6

1.6K 0 0
                                    

"Buwiset!"

Ang aga-aga ay ito kaagad ang unang palatak ko. Pa'no ba naman kasi, hanggang ngayon ay nakalock pa din ang pintuan ng kuwarto namin. At ang gagong si William ay tulog na tulog pa din. Kahit anong pagkatok ang gawin ko'y ayaw talaga niyang buksan ang pintuan. Ang mahirap pa, kailangan kong pumasok sa trabaho ngayon. Mabuti na nga lamang at may mga sinampay akong mga damit sa likod-bahay kaya't nagawa ko pa ding makapag-ayos para pumasok. Kung hindi, malamang na absent na naman ako at tatlong araw na naman ang ikakaltas sa suweldo ko.

Buwiset kasi talagang William 'yan!

Sa sobrang inis ko pa'y hindi na ako nagluto ng pagkain. Bahala siya sa buhay niyang magutom. Basta ako, kakain na lang ako mamaya sa trabaho. At hindi lang 'yun, pati 'yung kalat sa bahay. Naku, 'yung kalat sa bahay! Ano ba yan! Ah basta! Hindi ko lilinisin 'yun. Bahala din siyang maglinis ng mga kalat nila.

Nasa labas na ako ng pintuan ng aming bahay. Nakatayo ako sa may balkonahe habang sinisigurado ko na maayos ang hitsura ko at dala ko sa aking shoulder bag ang mga kakailanganin kong abubot sa buong maghapon. Nang matapos kong masiguro na wala akong maiiwanan ay bigla akong napalingon ng hindi sinasadya sa aking kaliwa. Sa direksiyon ng pintuan ng inuupahang bahay ni Bobby. Iyon ang isa pang ikinakabuwiset ko at naging laman ng utak ko kagabi bago ako nakaidlip. Iyon ay ang naging pag-uusap namin ni Bobby. Ang gagong 'yun, sa isip-isip ko. Ang kapal ng mukha na magsalita sa akin ng mga ganun. Sino ba siya sa akala niya? Kung makapagsalita'y akala mo magaling na tao

Hay naku. Sira na ang gabi ko kagabi, ayokong idamay ang umagang 'to sa mga walang kuwentang isipin.

Nagsimula na akong maglakad patungo sa kalsada, kung saan kailangan ko pa uling maglakad ng ilang metro pa upang makarating sa paradahan ng traysikel papunta sa labasan. Mula naman doon ay sasakay ako ng jeep papunta sa aking trabaho. Medyo makulimlim ang langit, puna ko. May kalamigan ang simoy ng hangin at masarap maglakad sa umaga. Nasa ganun akong pag-iisip nang biglang may pumaradang isang Range Rover na kulay abuhin ilang hakbang mula sa akin. Mula dito'y lumabas ang isang lalaking matangkad na nakasuot ng kulay pink na polo shirt at kulot ang buhok. Guwapo din ito at mukhang disente.

"Hi, Sally," bati nito sa akin na nakangiti.

"Erick? Anong ginagawa mo dito?" Lumingon-lingon pa ako sa paligid, lalo na sa direksiyon ng bahay namin. Ayoko kasing may makakita sa kanya dito at lalong ayokong may makakita na nag-uusap kami.

Si Erick. Isa siya sa mga masusugid kong manliligaw noong dalaga pa ako. Actually, mas nauna ko siyang nakilala at mas nauna siyang nagpahayag ng kanyang pagtingin sa akin kesa kay William. Hindi ko lang siya sinagot dahil hindi ko maramdaman na may gusto din ako sa kanya sa kabila ng mga magaganda niyang katangian. Siguro nga talaga'y gaga lang ako, bobo at tanga na mas pinili pa si William kesa sa kanya. Eh anong magagawa ko kung walang umusbong na damdamin sa akin para sa kanya? Sabi nga nila, 'kung natuturuan lang sana ang puso'. Korni. Eh di sana'y asawa na ako ngayon ng isang matagumpay na engineer. Hindi kagaya ni William na puro sakit ng ulo at puso lang ang ibinibigay sa akin.

"May pinuntahan kasi ako ditong malapit lang sa inyo. Kaya't naisip ko na daanan ka't ihatid sa trabaho... kung okay lang."

"Hindi okay, Erick. Baka makita ka ng asawa ko at baka kung ano ang isipin nun."

"Pasensiya ka na, Sally, hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko na daanan ka. Gusto lang naman kitang makita kahit saglit lang." Kitang-kita ko sa mga mata niya ang kalungkutan at panghihinayang. Alam ko naman at ramdam ko noon pa na talagang mahal niya ako. Katibayan nito ang pagiging binata niya hanggang ngayon. Hindi ko alam kung ano ang hinihintay niyang mangyari, pero umaasa pa din siya na magiging kami sa kabila ng aming mga katayuan sa buhay.

"Erick, matagal na nating pinag-usapan ang bagay na 'to. Hindi na maaari. Kaya't kung puwede lang, hayaan mo na ako sa buhay ko ngayon. M-masaya na ako." Halos mabilaukan ako sa huling sinabi ko. "Sana mahanap mo na din ang babaing para sa'yo. Sana maging maligaya ka na din."

"'Yun na nga ang problema eh, walang ibang babaing magpapaligaya sa akin kundi ikaw lang, Sally. Alam mo 'yun."

"Sorry, pero hanggang dito na lang talaga tayo, Erick."

Kahit nalulungkot man, nakita kong bahagyang napatango na lang si Erick sa mga sinabi ko. "Naiintindihan ko. Basta lagi mo lang iisipin, Sally na kahit anuman ang mangyari, nandito lang ako para sa'yo. Kahit anong kailangan mo, kahit anong oras, nandito lang ako."

"Salamat... Oh siya, sige na. Mauna na ako sa'yo. Baka malate pa ako sa trabaho."

"Ayaw mo ba talagang ihatid kita?"

"Naku, 'wag na. Salamat na lang ulit. Alam mo naman 'tong lugar namin, madaming tsismosa. Ayokong may makakita sa atin at bigyan pa 'yan ng malisya. Pasensiya ka na."

"Naiintindihan ko. Masaya na din ako, kahit papaano'y nakita kita ngayon." Pilit akong ngumiti sa kanya, gayong sa loob-loob ko'y naaawa ako at gusto ko na siyang umalis upang matapos na 'tong pag-uusap namin bago pa man may makakita. "Sige na. Aalis na ako."

"Salamat ulit, Erick." Bago ako tuluyang umalis ay hinintay ko muna siyang makasakay sa kanyang kotse at makalayo. At pagkatapos ay muli akong lumingon sa aming bahay upang tiyakin na hindi kami nakita ni William. Alam kasi niya ang tungkol kay Erick. At alam din niya na hanggang ngayon ay umaali-aligid pa din ito sa akin. Ayokong pag-simulan ito ng isa pang dahilan upang mag-away o magtalo na naman kami. Masyado nang madaming dahilan kung bakit hindi kami nagkakasundo. Ayokong dagdagan pa ito at mas lalong ayoko na sa akin ito magsisimula.

Pagtingin ko sa aming bahay ay nakita kong nakatayo sa harap ng kanyang pinto si Bobby. Katulad kagabi, may hawak na naman itong tasa ng kape at nakatingin sa akin. Wala itong suot na damit pang-itaas at nakalitaw ang matipuno nitong katawan na animo'y si Adonis. Naitanong ko tuloy sa sarili ko kung kanina pa ba siya doon o kung nakita niyang kausap ko si Erick. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya, dahil wala akong makitang kahit anong ekspresyon sa mukha niya bukod sa kanyang mga mata na parang tigre at nakatunghay sa akin.

OVER THE HILL (SPG R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon