Ang buhay ni Shamara ay malapit na sa salitang perpekto, isang babaeng marunong lumaban, mag-isip at mabuting anak sa kaniyang mga magulang.
Ngunit matapos makakilala ng estrangherong may maskara ay nakumbinsi siya ng kaniyang ama na tanggalan ng ta...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Noong sobrang lapit na niya ay pumwesto siya sa aking uluhan, mabilis kong inalala ang mga masasayang oras ko kasama ang aking pamilya at kapatid dahil sa oras na gilitan niya ang aking leeg ay hindi ko na iyon magagawa.
Ngunit ang inaasahan ko ay isang malaking biro, dahil noong sobrang lapit na niya ay ang buhok ko ang kaniyang pinagtuunan ng pansin, ramdam ko kung paano niyang hiniwa ang telang nagsilbing aking panali.
Tapos ay paunti-unti niyang sinuklay iyon gamit ang kaniyang mga daliri hanggang sa umabot siya sa akin noo, inilapat niya ang kaniyang palad na siyang sumakop doon, ramdam ko kung gaano kalamig ang kaniyang kamay na aking tiniis. Bigla ay tumakbo siya papalabas na aking ipinagtaka.
Nakatitig lamang ako sa lugar kung saan siya lumabas nang isa-isang magsipasukan ang kasama ni Mi-Hi sa kaniyang tahanan, humilera sila sa isang gilid, huling pumasok si Mi-Hi at Kaser. Namalayan ko na lamang na mayroon nang malambot at mainit na tela ang nakapatong sa aking noo.
“Amara, bakit hindi mo sinabi na nag-iinit pa din ang katawan mo?” Nag-aalalang tanong ni Mi-Hi sa akin. Hindi ako kaagad nakasagot.
Ilang saglit pa siyang nanatili sa aking tabi ngunit noong masiguro na niya na aayos din ang aking pakiramdam ay agad na din siyang lumisan. Ako at si Kaser nanaman ang naiwan sa loob ng silid, walang nais na bumasag ng katahimikan.
Hanggang sa magdilim na lamang at makakain na kami para sa gabing iyon ay walang nagsalita sa amin, pakiramdam ko’y iba ang iisipin niya kapag kinamusta ko siya dahil sa nangyari sa pagitan namin.
“Amara,” noong sa wakas ay nagsalita na siya ay gabing gabi na at naka-upo kami sa magkabilang dulo ng pintuan ng aming silid, nakatapat kani at nakatingala sa nagniningning na buwan at mga bitwin. Ngayon lamang namin natuklasan na mayroon palang ganoong pintuan sa aming silid.
Hindi ako sumagot, sa halip ay tinignan ko na lamang siya.
“Noong gabing iyon na umalis ka ay takot na takot ako kung ano ang posibleng mangyari kung hindi ka na naming mahanap, nariyan iyong naghanap ako ng mapa na gawa ng mga mamamayan na kabisado ang buong bayan na ito ngunit wala silang ganoon dito at hindi ako makapag-isip ng maayos, iyong tipong gugustuhin ko na lamang na makasama kang magutom sa kung nasaan ka man, kaysa manatili dito’t nag-aalala...” lumingon siya sa akin at matagal na ngumiti, hindi ko malaman kung bakit ako nakaramdam ng kasiyahan sa aking kalooban.
Hindi ko napansin na magkatitigan na kami at malaki pa ang ngiti ko sa kaniya, agad kong naisip ang mga kailangan kong gawin at mga sinabi ni ama. Pumasok agad sa aking isipan ang tanto na nakuha ni Kaser. Paano ko iyon makukuha ng hindi napapansin, tila isa itong imposibleng bagay na napakahirap gawin at pagpasyahan dahil buhay ang kapalit, pinagbigyan nga lamang pala ako ni Kaser sa aking nagawa dahil nagkaroon ako ng sakit noong mapilitang tumakas at sigurado akong hindi na ulit iyon mauulit.
“Nasaan nga pala aking tanto?” Mahinahon at malambing kong tanong kahit na pinilit ko lamang iyon at huwag mautal dahil mahahalata niyang mayroon akong nais na gawin sa bagay na iyon, alam ko na matalino si Kaser, kagaya ni Ansel kaya hindi na ako magtataka kung magsinungaling siya.
“Iyong magandang tanto? Tila napakamahalagang bagay pala noon at ginamit ko lamang upang sirain ang tela na panali mo, patawad,” tapos ay ngumiti siya at bahagyang kumamot sa ulo. Ang puso ko naman ay tila isang preso na nais kumawala mula sa aking katawan.
Mayamaya pa’y tumayo siya at lumabas ng silid, noong magbalik at dala na niya sa dalawang mga kamay ang aking tanto na nakabalot sa tela, kumikinang iyon noong ipasa na niya sa akin, naalala ko iyong panahon na ako’y nasa kagubatan, napakadumi ng tantong iyon, balot sa lupa at hindi ko na mawari kung iyon ba talaga ang bigay sa akin ni ama.
Nais kong magpasalamat, ngunit agad na akong naunahan ni Kaser, “Walang ano man.”
Nanatiling nakabuka ang aking bibig nang ilang saglit matapos niya akong unahan, nakakapagtaka, alam niya bang ako’y kinakabahan na magpasalamat?
“Hindi mo na kailangan magpasalamat, ako nga dapat ang magpasalamat at humingi ng tawad, dahil sa pagsama mo sa aking paglalakbay at pagtuklas, tuloy ay nagkaroon ka ng sakit.” Muli siyang umupo sa kaniyang pwesto.
Nais kong itanong kung bakit kahit mayroong suot na maskara ay alam kong maganda ang mukha ni Kaser.
Sa bawa’t araw na nagdadaan ay hindi ako tumigil na humanga kay Kaser, kung paano siya mag-isip ay talagang kakaiba, nanaisin kong maging totoong kaibigan siya kung hindi lamang dahil sa utos ng aking ama.
Nakakakonsensya na ang lahat ng ginagawa ko kasama siya ay isa lamang pagpapanggap at kasama sa plano upang malaman kung ano ang kaniyang tinatago. Kung pupwede ko lamang ibalik ang mga araw ay ginawa ko na upang hindi ko na maramdaman ang pagka-inis sa sarili, ngayon lamang ako nagsinungaling sa isang tao, at hindi ko na iyon uulitin pa, ngunit sa kasalukuyan ay kailangan kong magpatuloy upang mayroon akong maiuwi sa aming tahanan na bagong impormasyon na alam kong ikatutuwa ng aking ama, iyon ay kung hindi madiskubre ni Kaser ang aking plano.
Nakatitig lamang ako kay Kaser, nakatingala siya sa mga bitwin at tila isang bata na masayang kinokonekta ito upang magkaroon ng magandang hugis. Hindi ko mapigilan ang aking pagngiti.
Bigla ay tumayo siya’t naglakas papalapit sa akin, ibinalik ko ang kawalang emosyon sa aking mukha, naupo siya sa aking tabi at ipinatong ang kaniyang ulo sa aking balikat na aking ikinagitla.
“Kaser,” kinakabahan kong pagtawag, lumingon lamang siya upang ngitian ako. “Hindi ka na ganoon kainit, hindi gaya kanina, sa tingin ko ay maayos na ang iyong pakiramdam... Hayaan mo muna akong maka-idlip sa iyong balikat, dito lamang ako nakaramdam ng pagiging komportable.” Tapos ay wala nang nagsalita pa, namalayan ko na lamang na pinagsiklop niya ang aming mga kamay at ipanatong iyon sa kaniyang hita.
Naguguluhan na ako sa aking sarili, minsan ay galit ako sa kaniya sa puntong nais ko na siyang itulak sa isang bangin kapag mayroong pagkakataon, kadalasan nama’y tumitibok ang aking puso ng sobrang lakas at ang pinakabagong kakaibang naramdaman ko sa kaniya ay noong binuhat niya ako papalabas sa gubat, nakaramdam ako ng kaligtasan sa kaniya na sa aking nararamdaman lamang sa tuwing hawak ako ng mga taong aking minamahal gaya ni ama, ina at Ansel.