CHAPTER 8
INAYOS niya ang uniform bago hinarap si Zeke. Nasa loob ito ng dorm niya. Hindi na siya tumanggi pa nang sabihing ihahatid siya nito pagkatapos nilang makausap ang dumating na police kanina at dinakip ang lalaking nagtangka sa kanya.
"K-Kuya, bakit pala nandito ka sa—" Natigilan siya nang makita ang salubong na mga kilay nito.
"Bakit?" Nagtatakang tanong niya.
"Kanina lang ay Zeke ka nang Zeke. Bakit kinukuya mo na ako ngayon? Ganoon na lang ba 'yon? Pagkatapos mo akong pagsawaan at lahat-lahat, iku-kuya mo na lang ako ulit at— Aray!" Napahawak ito sa ulo nang binatukan niya ito.
Natatawang ginulo nito ang buhok niya.
"Masaya akong makita ka ulit, Alyssa." Tumitig ito sa mukha niya.
"Bakit nga nandito ka?" Tanong niya.
Napakamot ito sa ulo.
"Naghanap akong trabaho dito. Nakahanap na ako at mag-uumpisa na bukas," tugon nito, natatawa at nag-iwas ng tingin.
"Iniwan mo na 'yong isla? Hindi ka na babalik doon?"
"Babalik naman. Sa ngayon, dito muna ako sa Maynila. Mas malaki ang kikitain ko at dahil nandito ka naman, makikihati na lang ako ng pagkain sa'yo. Pulubi ako dito. Gutom na gutom ako ngayon sa totoo lang, kulang ang dala kong pera, paubos na. Kumain nga lang ako doon sa kanto kanina. Kalahating kanin at sabaw." Sunod-sunod itong nagsalita.
Napatitig siya sa binata. Hindi niya tuloy alam kung matatawa ba siya o maaawa dito. Nakita niya ang medyo gusot ng damit nito. Nakakaawa itong tingnan.
"Bakit ba kasi nakipagsapalaran ka dito? Hindi mo naman yata kabisado ang Maynila katulad ko. Tingnan mo nga 'yang suot mo, mukha kang basahan." Napabuntong-hinininga siya at tumingin sa kusina.
"Magbibihis lang ako, ha? Tapos magluluto ako ng hapunan. Dito ka na kumain," paalam niya sa binata at pumasok sa kuwarto.
Nang makapagbihis ay kaagad siyang dumiretso sa kusina at nagsaing. Naghiwa na rin siya ng karne at mga sahog para sa lulutuin niyang ulam.
"Kailangan mo ba ng tulong?" Sumilip ang binata sa pinto ng kusina.
"Hindi na. Buwisita ka kaya umupo ka lang doon," tugon niya.
"Grabe ka naman sa buwisita. Parang masama pa ang loob mo na sinama mo ako dito." Kunwari ay nagtatampo ito.
Napailing siya, hindi ito pinansin.
"Doon ka na nga," pagtataboy niya.
Saktong pagtalikod nito ay nakita niya ang kamay nito.
"Teka lang," pigil niya sa binata.
Tumigil ito sa akmang paghakbang, kumunot ang noo.
"Bakit?" Nagtatakang tanong nito.
Naglakad siya patungo sa binata at awtomatikong hinawakan ang kamay nito. May bahid iyon ng dugo at may sugat.
Napatingin ang binata doon, tila ngayon lang din napagtanto na may sugat ito sa kamay. Sigurado siyang dahil iyon sa kutsilyo ng lalaki kanina. Nakita niya kung paano iyong sinalo ng binata.
Akmang babawiin nito ang kamay mula sa kanya nang hinila niya ito patungo sa sink. Binuksan niya ang faucet, hinugasan ang kamay nitong may sugat.
"Ayos lang ako, malayo 'yan sa bitu— Aray! Putangina!" Malakas itong napamura nang pinisil niya ang sugat nito.
Napangisi siya nang makitang nakangiwi ito. Pinunasan niya ng malinis na bimpo ang kamay ng binata at kinuha ang first aid kit sa kuwarto.
Pumuwesto sila sa living room at doon ay ginamot niya ang sugat ng binata. Nang matapos ay nahuli niyang nakatitig ang binata sa kanya.
YOU ARE READING
Isla Fontana Series #2: Owning Her (COMPLETED)
Romance| A VERY MATURED CONTENT | The 2nd installment of Isla Fontana Series. Zeke Velasquez grew up with a silver spoon in his mouth. He has everything. What he wants, he gets. He came from a very wealthy family. Unlike his older brother, he is a happy-go...