lang na ganun nga at kunwa'y patay malisya ako. Idinako ko na lang sa lupang nilalakaran ko ang mga mata ko habang naglalakad. Pagdating ko sa tapat ng pintuan ay binulatlat ko ang dala kong shoulder bag upang hanapin ang susi ng bahay. Hindi naman naglipat sandali'y nasa kamay ko na ito. Ipapasok ko na sana ang susi sa tarangkahan nang bigla may sumagi sa isip ko. Natigilan ako. Kasabay nito'y ang pagsikdo ng dibdib ko.

Kinuyumos ko sa aking palad ang hawak kong susi habang nagtatalo ang isip ko sa ideyang naglalaro sa aking utak. At nang maka-ipon ng lakas ng loob ay marahan akong humakbang patungo sa pintuan ng bahay ni Bobby. Pagdating ko dito'y muling nagtalo ang isip ko kung gagawin ko ba 'to o hindi. Ngunit bago ko pa man ako makagawa ng tamang desisyon ay biglang bumukas ang pintuan na aking ikinagulat.

"Kung hindi ako sumilip, mapagkakamalan kitang magnanakaw," ani Bobby sa kanyang natural na malalim na boses habang nakatayo at nakatitig sa akin. Nakasuot siya ng kulay asul na polo na may maiksing manggas. Lumilitaw tuloy ang malalaking mga muscles niya sa braso at siyempre, hindi ko din maiwasang pansinin ang malapad niyang dibdib. Pinaparesan niya ito ng luma at kupasing pantalon na maong habang wala siyang suot na kahit na anong pangyapak.

Umurong ang dila ko dahil sa pagkabigla. Hindi ko tuloy alam ang sasabihin ko sa kanya kung bakit ako nakatayo sa tapat ng pintuan niya at kung ano ang kailangan ko. Ilang segundo din siyang nakatitig sa akin habang hinihintay akong magsalita. Ipinagkrus pa nga niya ang kanyang mga braso habang hindi inaalis ang mga mata sa akin.

"B-Bobby..." nauutal kong sambit. "Ano kasi... Naabala ba kita?"

Umiling siya. Kalmado lamang.

"Gusto ko sanang kausapin ka para..." Para ano? "Para... i-isoli ang pinahiram mong pera."

OVER THE HILL (SPG R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon