Chapter XLV: Freed
Walang kahirap-hirap na tumarak ang talim ng espada ni Finn sa ulo ni Gyuru. Tumagos sa utak ni Gyuru ang talim na naging resulta ng kanyang agarang pagkamatay. Unti-unting humihina ang kanyang aura at presensya hanggang sa makalipas ang ilang segundo, tuluyan na itong naglaho. Patay na si Gyuru, at sa kanyang pagkawala, marami ang naapektuhan. May mga nakalaya na siguradong magiging dahilan ng pagbabago sa Crimson Lotus Realm.
Pinaslang ni Finn si Gyuru, at ginawa niya ito nang walang pag-aalinlangan kahit na alam niyang maaaring malagay sa panganib ang kanyang buhay sa oras na lumabas sila sa mundong ito.
Subalit, walang pakialam si Finn. Lalabas siya rito ng ligtas at malakas, at ang susunod niyang puntirya ay sina Gamor at Urio na panginoon ng Crimson Guardian.
Ngayong tapos na siya kay Gyuru na nangangasiwa sa mga adventurer na nagmumula sa lower realm, ang kailangan niya namang tanungin ay ang mga itinuturing na panginoon ni Gyuru. Walang alam si Gyuru sa pagdating ni Jero Siporko sa planetang Accra, wala rin siyang gaanong alam tungkol sa detalye ng pagbibigay ni Gamor ng pahintulot kay Alisaia para makapunta sa kanilang mundo.
Malilinaw lang ang lahat sa oras na malaman niya ang katotohanan mula kina Gamor at Urio, pero sa ngayon, kailangan niya munang magpalakas dahil ang mga panginoon ng Crimson Guardian ay malalakas na Chaos Rank.
Higit pa roon, siguradong damay na rito ang buong Crimson Lotus Alliance, at ang pinakamalalang maaaring mangyari ay ang makalaban nila ang buong Crimson Lotus Alliancre.
Inutusan ni Finn ang insekto na lumabas na sa katawan ni Gyuru. Ipinasok niya muli ito sa kanyang garapon, at pagkatapos, nakaramdam siya ng matinding panghihina na naging dahilan ng kanyang pagyukod at pagsuka ng itim na dugo.
“Guro!”
“Master!”
Agad na lumapit sina Eon at Poll sa tabi ni Finn. Inalalayan nila ang binata para makaupo ng ayos. Naramdaman nila ang paghina ng aura nito hanggang sa tuluyan nang mawala ang enerhiya sa katawan ng binata.
Tapos na ang epekto ng Golden Emperor Pill, at ngayon, kailangang pagdaanan ni Finn ang kapalit nito na isang buong araw na pagkawala ng kakayahan na gumamit ng enerhiya. Wala na siyang pinagkaiba ngayon sa ordinaryong tao, wala na siyang kakayahan na protektahan ang kanyang sarili.
Kahit na napatay na ni Finn si Gyuru, hindi pa rin siya masaya. Marahil may bahagyang pakiramdam sa kanya ang guminhawa, ganoon man, hindi pa siya tuluyang malaya sa nakaraan. Dala-dala niya pa rin ang bigat ng nangyari sa kanyang mga kaibigan at pamilya.
“Pagbabayarin natin sila, Master... Sisingilin natin sila sa kanilang kasalanan. Ipinapangako kong magbabayad sila ng malaki sa oras na mapatunayan nating sila ay isa rin sa salarin kung bakit nasira ang Ancestral Continent!” Hindi mapigilan ni Eon na maging emosyonal matapos malaman ang ilan sa mga katotohanan.
Gusto niyang maghiganti sa pagkamatay ng kanyang ina. Gusto niyang pagbayarin ang lahat ng may kasalanan kung bakit naging ganito ang kanyang master.
“Patay na ang isang iyan ngunit may kulang pa rin.. Hindi niya nasagot ang mga tanong na gusto kong malaman..” Pabulong na sabi ni Finn habang nakatulala siya sa kawalan.
Hinayaan lang nina Poll at Eon si Finn. Hindi na sila nagsalita pa na naging dahilan ng lubusang katahimikan sa paligid. Bumigat ang kapaligiran dahil kay Finn, kahit si Paul na abala sa pangongolekta ng mga kayamanan sa hindi kalayuan ay napahinto at napasulyap kung ano na ang nangyayari. Naging taimtim ang kanyang ekspresyon. Bumuntong-hininga na lamang siya at ipinagpatuloy ang kanyang ginagawa.
Hindi na rin nag-usisa si Norton sa kabuoan ng mga nangyayari. Tumingin lang siya kay Poll bago humanap ng puwesto para magpahinga. Napagod din siya sa pakikipaglaban, at malaki rin ang nakonsumo niyang enerhiya dahil sa pagtawag niya sa kanyang mga alagad.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]
FantasíaSynopsis: Sa bagong yugto ng buhay ni Finn, isang panibagong pakikipagsapalaran at paglalakbay ang kanyang mararanasan kasama sina Poll, Eon, at Paul sa loob ng isang misteryosong mundo. Bagong mga kalaban, kakampi, at katunggali ang kanyang makikil...