Chapter LXXV: Make Something Extraordinary
Sa palapag kung nasaan ang grupong Myriad of Illusion, kasalukuyang madilim ang ekspresyon ni Hasiophea sa kanyang mukha habang hindi pa rin siya kumikibo sa kanyang kinatatayuan. Naglalabas siya ng kapangi-pangilabot na aura. Nasa harapan niya ang libro na nagpapakita ng kanilang kabuoang puntos at sarili niyang puntos habang sa likuran niya, may komplikadong ekspresyon sina Este at Reben dahil muli nilang nakita sa ganitong kalagayan si Hasiophea kung saan malinaw na hindi ito natutuwa sa nangyayari.
Lumayo ang iba pang miyembro ng Myriad of Illusion sa kinaroroonan ng tatlo dahil sa takot na baka sila ang mapagbalingan ni Hasiophea ng kanyang galit. Alam nila kung gaano kasama ang ugali ng babaeng ito, at kung gaano kaikli ang pasensya nito kaya sila na mismo ang kusang lumayo upang hindi sila mapahamak.
Sa huli, si Hasiophea ang pinuno ng grupong kanilang kinabibilangan, at ang babaeng ito rin ang pinakamalakas sa kanilang grupo na nagtataglay ng antas na 2nd Level Chaos Rank. Bukod pa roon, isang hindi pangkaraniwang adventurer na kayang makipaglaban sa mas malakas sa kanya.
Nagkatinginan na lang sina Reben at Este. Hindi nila inabala si Hasiophea ngunit hindi rin sila umaalis sa kanilang kinatatayuan dahil alam nilang maling hakbang iyon, at mas lalo lang silang pagbabalingan ni Hasiophea.
Kahit na pare-pareho silang estudyante ni Eurogasi, hindi pantay-pantay ang kanilang posisyon. Silang dalawa ay kailangang sumunod at makinig kay Hasiophea dahil iyon ang gustong mangyari ng kanilang guro.
“Mayroon bang nakakilala sa inyo kung sino ang Finn Doria na iyon..? Bakit ngayon ko lang nalaman ang tungkol sa kanya?! Bakit sa mundong ito ko lang narinig ang kanyang pangalan at kailanman ay hindi ko narinig ang tungkol sa kanya sa Crimson Lotus Realm?!” Nanggagalaiting tanong ni Hasiophea habang madilim pa rin ang kanyang ekspresyon.
Mas lalong tumindi ang inilalabas niyang aura. Nagkaroon ng maliliit na bitak ang lupa na kanyang kinatatayuan, at ramdam na ramdam sa kanyang aura ang matinding galit.
Nataranta ang dalawa sa kasalukuyang nangyayari. Agad na sinenyasan ni Reben si Este na magsalita upang sagutin ang tanong ni Hasiophea.
Nakaramdam ng inis si Este dahil sa pagpapasa sa kanya ni Reben ng obligasyon na tumugon, pero wala na siyang nagawa dahil kung walang magsasalita sa kanilang dalawa, mapapahamak sila pareho.
“Wala rin kaming alam tungkol sa kanya, Hasiophea. Kahit ang ibang mga adventurer ay hindi siya kilala bago pa tayo pumasok sa mundong ito. Walang nakakakilala sa kanya, at nananatiling misteryo ang kanyang pagkatao,” nag-aalinlangang tugon ni Este. Napaisip siya sandali bago magpatuloy sa pagsasalita, “Bigla na lamang siyang lumitaw. Nalaman mo rin iyon--kung paano kilalanin ng Bloody Puppeteers si Finn Doria bilang kanilang panginoon. Kumampi rin sa kanya si Klaws Deterio, at mukhang nagkasalamuha na sila noon base sa kanilang pag-uusap at kasunduan.”
“Sang-ayon ako sa sinabi ni Este. Napaka misteryoso ni Finn Doria at ng ilan niyang mga kasama. Para bang bigla na lang silang lumitaw kung saan kaya wala tayong kahit isang impormasyon tungkol sa kanya,” agad na gatong ni Reben para sang-ayunan ang mga sinabi ni Este.
Matapos marinig ang sinabi ng dalawa, unti-unting huminahon si Hasiophea. Napagtanto niyang halos lahat ay hindi alam kung sino nga ba talaga si Finn, at hindi makabuluhan kung magagalit siya sa iba ganoong maging siya ay walang alam tungkol sa binata. Pilit siyang huminahon kahit na hindi niya pa rin matanggap ang mga pangyayari.
Napunta sa ika-apat na puwesto ang kanyang pinamumunuang grupo. Nakakolekta lamang sila ng mahigit na isang milyon at limampung libong puntos--hindi nalalayo sa puntos na nakuha ng Crimson Guardian.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]
FantasySynopsis: Sa bagong yugto ng buhay ni Finn, isang panibagong pakikipagsapalaran at paglalakbay ang kanyang mararanasan kasama sina Poll, Eon, at Paul sa loob ng isang misteryosong mundo. Bagong mga kalaban, kakampi, at katunggali ang kanyang makikil...