19

944 1 0
                                    

"Sally! Sally!"

Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses na tumatawag sa akin. "Aling Lydia, kayo ho pala. Bakit ho?"

May bitbit siyang isang malaking puting supot habang papalapit sa akin. "Kahapon pa kita hinahanap eh," aniya sabay abot ng supot sa akin. "Galing kasi si Emiliano sa San Pablo kahapon. May uwi siyang mga lansones at rambutan. Naisip kong ibigay sa'yo ang iba para ipakain kay William. Andami niya kasing uwi. Nag-aalala ako na baka hindi namin maubos. Baka mabulok lang. Sayang naman."

Sinilip ko ang loob ng plastic at napangiti ako at natakam sa laman nito. "Naku, salamat ho, Aling Lydia. Siguradong magugustuhan ho ito ni William."

"Maige na ba ang asawa mo?" seryoso niyang tanong.

"Oho. Kahit papaano ho'y nakakapaglakad na siya ng maayos. Kaso, kailangan pa niya ng continous check-up ng doktor."

"Naku. Hayaan mo't babalik din sa dati ang lakas niyan. Kaunting dasal pa, iha."

"Oo nga po. Nagpapasalamat nga din po ako sa inyo at kay Mang Yano sa tulong nyo nung inihatid siya sa ospital. Kundi ho dahil sa inyo'y baka hindi kaagad siya naagapan."

"Naku! Wala 'yun, iha. Sinu-sino pa ba naman ang magdadamayan kundi tayo-tayo din lang na magkakapit-bahay. O siya, babalik na ako sa loob ng bahay. May niluluto pa kasi ako eh."

"Sige ho, Aling Lydia. Salamat ho ulit."

"Walang anuman."

Nang makaalis na ang matanda'y tumungo na din ako sa bahay. Habang naglalakad ako patungo sa aming pintuan ay hindi ko maiwasang mapasulyap sa bahay ni Bobby. Nakita ko siyang nakakubli sa pader at bahagyang nakasilip sa akin sa bintana. At kahit bahagya siyang nalulukuban ng anino'y kitang-kita ko kung paano siya ngumiti sa akin. Ngunit ako nama'y hindi tumugon. Iniiwas ko sa kanya ang mga mata ko't itinuon sa aking nilalakaran.

Limang araw na din ang nakalipas mula noong gabing kami'y huling nagkasama. At bago kami naghiwalay, pinag-usapan muna namin ang ilang mga bagay sa aming dalawa. Lalong-lalo na ang tungkol kay William. Sinabi ko sa kanya, at tanggap naman niya na maaaring magbago ang binuo kong balak na hiwalayan ang asawa ko. Hangga't may nakikita akong magandang pagbabago dito'y maaaring maging buo ang isipan kong panatilihin ang aming pagsasama. Tinanggap naman iyon ni Bobby kahit hindi maluwag sa kanyang kalooban. Pinag-usapan din namin kung papaano namin pananatilihing lihim ang aming bawal na ugnayan. Meron kaming mga binuong limitasyon para maiwasang makahalata ang mga tao sa paligid namin.

Kung hanggang saan hahantong ang lahat ng ito'y tadhana na lamang ang makakapagsabi.

Pagpasok ko sa loob ng bahay ay dumiretso ako sa kusina. Inilapag ko sa mesa ang dala kong supot ng mga prutas at saka uminom ng tubig mula sa ref. Napahawak ako sa batok ko at minasahe ko ito ng sarili kong kamay nang bigla akong makaramdam ng pagod dahil sa trabaho. Hindi na muna ako nag-overtime. Kako, kailangan kong makauwi kaagad ng bahay dahil kailangan ko pang asikasuhin si William. Kahit na alam kong may kaunting lakas na ang kanyang katawan, nagbilin pa din ako sa kanya na huwag munang magkikikilos o gagawa ng anumang mabibigat na gawain. Baka kasi biglang bumuka ang tahi niya ayon sa bilin ng doktor.

Walang anu-ano'y bigla akong nagulat nang makarinig ako ng malakas na kalabog mula sa ikalawang palapag ng bahay. Ingay na akala mo'y may isang malaki at mabigat na bagay ang bumagsak sa sahig. "William?" tawag ko sabay lapag ng baso sa mesa. Walang sumagot. Kaya naman dali-dali akong umakyat.

Pagdating ko sa loob ng kuwarto'y agad kong nabungaran ang mga nagkalat na mga libro at mga magazines sa sahig. Habang si William nama'y nakita kong nasa likuran ng kanyang computer at may kung anong kinakalikot. "William, anong nangyari sa'yo?"

Sumilip siya mula sa likuran ng computer monitor habang sumisilay ang pilyong ngiti sa mga labi. "Hindi ako 'yun," aniya. "'Yung mga librong nahulog ang nag-ingay."

Nakahinga ako ng maluwag. "Ano ba kasing ginagawa mo diyan?"

"Kinakalas ko lang ang mga kable nito."

Napakunot ang noo ko. "Bakit, may sira ba 'yan?"

Tumayo siya. "Hindi, wala. Itatago ko muna."

"Bakit?" Alam kong ang computer niyang ito ang isa sa pinakamahalagang bagay sa buhay niya simula pa noong una. Kaya naman ngayon ay hindi ko lubos maisip na itatabi niya na lamang ito ng basta-basta. "Ayaw mo na bang maglaro ng mga games mo? Paano na 'yung YouTube channel mo?"

Nagkibit-balikat siya at lumabas mula sa likuran ng computer. Medyo paika-ika pa siya at dahan-dahang kumilos. Nag-iingat marahil na masagi ng kung anong bagay ang sugat niya sa tiyan. "Well, narealize ko ngayon na pangarap lang 'yun ng mga bata. Gusto kong maging praktikal na tayo ngayon sa buhay." Tumingin siya ng diretso sa mga mata ko. "Kagaya ng ipinangako ko sa'yo. I believe na it's time to move on na para sa akin at iset ng maayos ang mga priorities ko sa buhay. Priorities natin, kumbaga."

Natuwa naman ako sa nadinig ko sa kanya. Hindi ko tuloy mapigilang ngumiti, lumapit ako sa kanya at halikan siya sa labi. "Thank you, William." Ang buong akala ko, dala lamang ng tama ng mga gamot sa katawan niya ang ipinangako niya sa akin noon sa ospital. Kumbaga, nagdedeliryo lamang siya kaya niya nasabi 'yun. Hindi ko akalain na tutuparin niya ang mga binitawan niyang salita. "Sige na. Itigil mo na muna 'yan. Baka kung mapaano ka pa."

"Sandali na lang 'to. Pupunasan ko lang ng konti at..."

"Please, William. Ako na lang ang bahala diyan mamaya."

"Sure ka?"

Tumango ako at saka tumalikod sa kanya upang bumalik sa ibaba.

"Sally."

Lumingon ako.

"Magkachat nga pala kami kanina ng classmate ko dati sa college." Medyo naintriga ako sa sasabihin niya kaya't humarap ako sa kanya ng maayos. "Si Lander. Akalain mo, IT manager na pala siya sa isang kumpanya sa Makati."

Tumigil muna siya sa pagsasalita. Para bang hinihintay niyang magbigay ako ng kumento. Pero nanatili lang akong nakatayo at naghihintay na tapusin niya ang kanyang sinasabi.

"Nag-offer siya sa akin ng trabaho."

"Tapos?"

"Sinabi ko sa kanya na hindi pa ako magaling. Bigyan niya lang kako ako ng ilang buwan. Kapag okay na ako, at kung standing pa din 'yung offer niya, tatanggapin ko. At kapag nakapasok na ako, dito ka na lang sa bahay. Ako naman ang magtatrabaho. Ako naman ang mag-aalaga sa'yo."

Naramdaman ko na parang nangingilid ang mga luha ko sa mata. Sa tuwa dahil sa mga sinabi ni William, I guess. At nang ngumiti ulit ako'y sinabayan ito ng panginginig ng aking baba. Ayokong makita niya akong ganito. Kaya't tumalikod na lang muli ako at tumungo sa pintuan. "M-magandang balita 'yan. Salamat."

"Sally." Pagdating ko sa may hagdanan ay muli kong nadinig na pagtawag niya sa akin. Hindi na ako bumalik sa loob ng kuwarto upang ikubli ang mga mata kong basa na sa luha.

"Ano 'yun?"

"Nagpunta nga pala dito kanina 'yung isa kong kaibigan." Nadinig ko na natatawa siya habang nagsasalita. "Dumalaw lang. Kinukumusta ako. Sabi ko sa kanya, 'wag siyang magpapakita sa akin dito kapag wala siyang dalang masarap na pagkain." Lingid kay William, lihim na akong humahagulgol sa mga baytang ng hagdanan. Tinatakpan ko ng aking kamay ang bibig ko. Umiiwas na madinig niya ang aking mga hikbi. "'Ayun, nagdala nga ng crispy pata 'yung gago. Baka gusto ma nang kumain. Nilagay ko 'yung ulam sa oven. Baka kasi tumigas kapag sa ref ko nilagay. Baka nagugutom ka na din. Nakapagsaing na ako kanina."

"Okay! Salamat... S-salamat."

Dumiretso na ako sa baba pagkasabi ko. Tumuloy ako sa banyo at nagkulong. Pagkatapos ay dito ko pinakawalan ang mga luha kong umagos ng sagana. Lumuluha ako dahil sa tuwa. Dahil kako, sa wakas, may nakikita na akong pagbabago sa asawa ko. At sana, kasabay nito'y ang pagbabago din ng takbo ng buhay namin. Subalit, hindi lubos ang nararamdaman kong kasiyahan. Dahil batid kong ang puso ko'y may bahid na din ng karumihan.

Ito ang lumulukob sa akin ngayon. Napakahirap isipin na sa tinagal-tagal ng pagtitiis ko, sa kumunoy din pala ako babagsak. Sa putikan. At dahil aminado din ako sa sarili ko na may nararamdaman na din ako para kay Bobby, nahihirapan na akong umahon. Sariling paa ko mismo ang humihila sa akin upang tikman ang kasalanan.

OVER THE HILL (SPG R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon