Chapter XCIV: Meeting the Owner and the Absolute Refusal
Pagkatapos ng lahat ng sinabi ng may-ari ng mundo ng alchemy, natagpuan na lang nina Finn ang kanilang sarili sa isang kagubatan. Puro puno, damo, halaman, bato, at mga ordinaryong insekto ang kanilang nakikita. Mayroon ding malaking mansyon sa kanilang likuran, at dahil sa napakagandang tanawin, at malamig na simoy ng hangin, nakaramdam ng maaliwalas at komportable na pakiramdam ang bawat miyembro ng New Order.
Ngayon na lang ulit nakaramdam ng pagkakomportable ang karamihan sa kanila mula nang pumasok sila sa mundo ng alchemy. Marami silang pinagdaanang mga pagsubok na muntik nang kumitil sa kanilang buhay. Naging tensyonado ang bawat sandali nila sa mundong ito pero ngayon, ang paligid ay nagbibigay na ng komportableng pakiramdam sa kanila. Nagagawa na nilang maging kalmado, at para bang may kung ano'ng bagay sa lugar na ito ang na-aalis sa lahat ng tensyon sa kanilang katawan.
Habang nagmamasid ang bawat miyembro ng New Order sa paligid, napabaling sila sa kanilang harapan nang bigla na lang may lumitaw na pamilyar na pigura roon.
Ang may-ari ng mundo na kanilang kinaroroonan.
Nakasuot pa rin ito ng asul na berdeng balabal. Itinatago niya pa rin ang kanyang hitsura mula sa iba, pero mayroong kakaiba sa kanya ngayon dahil nararamdaman na ng bawat isa sa New Order na ang lalaking ito na nakatayo hindi kalayuan sa kanila ay naglalabas ng maharlikang aura na nagbibigay-komportable sa kanila.
Nararamdaman na nila ang aura ng lalaki, subalit hindi nila matukoy ang antas at ranggo nito.
“Maaari ba kitang makausap sandali, Finn Doria?” Sambit ng lalaki.
Hindi agad tumugon si Finn. Pinagmasdan at pinag-aralan niya lang ng mabuti ang kabuoan ng lalaki. Sinubukan niyang alamin kung gaano ito kalakas, at kung ano ang aktwal nitong antas at ranggo, subalit kagaya lang din iyon ng nararamdaman niya kay Dayang--hindi niya matukoy kung ano ang aktwal na antas at ranggo ng lalaking nagmamay-ari sa mundo ng alchemy.
“Ang iyong mga kasama ay maaari munang magpahinga sa mansyon na nasa inyong likuran. Maaari muna silang magpahinga riyan, at mayroon nang bahalang umasikaso sa kanila sa loob ng mansyon habang kausap kita,” sabi pa ng lalaki. “Gusto lang kitang makausap tungkol sa ilang personal na bagay, at huwag kang mag-alala dahil wala akong binabalak na masama sa iyo.”
Pinagmasdan ng mga miyembro ng New Order ang pigura ni Finn. Hindi na sila nagtataka na gustong makausap ng lalaki ang kang binata, at may ilan na silang naiisip na pakay ang lalaki kay Finn.
Makaraan ang ilang sandali, bumaling si Finn kina Eon at Poll. Bahagya niyang ibinuka ang kanyang bibig at marahang nagwika, “Pumasok na kayo sa loob. Magpahinga muna kayo dahil babalik din ako kaagad.”
Nagkaroon ng pag-aalinlangan sa ekspresyon ni Eon. Seryoso niyang tiningnan ang lalaki, at sa totoo lang, nakararamdam siya ng pangamba para sa kaligtasan ng kanyang master. Gusto niyang sumama at manatili sa tabi ni Finn, pero malinaw ang sinabi sa kanila nito kaya hindi na siya nagpumilit pa at nanatili na lang siyang masunurin na tumango.
Pagkatapos makuha ang tugon nina Eon at Poll, muling hinarap ni Finn ang lalaki.
“Sumunod ka sa akin. Magtutungo lang tayo sa isang lugar na hindi malayo rito,” sambit ng lalaki.
Pumihit siya at nagsimula ng humakbang pauna. Mabagal ang kanyang paghakbang patungo sa loob ng masukal na kagubatan. Hindi na rin nag-alinlangan pa si Finn. Sumunod siya sa lalaki, at kagaya ng bilis ng paglalakad ng lalaki, ang kanyang bawat hakbang ay marahan lang din.
Pinasok nila ang masukal na kagubatan. Mayroong ruta silang dinaanan, at makaraan lang ang ilang minutong mabagal na paglalakad, bumungad kay Finn ang isang napakagandang tanawin.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]
FantasíaSynopsis: Sa bagong yugto ng buhay ni Finn, isang panibagong pakikipagsapalaran at paglalakbay ang kanyang mararanasan kasama sina Poll, Eon, at Paul sa loob ng isang misteryosong mundo. Bagong mga kalaban, kakampi, at katunggali ang kanyang makikil...