Chapter XLIII: The Visit and Might of a Celestial Skill
Sa isang mundong malayong-malayo sa Crimson Lotus Realm, kapansin-pansin ang isang nagliliyab na ibon na kasalukuyang lumilipad sa himpapawid. Isa itong Fiery Fire Bird, isang halimaw na may lahi ng isang totoong phoenix--at ito ay alaga ni Alisaia. Mayroong sakay na tatlo ang Fiery Fire Bird, at kahit na nagliliyab ang mga balahibo nito, kapansin-pansing hindi nasasaktan ang mga ito. Pare-parehong kalmado ang kanilang ekspresyon habang nakatingin sa isang malaking palasyo hindi kalayuan sa kanilang kinaroroonan.
Ang tatlong ito ay puro mga babae. Bawat isa sa kanila ay may sagisag ng isang nagliliyab na ibon sa kanilang mga kasuotan, at ang tatlong ito ay walang iba kung hindi sina Alisaia Seranim, Fae Requis, at Ashe Vermillion.
“Isinama ko kayo ngayon sa Ancient Elf Kingdom para hingiin ang tulong ng kanilang hari upang malaman natin ang inyong mga tadhana. Pareho na kayong nasa Chaos Rank, Fae, Ashe, kaya mas mabuti kung malalaman natin ang kahihinatnan ng inyong buhay para makapaghanda tayo sa hinaharap,” malumanay na sabi ni Alisaia.
Hindi tumugon si Ashe habang si Fae ay magalang na tumango sa kanyang guro at tumugon, “Narating namin ang kasalukuyan naming antas hindi lang dahil sa aming pagsisikap, kung hindi dahil na rin sa inyong gabay, Guro.”
Bahagyang ngumiti si Alisaia ngunit hindi na siya tumugon pa tungkol dito. Inutusan niya ang kanyang alagang halimaw na bumaba sa tarangkahan ng palasyo, at nang makababa sila, may mga elf na lumitaw at pumalibot sa kanila.
Ang mga elf na ito ay may mga hawak na pana't palaso. Mayroon ding mga may hawak ng espada na nakatutok sa kanilang direksyon.
Naging alerto sina Ashe at Fae. Naglabas din sila ng kani-kanilang sandata at naging handa sa maaaring mangyari.
“Ibaba n'yo ang inyong mga sandata, aking mga estudyante,” ani Alisaia. “Hindi tayo naparito para makipaglaban sa kanila. Narito tayo para makipag-usap sa kanilang hari.”
Ibinaba nina Ashe at Fae ang kanilang sandata't depensa. Naging mahinahon muli sila habang pinagmamasdan ang mga elf na pumapalibot sa kanila.
Ilang sandali pa, isang lalaking elf ang lumapit sa Fiery Fire Bird. Umangat ang kanyang katawan upang maging kapantay niya sina Alisaia. Wala siyang hawak na sandata, bagkus kalmado lang siya habang nakatingin kay Alisaia.
“Ano'ng ginagawa ng pinuno ng Ancient Phoenix Shrine sa aming Ancient Elf Kingdom. Wala akong nababalitaan na may bisita ang aming hari?” Ani ng lalaking elf na halata namang may mataas na posisyon sa mga kawal na elf.
“Vishan Liaroris, naparito kami dahil kailangan ko ang tulong ng inyong hari. Sinabi niyang kapag nagbago ang isip ko, bumalik ako rito upang mabayaran niya ang utang na loob niya sa akin,” tugon ni Alisaia. “Ngunit sa inyong pagsalubong sa amin, ibig bang sabihin nito ay balak n'yong hindi tuparin ang ipinangako sa akin ng inyong hari?”
Bahagyang ngumiti si Vishan, sinenyasan niya ang kanyang mga tauhan na ibaba ang kanilang mga sandata. Inilahad niya ang kanyang kamay bago magwika, “Paumanhin sa aming marahas na pagsalubong sa inyo, Alisaia. Alam mo namang magulo ang mundo ngayon ng mga adventurer, mahirap na ngayong matukoy kung sino ang dapat pagkatiwalaan at hindi. Hindi na namin alam kung sino ang kaibigan at kung sino ang kalaban.”
“Naiintindihan ko. Ganoon man, hindi n'yo ako kalaban o kakampi. Gusto ko lang bawiin kay Filvendor Liaroris--sa inyong hari ang kanyang utang na loob sa akin. Kailangan ko ang kanyang kapangyarihan, kailangan kong makausap ang iyong kapatid, Vishan Liaroris,” malumanay na tugon ni Alisaia.
Bahagyang ngumiti si Vishan at nagsalita, “Nasa loob siya ng palasyo. Kasalukuyan siyang nakaupo sa kanyang trono. Kung nais ninyo siyang makausap, bumaba kayo sa Fiery Fire Bird at sumunod kayo sa akin. Ihahatid ko kayo sa Kamahalan.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]
FantasySynopsis: Sa bagong yugto ng buhay ni Finn, isang panibagong pakikipagsapalaran at paglalakbay ang kanyang mararanasan kasama sina Poll, Eon, at Paul sa loob ng isang misteryosong mundo. Bagong mga kalaban, kakampi, at katunggali ang kanyang makikil...