Ang buhay ni Shamara ay malapit na sa salitang perpekto, isang babaeng marunong lumaban, mag-isip at mabuting anak sa kaniyang mga magulang.
Ngunit matapos makakilala ng estrangherong may maskara ay nakumbinsi siya ng kaniyang ama na tanggalan ng ta...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Hindi namin namalayan na naghahalo na pala ang dalawang kulay sa langit, sinubukan kong tanawin ang pamilihan na pinanggalingan namin ngunit hindi ko na ito makita pa. Kakat'wang malayo na ang aming nilakad ngunit hindi man lamang kami nakaramdam ng pagod o gutom.
"Sigurado akong malapit-lapit na tayo sa bayan na pinakamalapit sa Zinambra, ang Kamatchya," itinuro niya ang natatanaw na naming bayan habang patuloy pa din sa paglakad, nakikita nga namin ito ngunit siguradong mahaba-haba pa din ang aming lalakarin. Sigurado akong malapit nang magdilim dahil sa paghahalo ng mga kulay sa kalangitan, at napakaganda nitong tignan.
"Bakit ka huminto?" Hindi ko namalayan na ginawa ko pala iyon. Sandali pa akong natigilan nang makita ang layo namin sa isa't-isa.
Itinuro ko na lamang ang kalangitan na siyang pinagmasdan niya din. Mabagal akong lumakad ng makita na ang naiinis niyang mga tingin, tila handa na siyang tumakbo palapit sa akin at basta na lamang akong hilain.
Sinusubukan ko kung kakayanin ba ng kaniyang pasensya ang paghihintay sa akin, dahil kung hindi ay ako mismo ang mag-isang uuwi... kung alam ko ang daan pabalik.
Matindi ang pagpipigil ko sa sarili na tumawa ng malakas dahil sa reaksyon niya, halata sa kaniyang mga mata na naka-kunot ang kaniyang noo dahil sa pagliit nito.
Noong malapit na ako ay bigla na lamang niyang hinablot ang aking kamay at tumatakbong hinila ako, nasurpresa pa ako nang hindi ako pumiglas at nagpatianod na lamang sa kaniya.
Bukas na bukas ang bayang iyon, dahil ang mga puno ay wala na, kahit saan ka tumingin ay makikita mo kung ano ang nangyayari. Wala ding nakapansin na nakihalo kami sa madaming taong nagkukumpulan. Kung sa bayan siguro namin ito ay mararamdaman mo na agad ang matatalim nilang mga tingin.
Laking pasasalamat ko pa ng hindi kami nagkaroon ng mga matang nakatuon lamang ang atensyon dahil sa wirdong kasama ko at sa kaniyang maskara.
"Ano ang gagawin natin dito?," ibinulong ko kay Kaser na parang dito siya nabibibilang dahil sa kaniyang prenteng paglalakad.
"Hahanapin muna natin ang kapatid na sinasabi mo," ang pakiramdam ko ay sinabi niyang gawa-gawa lamang ang kwentong mayroon akong nawalang kapatid kung kaya't sinamaan ko siya ng tingin. Kung pupwede lamang na patayin ko siya gamit ang patalim na nakatago sa aking kasuotan sa harap ng maraming tao ay gagawin ko. Ngunit mayroon pa akong kailangang malaman bago ko tuluyang tuldukan ang kaniyang buhay.
May dahilan naman ang aking pagpatay, kung sakali... Ngunit hindi iyon ang dahilan kung bakit ako sumama sa kaniya, at ito ang may matuklasan pa sa totoo niyang pagkatao.
Sinuyod namin ang buong lugar ngunit hindi talaga namin makita ang aking kapatid, "Paano ko malalaman ang itsura ng kapatid mo?" Ngayon lamang iyon naisipang itanong ni Kaser sa buong hapon naming paghahanap. Napatingin ako sa kaniya at tinaasan ng kilay.
Naubos na namin ang aming inumin at makakain kung kaya't ngayong tagaktak ang pawis at nagugutom ay wala kaming nagawa kung hindi umupo na lamang sa isang tabi at magpalipas ng kung ano mang aming nararamdaman.
Hawak hawak ko ang nakatuping tela na ibinigay sa akin ni ina bago ako umalis, agad ko iyong pinunas kay Kaser nang mapansin na wala siyang ginagawa sa mga likidong bumabagsak mula sa kaniyang noo.
Nagulat ako ng naging mabibigat ang kaniyang paghinga kung kaya't tinigil ko ang ginagawa, tumingin na lamang siya sa ibang direksyon at nagpatuloy sa pagsinghap ng hangin, aaminin kong medyo nag-aalala na ako dahil sa mga ikinikilos niya mula pa kanina. Sa t'wing magkakatitigan kasi kami ng mata sa mata ay bigla siyang nag-iiwas ng tingin o sisinghap na lamang bigla ng hangin.
"P-paano nga natin m-mahahanap ang kapatid m-mo?" Isa din ang pagkautal sa pinag-aalala ko. Ang init ng aking ulo ay ay napalitan ng pag-aalala sa mga nagiging kilos niya.
"Maski ako ay hindi ko alam..." sa wakas ay nasabi ko na din ang katotohanan, "Paslit pa lamang kami noong... mawala siya sa pamilihan ng ating bayan... iyon ang sabi ni ama," Napabuntong hininga ako.
"Ano?... paano natin siya hahanapin kung hindi mo naman pala alam ang kaniyang itsura? Ang sabi mo'y paslit pa lamang kayo noong mawala siya... alam mo ba na ang tao ay nagpapapalit ng anyo kapag sila'y tumatanda?" Batid kong naiinis na at pinipigilan lamang ang sarili kung kaya't nagbaba na lamang ako ng tingin at napapikit habang sinasabayan ng pagbuntong hininga.
Muli ay napasinghap siya sa hangin, at may sinabi dito na hindi ko naman naintindihan. Hindi ko malaman kung tatakbo ba ako dahil natatakot ako sa kaniyang ginawa o tatanungin kung bakit nagkaganoon siya?
"W-wala na b-ba tayong pagkain?" Bigla ay naging malambing ang boses niya. Tuloy ay natatakot akong sabihin na wala na, mabilis akong nag-isip kung papaano ko iyon sasabihin ng hindi direstyo. Ayaw ko kasing bumalik nanaman ang galit niyang nararamdaman gayong naglaho na nga ito.
"Hala..." kunwari ay tumingin ako sa aking mga dala at binuksan pa ito, noong masigurong tumingin siya ay mas nilakihan ko pa ang pagbuklat dahilan upang mapabuntong hininga siya. "Wala na tayong pagkain?" Itinanong niya na para bang para sa amin iyong dalawa kahit na ang katotohanan ay mahigpit akong pinagbilinan na huwag magbibigay sa kaniya, ngunit ako naman itong hindi makatiis dahil siya ang dahilan kung bakit ako nagkaroon ng pagkakataong hanapin ang aking kapatid.
"May dala ka naman sigurong pera?" Tanong ko, dali-dali niyang kinalkal ang kaniyang dala at nang makita ay nakangiting nagbuntong hininga, tila sandali niyang nakalimutan na mayroong siyang pera.
"Anong bibilhin natin?" Ang lahat ng galit at inis niya kanina ay biglang naglaho. Ngayon ay nakangiti siyang naglalakad at hawak ang aking braso na sumisiksik sa kumpol ng mga tao na naroon sa mga tindahan.
Maya-maya pa'y may natipuhan na siyang bilhin. Dalawa ang binili niya kung kaya't binigay niya ang isa sa akin. Hinati iyong lutong isda, sa kaniya ang bandang ulo at sa akin ang mga natira sa parte ng buntot. Kahit na umuusok pa ay sabay namin iyong kinain sa isang tabi habang nagmamasid sa paligid.
Bigla ay mayroon nag-abot sa amin ng isang sisidlan ng tubig, hindi ako tumingin sa nag-abot at agad iyong hinablot 'tsaka binuksan, malinis na tubig ang naroon. Sa pagkakataong iyon ay nag-angat na ako ng tingin, isang simgit at maputing babae ang bumungad sa akin, tila kasing-edad lamang ng aking ina. At kahit hindi ko aminin ay saglit akong natulala dahil sa kaniyang ganda, kahit bakas na ang katandaan.
Ang suot niya ay kulay ubas, hindi gaano kahabaan ang mga manggas, sapat lamang iyon para matakpan ang kaniyang braso. Mayroong nakatali na kapirasong tela sa kaniyang mahabang kasuotan dahilan upang umabot iyon hanggang sa lupa, at isa ding dahilan ulang hindi makita ang kaniyang mga paa't sapin dito, lumalaylay iyon kung kaya't sigurado akong kapag naglakad siya ay magmumukha siyang isang makapangyarihan.
Napatingin ako kay Kaser nang bumaling ang tingin ng ale sa kaniya, tila wala siyang hiya dahil sa tuloy-tuloy niyang paglagok ng tubig, alam kong uhaw siya, ngunit hindi iyon sapat na dahilan upang hindi muna siya magpasalamat sa nagbigay sa kaniya. Muli ay nakaramdam ako ng hiya dahil sa ibang tao.
"Patawad dahil sa kawalang hiyaang ginawa n-ng aking kasama at salamat," muli akong bumaling sa babae atsaka marahang tumungo. "Gusto ko din kayong patuluyin sa aking tahanan, dahil mukhang bago kayo dito at wala kayong pupwedeng paglipasan ng gabi," doon ay mas lalo akong nagulat.