Chapter XXXIII

5.4K 1K 128
                                    

Chapter XXXIII: Treasure Among treasures and reaching the Bluemir Volcano

Bawat isa kina Finn, Eon at Paul ay titig na titig sa bolang kristal na nasa palad ni Poll. Seryoso nilang pinagmamasdan ang kabuoan ng kristal at bakas pa rin sa mga mata nina Eon at Finn ang gulat dahil hindi nila inaasahan na makakakita sila ng ganitong kayamanan sa mundong ito. Pinagmasdan nila ang tila ba maliit na mundo sa loob ng kristal, at pinakiramdaman nila ang kakaibang kapangyarihan na malinaw namang hindi nagmula sa mundong ito.

Nang matauhan si Finn, itinuon niya ang kanyang paningin kay Poll. Tinitigan niyang mabuti ang kanyang estudyante at hindi niya napigilan ang kanyang sarili na mapabulalas.

“Hindi ako maaaring magkamali... isa iyang susi patungo sa mundo ng mga Guardian Spirit--isang totoong kayamanan sa lahat ng kayamanan,” sambit ni Finn at muling tinitigan ang kristal.

Pamilyar siya sa kakaibang aura na inilalabas ng kristal. Minsan niya na itong naramdaman noong nasa Ancestral Continent pa lamang siya. Naramdaman niya iyon sa markang nasa katawan ni Cleo na sinasabing iniwan ni Tiffanya upang maging protektor bago ito umalis. Ganoon man, hindi ang dalawang golem ang Guardian Spirit ni Tiffanya. Alagad lang ang dalawang iyon ng totoong Guardian Spirit niya.

Ang mga Guardian Spirit ay halos kapareho lang ng mga soul puppet o kaya ay katuwang na halimaw. Lumalaban sila sa para sa kanilang kinontratang nilalang, ganoon man, mas maluwag ang kontrata sa kanila dahil sa oras na mamatay ang kanilang kinontratang nilalang, hindi sila mamamatay at mananatili silang buhay. Babalik lang sila sa kanilang mundo upang maghintay muli na may kumontrata sa kanilang ibang nilalang.

At isa pang mahalagang katangian ng isang Guardian Spirit ay nakadepende ang kanilang lakas sa nilalang na kanilang kinontrata. Pero siyempre, ang kanilang kapangyarihan ay nag-iiba-iba pa rin. Mayroong makapangyarihan at maraming alam na kakayahan habang mayroon din namang hindi katangi-tanging Guardian Spirit.

Nagsasanay rin ang mga Guardian Spirit upang mas maging makapangyarihan pa sila. Nagsasanay sila ng iba't ibang kakayahan sa kadahilanang alin man sa gusto nilang maging malakas para sa pansarili nilang interes o kaya ay para makatulong sa nilalang na kanilang kinontrata--maaari rin namang pareho.

Matapos ang sandaling pag-iisip, muling nagwika si Finn. “Hindi ko akalaing may ganyang pabuya na ibibigay ang nilalang na iyon. Kung gano'n, hindi nga talaga pangkaraniwan lamang ang mundong ito--ganoon din ang nagmamay-ari rito,” aniya.

“Ang mundong ito ay mayroong Redmond Crystal--isa sa pinaka matibay na kristal sa mundo ng mga adventurer, at ngayon, isang susi patungo sa mundo ng mga Guardian Spirit. Ano at sino ang nagmamay-ari sa mundong ito?” Tanong ni Finn sa kanyang sarili. Muli siyang tumingin sa mga mata ni Poll at marahang nagwika, “Itago mo ang kayamanang iyan. Subukan mong gamitin 'yan sa oras na marating natin ang bulkan ng Bluemir. Sumabay ka na kay Paul Bayson sa kanyang pagsasanay at ipaubaya mo na sa amin ang pagprotekta sa inyong dalawa.”

“Kung susuwertehin ka at makakakontrata ka ng isang Guardian Spirit, magkakaroon ka ng maasahang kakampi, Poll,” ani Finn.

“Tara na. Mas maliksi tayong kumilos, mas makalalamang tayo sa ibang adventurer.”

Humarap si Finn sa direksyon kung nasaan ang bulkan. Nagsimula na siyang humakbang habang si Eon ay nakasunod na rin sa kanya. Mababakas ang inggit sa mga mata ng binatilyo dahil sa pabuyang natanggap ni Poll subalit hindi na siya nagpahayag ng kanyang saloobin dahil bawat isa sa kanila ay nakatanggap ng kani-kanilang pabuya.

Hindi pa rin kumikibo si Poll kahit na nagsimula ng maglakad ang tatlo niyang kasama. Mahigpit ang kanyang pagkakahawak sa kristal, at bakas sa kanyang mga mata ang komplikasyon habang nakatingin sa kristal. Bumaling siya sa kanyang guro na nakatalikod sa kanya. Ibinuka niya ang kanyang bibig at nagwika, “Guro. Hindi ko ito kailangan... Sa tingin ko ay hindi ito nababagay sa akin. Sa 'yo na lang ang kayamanang ito dahil alam kong mas mapakikinabangan mo ito at mas malaki ang posibilidad na may makontrata kang Guardian Spirit sa oras na mapunta ka sa kanilang mundo..”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon