Hawak
Simula noong araw na iyon ay hindi na ako muling umahon pa sa dagat. Nanatili ako sa kung saan ako nararapat at kung saan ako maaari lamang na maparoon. Kahit na maliit lang ang saklaw na maaari kong languyin, wala na akong may nakikitang rason pa para muling umahon.
Ako ang may kagagawan nun… Ako ang may kagagawan ng tuluyang pagkawasak ng pamayanan… Ako ang bumaon sa lahat sa ilalim ng tubig…
Marahas akong lumangoy sa mas malalim pang parte ng tubig at hinayaan ang dilim na parusahan ako. Hindi ako karapdapat na magpakita pa… sa kahit sino man. Hindi na ako karapatdapat na bumalik pa sa lupa…
Hindi ko alam kung ilang araw na ang lumipas na naririto lamang ako at paulit-ulit na umiiyak. Wala na akong balak alamin pa… M-Mas mabuti nang ganito. Mas mabuti nang makalimutan ko ang lahat sa pamamaraang ito, kung saan hindi ko na masisilayan pa ang araw kahit kalian. Hindi na muli. Sapagkat muling nabuhay na naman ang marahas na kapangyarihan na natutulog sa pagkatao ko.
Ang kapangyarihan na naging sanhi ng pagkakulong ko sa kweba sa loob ng napakahabang panahon…
Hindi ko na muling ilalabas pa ito sa mundo.
Hinayaan ko ang sarili sa anyong sirena na pumahinga sa pinakailalim na parte ng karagatan. Dito ako nararapat… Sa lugar na walang kahit anong sinag… kagaya ng sa kweba ng Riverdel.
Matapos ng kaganapan na iyon, wala na sanang umasa pa sa mga kasamahan ko na muli pa akong makita. Nawa’y isipin nila na ako ay tuluyan nang tinupok ng apoy ng mga dragon at namatay. At si Enoch… umaasa akong hindi na siya muli pang bumalik dito at magpatuloy nalang sa kanilang paglalakbay.
Nang mabigyan ko siya ng sapat na hangin ay hinayaan ko ng lumutang ang katawan niya pabalik sa ibabaw samantalang ako ay hindi na nagtagal pa sa tabi niya at sumisid na papalayo. Pagkatapos ng ilang minutong paglangoy ko ay hindi ko na nakita pa ang katawan niya.
Kahit papaano’y nakapante ako sa isang bagay na iyon. Na nailigtas ko siya mula sa apoy… at nabuhay siya. Ang lalaking binalikan ako.
“Umiiyak na naman ang ligaw na sirena…”
“Hindi siya naliligaw, Urah. Sadyang sinumpa lang siya na hindi makalayo ng tuluyan sa lupa…”
Rinig kong usapan ng mga diwata ng tubig. Napamulat ako at pinukulan silang dalaw ng tingin. Bahagyang kumintab ang tubig dahil ilaw ng maliliit nilang katawan na ikinairita ko.
“Hindi ko nais na malapitan ng kahit na sino…” mariin kong usal sa pamamagitan ng aking isipan sa kanila.
Bahagya silang lumayo. “Matagal ka na naming nakikita rito, sinaunang sirena… Parati ka namang masiyahin noon sa tuwing lumalangoy ah? Bakit ngayon hindi ka na umaalis sa madilim na parteng ito?” tanong ng isa sa matinis niyang boses.
Napaiwas ako ng tingin. Kasinglaki lamang sila ng piraso ng mga buhangin sa tabingdagat, ngunit mas nakakarindi pa ang mga boses nila sa trumpeta. Hindi ko alam kung nasa lahi na ba ng mga diwata ang pagkakaroon ng malalakas at matitinis na mga boses.
“M-Mas mabuting… hindi niyo na malaman pa ang mga kaganapan.” Sagot ko bago bahagyang inangat ang sarili para maharap sila ng maayos. Matagal ko na rin sila nakikita rito na inaalagaan ang kalikasan sa ilalim ng dagat, ngunit ngayon lang ako nagkaroon ng panahon na makausap sila dahil madalas kong isinasantabi ang presensya ng kahit na sino sa tuwing nasa dagat ako.
“Nag-aalala lamang kami. Hindi mabuti ang lagay ng karagatan ilang araw na ang nakalilipas at hanggang ngayon sa hindi malamang dahilan. Nararamdaman mo rin ba?”
YOU ARE READING
Voyaging Scales (Legend Of The Stars #3)
FantasyLegend Of The Stars #3 (Completed) •Alignments After thousands of years of being in prison in a cave, the Olden Mermaid--Nephalae, finally found herself free. Or was she truly is? Considering her eyes have only been open to the new world she once lo...