Chapter LII

5.7K 1.1K 119
                                    

Chapter LII: Happenings in the Chaotic Maze Garden

Hindi pa man natatapos ang palugit ni Finn na isang buong linggo para maglaan sila ng oras sa pagsasanay, nagsimula na sila muling maglakbay upang makalabas ng bulkan ng Bluemir. Natapos na sina Paul at Poll sa ika-limang araw nilang pagtatarabaho't pagsasanay. Nakapili na rin sila ng kani-kanyang baluti at sandata, at dahil wala ng dahilan upang sila ay manatili pa sa bulkan ng Bluemir, nagdesisyon sila na lisanin na ang lugar na ito at simulan na ang kanilang susunod na hakbang.

Nabigyan na ni Finn ng sisidlan ang bawat isa kina Eon, Poll at Paul. Naipaliwanag niya na rin kung ano ang kahalagahan ng mga sisidlan na ito, at kung paano nila ito mapakikinabangan. Pinaalalahanan niya sina Eon na regular na uminom ng tubig na ibinabad sa sisidlan upang mapatibay pa ang kanilang pangangatawan at mas mapabilis ang kanilang pagsasanay. Mabisa ring panlunas sa kahit na anong pinsala ang mahiwagang tubig, at higit sa lahat, ang tubig na nababad sa sisidlan na yari sa Redmond Crystal ay may kakayahang palakasin din ng bahagya ang kaluluwa ng isang adventurer.

Kasalukuyan nang tumatakbo sina Finn palabas ng bulkan. Napagtanto nila na walang panganib dito kaya hindi na nila kailangan pang mag-ingat ng sobra. Ang hinahanap na lang nila ngayon ay ang labasan, at ilang minuto pa nga, agad din nilang nahanap ang kanilang hinahanap matapos silang makalabas sa bunganga ng isang kuweba.

Muling sumilay sa kanilang paningin ang maaliwalas na paligid. Ang asul na kalangitan at ang katamtamang init ng sinag ng araw. Mahigit isang buwan din silang nanatili sa loob ng bulkan kaya nakaramdam ang bawat isa sa kanila ng komportable ngayong muli nilang nasilayan ang labas.

Hinarap ni Eon si Finn nang may matamis na ngiti sa kanyang labi. Buhay na buhay ang kanyang mga mata, kakaibang sigla at pananabik ang kanyang ipinapakita. Halatang nananabik na siya sa kanyang balak gawin kaya maging si Poll ay hindi mapigilan na mapatango dahil sa kakaibang determinasyon ng kanyang kapwa binatilyo.

Marahil madalas silang mag-away, pero hindi maikakailang magkakampi sila kaya mas magiging masaya sila kung pareho silang magiging malakas at determinadong makipaglaban. Ganoon man, hindi pa rin aprubado si Poll sa pag-uugali ni Eon. Mapang-mata ito at mahilig gumawa ng gulo na nagiging dahilan din kung bakit sila madalas na napapahamak. Alam niyang hindi iyon maiiwasan, subalit nag-aalala pa rin siya para sa kaligtasan ng kanilang grupo, lalong-lalo na sa kaligtasan ng kanyang guro.

“Master, aalis na ako,” magalang na sabi ni Eon habang sabik na sabik na nakatingin sa mga mata ni Finn.

“Maaari ka nang umalis. Basta tandaan mo lang ang mga paalala ko; huwag kang susugod sa isang labang alam mong hindi mo kayang mag-isa,” malumanay na sabi ni Finn.

Tumango-tango si Eon at agad na tumugon, “Alam ko, Master. Hindi ninyo rin kailangang mangamba dahil mas malakas na ako ngayon. Kahit pa isang Chaos Rank ang iharap sa akin, mabubuhay ako at makababalik sa ating grupo.”

“Hindi na ako magtatagal, Master. Mayroon naman akong mapa kaya magtutungo na lang ako sa Trial of Heavens gaya ng napagkasunduan pagkatapos kong iligpit ang mga iyon,” dagdag pa ni Eon.

Bahagyang tumango si Finn at nagwika, “Alis na. Magkita-kita na lang tayo sa Trial of Heavens. Kung mauuna kami roon, hihintayin ka namin. Hintayin mo na lang din kami roon kung sakaling mauuna ka. Kailangan na rin naming umalis kaya magkanya-kanya na muna tayo, Eon.”

Nagkapaalaman na sina Finn at Eon. Bumaling si Eon kay Poll at nanghahamak na nagwika, “Huwag mong ipapahamak si Master, Bata. Wala ako sa tabi ninyo kaya huwag kang gagawa ng kahit anong ikapapahamak ni Master dahil kapag may nangyaring masama kay Master... Hmph!”

Napaturo si Poll sa kanyang sarili at naiilang na natawa sa sinabi ni Eon. “Ako, gagawa ng ikapapahamak ni Guro? Ano ako, ikaw? Umalis ka na, ang dami mo pang sinasabi.”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon