Chapter XXXVII

5.2K 1.1K 110
                                    

Chapter XXXVII: Before the Fight (Part 1)

Matapos ang ilang sandaling katahimikan, tumingin humarap si Finn sa direksyon na dapat nilang pupuntahan at nagwika, “Masyadong masikip ang lugar na ito para protektahan ka. Kailangan nating humanap ng maluwag na lugar para hindi kami mahirapan sa oras na dumating ang mga tumutugis sa iyo. Tumayo ka na riyan at sumunod sa amin para makapaghanda ako ng mga proteksyong magpoprotekta sa iyo habang kami ay nakikipaglaban.”

Pilit na ngumiti si Klaws dahil sa sinabi ni Finn. Tumingin siya sa kanyang mga binti at palad. Bumuntong-hininga rin siya at bahagyang umiling.

“Gustuhin ko mang tumayo, hindi pa sapat ang aking lakas para makatayo. Hindi pa ako nakapagpapahinga ng lubusan matapos kong dumaan sa isang bundok na puno ng mga patibong. Muntik na akong masawi dahil sa aking pagtakas kay Gyuru kaya ganito kalala ang aking kinahinatnan,” tugon ni Klaws. “May malapit dito na animo'y silid na napupuno ng kayamanan. Ilang metro lang ang layo noon, at mararating natin iyon sa loob lamang ng ilang minuto. Pagpahingahin n'yo muna ako ng--”

“Wala na kaming panahon pa para hintayin kang makabawi ng lakas,” putol ni Finn kay Klaws. “Reden, buhatin mo na ang taong 'yan. Kung talagang may malawak na lugar hindi kalayuan sa ating kinaroroonan, doon ka na magpahinga. Ayokong tumayo lang dito habang hinihintay ka na makabawi ng lakas.”

Agad na kumilos si Reden. Naglakad siya papalapit kay Klaws at dahil sa tangkad at laki ng pangangatawan nito, tila ba nanliit si Klaws. Nakita niya ang malaki nitong kamay na palapit sa kanyang balikat, at walang pagtatanong nitong hinawakan ang kanyang balikat at ini-angat. Binuhat siya nito at inilagay sa likuran.

Hindi nagustuhan ni Klaws ang pagbuhat sa kanya ni Reden. Hindi niya gustong may bumubuhat sa kanya dahil pakiramdam niya ay nadudungisan ang kanyang dignidad at nababawasan ang kanyang pagkalalaki.

Mapagmalaki siya at hindi niya inaakalang darating sa punto na mayroong bubuhat sa kanya dahil wala siyang kakayahan na kumilos at maglakad.

Pero, kahit na gaano niya pa ka-ayaw, wala siyang magagawa. Wala siyang pagpipilian kaya napatungo na lang siya dahil siguradong isa ito sa magiging kahihiyan niya sa buong buhay niya.

Marami ang takot at humahanga sa kanya dahil sa kanyang lakas at talento, pero sa pagkakataong ito, buhat-buhat siya ng isang soul puppet.

Habang tinitingnan ang madilim na ekspresyon ni Klaws, si Paul ay nakaramdam din ng pagkailang dahil minsan na siyang napunta sa posisyon nito. Binuhat siya noon ni Reden dahip hindi niya kayang makahabol sa bilis nina Finn. Nararamdaman niya ang nararamdaman ni Klaws--ang pakiramdam na walang pagpipilian kung hindi ang magpabuhat sa iba.

“Maayos na ang lahat. Maaari na tayong magpatuloy habang sina Ysir at Heren na ang bahalang manguna upang masiguro na walang kahit anong panganib sa ating paglalakbay,” paglalahad ni Finn. Nagsimula na siyang maglakad at habang naglalakad siya, muli siyang nagwika, “Heren, Ysir, ipagpatuloy n'yo na ang ipinag-uutos ko sa inyo. Ipaalam n'yo na lang sa akin sa oras na marating n'yo na ang lugar na sinasabi ni Klaws Deterio.”

Sumaludo sina Ysir at Heren kay Finn, at magalang na tumugon, “Masusunod, Master!”

Umalis din sila kaagad matapos sumaludo. Nagpatuloy na rin sina Finn sa paglalakad at isinuot na nilang muli ang kani-kanilang maskara.

Samantala, si Klaws ay nagulantang sa kanyang nasaksihan at napagtanto. Habang siya ay buhat-buhat ni Reden, ang kanyang mga mata ay nakatuon lang kay Finn. Malalim siyang nag-iisip, at ang dahilan ng kanyang pag-iisip ay dahil sa mga napansin niyang kakaiba kay Finn.

“Ikaw ang kumokontrol sa tatlong soul puppet..? Akala ko..” Hindi na naituloy ni Klaws ang kanyang sasabihin. Inakala niyang sina Finn, Eon at Poll ang kumokontrol sa tatlong manika, pero napagtanto niyang si Finn lang pala ang nagmamay-ari sa tatlong ito.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon