Chapter LXXX: Judgment
Lumipas ang mga segundo, minuto at oras. Hindi na alam ni Poll kung gaano siya katagal na nagtitiis sa nangyayaring pagsubok sa kanya ngayon. Sabay-sabay ang kanyang paghihirap, pareho niyang kinokontrol ang kanyang alchemy flame at cauldron para hulmahin ang pill, at sa kabilang banda pinoprotektahan niya rin ang kanyang sarili at pill gamit ang kanyang enerhiya mula sa marahas na puwersa ng kidlat.
Iniinda niya ang nakapapasong enerhiya ng kidlat. Pakiramdam niya ay napupunit ang kanyang balat ngunit patuloy siyang nagtitiis. Ina-absorb din ng kanyang katawan ang marahas na enerhiya, at pinaiikot niya ang marahas na enerhiyang ito sa kanyang katawan gamit ang kanyang soulforce pathway.
Hindi biro ang konsentrasyon at katatagan ng isipan ni Poll ngayon. Nagagawa niyang pagsabay-sabayin ang mga ito kahit na para bang bibigay na ang kanyang pisikal na katawan dahil sa tindi ng puwersang idinudulot sa kanya ng kidlat.
Kapansin-pansin din na sa loob ng cauldron, tila ba parang goma ang likidong pinag-isa niya. Nababanat ito sa iba't ibang hugis. Pilit itong kinokontrol at inihuhulma ng binatilyo sa tamang hugis ngunit dahil nga sa kidlat, nahihirapan siyang gawin ito.
‘Hindi ako maaaring pumalpak... Kapag pumalpak ako, matatalo ang aming grupo... Madidismaya si Guro sa akin at higit sa lahat, masasayang ang pagkakataon ko na mabuo ang pill na ito!’ Sa isip ni Poll. Mas lalo niya pang tinatagan ang kanyang katawan at isipan.
Gusto siyang payukurin ng marahas na kidlat ngunit hindi siya pumayag. Lumalaban siya, at mas lalong bumilis ang pag-absorb ng kanyang katawan sa marahas na enerhiya ng kidlat. Tumataas nang tumataas ang kanyang aura. Nagawa niya nang makamit ang antas na 9th Level Heavenly Emperor Rank, at wala pa ring tigil sa pag-angat ang kanyang aura. Walang tigil ang pagdaloy ng marahas na enerhiya patungo sa kanyang soulforce pathway. Ginagawa niya itong sarili niyang soulforce, at dahil sa yaman ng enerhiyang ito, hindi kalaunan ay naabot ni Poll ang antas at ranggong 1st Level Chaos Rank.
Mas lumakas na siya ngayon. Nakakatindig na siya ng ayos dahil mas tumibay na ang kanyang pangangatawan at mas lumakas na ang kanyang enerhiya.
Mas naiituon niya na ang kanyang atensyon sa paghuhulma ng hugis ng pill. Hindi na siya gaanong nagtatamo ng pinsala mula sa kidlat at nabawasan na rin ang pasong nararamdaman niya dahil nasasanay na ang katawan niya sa enerhiya ng kidlat.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Muling naging kalmado ang kanyang ekspresyon at ang kanyang isipan ay naging payapa na muli. Pinakiramdaman niya ang kanyang ugnayan sa tatlong bagay--sa pill, sa cauldron at sa kanyang alchemy flame. Mas pirmi na ang kanyang pagkontrol at dahan-dahan nang umaayos ang hulma ng pill na kanyang binubuo.
Ang lahat ng mga manonood ngayon ay nakatuon na sa nangyayari kay Poll. Napaawang ang bibig ng karamihan. Napahanga sila sa kanilang nasasaksihan dahil kasalukuyang hindi iniinda ni Poll ang marahas na kidlat na nagmumula sa makapal na itim na ulap. Para bang wala lang sa kanya ang panganib na ito, bagkus, nagagawa niya pang maging kalmado habang nakatayo at patuloy na hinuhulma ang hugis ng pill.
Sa kanilang mga mata, ito na ang pinaka kahanga-hangang pangyayari na kanilang nasaksihan. Personal nilang nasaksihan ang isang pangyayaring hindi pa nila nakikita kaya hindi nila mapigilang humanga at magpasalamat. Binuksan pa ng pangyayaring ito ang kanilang mga mata at isipan, at dahil na rin sa pangyayaring ito, malinaw na sa kanilang lahat kung sino ang magwawagi sa kompetesyong ito sa oras na magtagumpay si Poll sa binubuo niyang pill.
Sa tindi ng mga pangyayaring naganap sa kinaroroonan ng binatilyo, imposibleng hindi kahanga-hangang pill ang kanyang mabubuo. Walang makapapantay sa kanyang nagawang kamangha-manghang pangyayari--kahit pa ang pangyayari sa parte ni Hasiophea.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]
FantasySynopsis: Sa bagong yugto ng buhay ni Finn, isang panibagong pakikipagsapalaran at paglalakbay ang kanyang mararanasan kasama sina Poll, Eon, at Paul sa loob ng isang misteryosong mundo. Bagong mga kalaban, kakampi, at katunggali ang kanyang makikil...