Chapter XXIV

5.4K 1.1K 92
                                    

Chapter XXIV: Show Off

ROAR!!!

Matapos ang napakalakas na pag-atungal, bumagsak ang dambuhalang Titanium Armored Ape. Ang mga mata nito ay nawalan ng buhay habang ang gitnang dibdib nito ay mayroong pabilog na butas na tagos hanggang likod. Sa humigit-kumulang na dalawang araw na labanan, sa wakas ay natapos na rin ang labanan. Bumagsak na ang huling 9th Level Heavenly Emperor Rank, at napabagsak ito sa tulong ng pinakamalakas na atake ni Kyuru.

Tama. Si Kyuru ang tumapos sa laban, siya ang mag-isang lumaban sa 9th Level Heavenly Emperor Rank na halimaw matapos niyang atakihin ng buong lakas ang dibdib ng halimaw gamit ang kanyang pinakamalakas na atake. Nagtataglay siya ng kapangyarihan ng kadiliman kaya ang kanyang lakas ay hindi pangkaraniwan. Maging ang baluti ng halimaw na ito ay hindi kinaya ang lakas ng kanyang atake.

Pinagmasdan ng lahat ang paglalaho ng katawan ng halimaw. Makikitaan ng inggit ang karamihan habang itinatago ni Kyuru ang bangkay ng isang 9th Level Heavenly Emperor Rank na monstrous beast.

Gusto nilang makuha ang bangkay ng halimaw na iyon, pero paano? Hindi sila ang lumaban doon kaya ang magagawa na lamang nila ay mangarap at mainggit sa kayamanang nakuha ni Kyuru. Kahit ang magkakapatid na Lobos, Mobos at Nobos ay nakararamdam ng ganid kahit na nakapaslang na rin sila ng dalawang 9th Level Heavenly Emperor Rank.

Muling naging payapa at tahimik ang kapaligiran. Tensyon na lamang ngayon ang namamagitan habang ang ilang mga adventurer ay kumilos na upang kuhanin ang kayamanan ng mga namatay na kapwa nila adventurer. Nag-unahan sila sa pagkuha sa mga kayamanan habang ang ilan ay pinanonood lamang sila at hindi na nagbabalak na makisali pa sa tensyonadong pagkamkam sa mga kayamanan ng mga namatay.

“Talagang matatapang sila,” nakangising sambit ni Eon matapos niyang lumitaw sa tabi ng kanyang master. “Pero walang mali sa kanilang ginagawa. Sayang kung hindi nila kukuhanin ang mga kayamanang nagmamay-ari. Nakapanghihinayang lang dahil pati ang bangkay ng mga iyon ay kinukuha nila. Mapapakinabangan sana ng mga manika mo, master, ang death energy ng mga namatay na iyan,” aniya pa.

“Wala akong balak na makipag-agawan. Isa pa... mahihina lamang ang mga namatay kaya wala rin silang gaanong tulong kina Reden,” taimtim na ekspresyong tugon ni Finn. “Marami tayong napatay na Heavenly Emperor Rank na halimaw kaya hindi na natin kailangan ang death energy na tinataglay ng mga mahihinang adventurer dahil pagsasayang lang iyon ng oras.”

Ngumiti ng malapad si Eon. Nanghahamak niyang pinagmasdan ang nangyayari sa kanilang paligid at marahang nagwika, “Ikaw talaga ang master ko. Pareho tayo ng iniisip na walang kuwenta ang death energy ng mahihinang iyan, at hindi makabuluhan kung pagsasayangan pa sila ng panahon at lakas.”

Napabaling si Poll kay Eon. Naningkit ang mga mata nito na para bang nanghahamak. Kani-kanina lamang ay si Eon ang nagsabing sayang ang mga bangkay ng mga adventurer ngunit ngayon ay taliwas sa kanyang mga sinabi ang mga pahayag niya kanina.

Napansin ni Eon ang nanghahamak na tingin ni Poll ngunit hindi niya ito pinansin. Naiinis siya sa panghahamak ni Poll ngunit nanatili na lamang siyang tahimik dahil binabawi niya pa ang enerhiya na nakonsumo niya dahil sa pakikipaglaban.

Kahit hindi siya gaanong napuruhan, dahil sa rami at lakas ng kanyang mga nilabanan, napagod pa rin siya at halos maubusan ng enerhiya. Hindi niya pa inilalabas ang kanyang ikalawang antas ng kanyanh foundation art dahil sa utos ni Finn. Dahil bahagi na sila ngayon ng isang napakalaking grupo, kailangan nilang itago ang kabuoan ng kanilang lakas. Kailangan nilang magtabi ng ilang alas upang kung sakali man, masurpresa nila ang mga magtatangka na kumalaban sa kanila.

Habang patuloy pa rin ang pangongolekta ng ilan sa kayamanan ng iba, muling narinig ng buong grupo ang tinig ni Kyuru mula sa itaas.

“Isa iyong matinding laban mga kaibigan. May ilan sa atin ang minalas at hindi na nakayanan pang mabuhay ngunit sa kabila nito, ang mga mapanganib na halimaw naman ang nagsilbing oportunidad sa mga nabuhay. Lahat sa atin ay nakalikom ng mga kayamanan na magagamit natin sa hinaharap kaya kahit na may mga namatay, masasabi pa rin natin na ang labanang iyon ay matagumpay,” paglalahad ni Kyuru. “Alam kong may ilan sa inyo ang napagod at hindi na kaya pang magpatuloy ng agaran. Marami ang nasugatan kaya napagdesisyunan namin na mas makabubuti kung magpapahinga muna tayo ng isang buong araw upang nasa magandang kondisyon ang lahat bago tayo magsimula muli sa ating ekspedisyon.”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon