Chapter L: Making Weapons and Pills
Sa bulkan ng Bluemir, nananatiling ang grupo nina Finn lang ang mga adventurer na naroroon habang sila ay patuloy pa rin sa pangongolekta ng mga kayamanan. Halos malimas na nila ang kayamanan na nasa bulkan, at ang tanging itinitira lang talaga nila ay ang mga pangkaraniwang damo, puno at mga Sunlight Crystal na hindi nila mapakikinabangan ng sobra. Nagawa nilang matapos ang pangongolekta dahil nadagdagan sila ng limang nilalang na katulong nila sa pangongolekta ng mga kayamanan, ang mga nilalang na iyon ay ang mga nilalang na alagad ni Norton na kaya ring tawagin ni Poll ano mang oras niya hilingin.
Nalibot na nila ang bawat lugar na animo'y silid, at noong mapagtanto nilang bumabalik lang sila sa kanilang mga napuntahan, napagdesisyunan nilang lakbayin na lang ang mas malalim na bahagi ng bulkan upang tingnan kung mayroon pa bang mga kayamanan.
Ganoon man, nabigo sila sapagkat puro asul na magma lang ang kanilang inabutan. Wala ng kahit ano sa malalim na bahagi ng bulkan kaya inihinto na nila ang kanilang paglalakbay at kasalukuyan na silang pabalik sa isa sa animo'y silid sa kuweba na kanila nang napuntahan.
Oras na para isagawa ang susunod na hakbang, at iyon ay ang paggawa ng mga sandata at pill.
Nang marating nila ang kanilang destinasyon, huminto si Finn sa pinakagitna ng lugar at hinarap sina Poll, Eon at Paul.
"Dito tayo magpapalipas ng isang buong linggo, at sa panahon na iyon, ilalaan natin ang ating atensyon sa pagsasanay at paggawa ng mga kayamanan," panimula ni Finn. "Marami tayong nakolektang mga kayamanan mula sa bulkan na ito at sa grupo ni Gyuru na makatutulong sa pagpapataas ng ating antas. Kayo, Paul at Eon ay gagamitin ang mga kayamanang iyon upang magpataas ng antas habang kami nina Poll at Ysir ang bahala sa pagbuo ng mga kayamanan. Si Ysir ang bahala sa pagbuo ng mga armament na magagamit natin habang kaming dalawa ni Poll ang bahala sa mga pill. Tungkol sa ating proteksyon, sina Reden at Heren na ang bahala sa bagay na iyon."
"Ang bawat isa sa atin ay itutuon ang ating atensyon sa ating mga trabaho. Huwag kayong magsasawalang-bahala dahil habang tayo ay nag-didiskusyon dito, ang ating mga kalaban ay naglalakbay at nagsasanay upang magpalakas," ani Finn habang seryosong pinagmamasdan ang kanyang mga kasama.
Inilabas niya ang kanyang orasan. Ibinigay niya iyon kay Reden upang hawakan at pagkatapos, inilabas niya na ang mga kagamitan na kanyang gagamitin sa kanilang binabalak na gagawin.
Habang inaayos ni Finn ang mga kagamitan, at mga sangkap at materyales na gagamitin sa pagbuo ng mga armament at pill, lumapit si Eon habang may nag-aalinlangang ekspresyon sa kanyang mukha.
"Master, sa tingin ko ay hindi patas para sa inyo na kayo ay may ginagawang mahalaga habang kami ay payapang nagsasanay... ano kaya kung ako ang sumuri sa mga nakolekta nating mga kayamanan. Mahihirapan pa kayo na maghiwa-hiwalay kung ano ang inyong gagamitin kaya handa akong maging katulong n'yo para hindi ako nakatengga," ani Eon.
Hindi rin nagdalawang-isip si Paul na humakbang at maghayag ng kanyang saloobin.
"Gusto ko ring makatulong, Ginoong Finn Doria. Isa pa, ang pagkain ng mga natural na soul fruit at kayamanan ay mukhang makasasama na sa aking pundasyon dahil kaaangat lang ng aking antas at ranggo. Kailangan ko pang ayusin ang aking pundasyon upang mapanatili ko ang katatagan nito," paglalahad ni Paul.
Napatingin si Poll kina Eon at Paul. Ngumiti siya at bahagyang tumango, "Ang kanilang ideya at rason ay hindi na rin masama. Kung talagang boluntaryo nilang nais na tumulong, pagbigyan mo na sila, Guro. Isa pa, marami-raming gawain ang paghihiwalay at paghahanap ng mga kayamanan. Magtatagal tayo kung tayo lamang ang maghahanap."
Pinagmasdan ni Finn sina Eon at Paul. Nanatiling walang pagbabago sa kanyang ekspresyon habang tinitingnan ang desididong ekspresyon ng dalawa.
"Gawin n'yo ang gusto n'yo. Huwag lang kayong magrereklamo sa akin kung maraming mga gawain," sabi ni Finn at inilabas na ang mga interspatial ring na naglalaman ng kanilang mga nakolekta sa bulkan at sa grupo ni Gyuru. Ipinatak niya ang mga ito sa sahig kaya nagmistulan itong munting bohol.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]
FantasySynopsis: Sa bagong yugto ng buhay ni Finn, isang panibagong pakikipagsapalaran at paglalakbay ang kanyang mararanasan kasama sina Poll, Eon, at Paul sa loob ng isang misteryosong mundo. Bagong mga kalaban, kakampi, at katunggali ang kanyang makikil...