Chapter XLVII: The Future and the Prophecy (Part 1)
“Mag-iisang siglo na rin ang nakalilipas mula nang huli tayong magkita. Totoong na-surpresa ako sa iyong pagparito na wala man lamang pasabi kaya ipagpaumanhin mo kung hindi naging maganda ang pagsalubong sa inyo ng aking kapatid at ng aking mga tauhan,” malumanay na sabi ng lalaking elf habang siya ay nakatingin sa mataas na bintana ng palasyo. “Naalala ko pa ang araw na kinailangan ko ang pinakaiingatan ninyong kayamanan. Hindi ko malilimutan ang utang na loob kong iyon, at hangga't kaya kong magbayad, magbabayad ako sa kabutihan ng iyong Ancient Phoenix Shrine, Alisaia Seranim.”
“Subalit nagtataka lamang ako, bakit tila yata biglang nagbago ang iyong isip? Sa pagkakatanda ko, hindi mo tinanggap ang aking alok noon sapagkat naniniwala ka na nasa kamay natin ang ating kapalaran ngunit bakit ngayon ay narito ka, kasama ang iyong mga pinakamamahal na alaga para hingiin ang aking tulong?” Tanong ng lalaking elf. “Marahil mayroong nangyari kaya ka lumapit sa akin upang masilip ang hinaharap,” aniya pa.
Dahan-dahang humarap ang lalaki. Nakasuot siya ng ginintuang korona na may magagandang palamuti at hiyas. Ginintuan ang kulay ng kanyang buhok na animo'y kurtinang nakabitin sa kanyang likuran, at ang kanyang mala-esmeraldang pares ng mga mata ay maningning na parang mga bituin sa kalangitan.
Mayroon siyang maputlang kulay, matikas na postura, at patilos na mga tenga. Nakasuot lang siya ng kulay berdeng balat na kasuotan, at ang kanyang aura na inilalabas ay maharlika.
Siya ang namumuno sa Ancient Elf Kingdom--siya si Haring Filvendor Liaroris.
Nasa tabi niya ngayon ang kanyang kapatid na si Vishan Liaroris, at kasalukuyan silang nakaharap sa direksyon kung nasaan sina Alisaia, Ashe at Fae.
Nasa malawak silang silid kung saan mayroong malaking bintana na kapag tumingin ka ay matatanaw mo ang nasa labas ng palasyo. At tungkol sa kanilang pinag-uusapan, may kaugnayan iyon sa sadya ni Alisaia kay Filvendor--ang pagsilip sa hinaharap ng kanyang mga estudyante.
Gusto niyang malaman ng nga ito ang kanilang hinaharap, at ang kilala lang niya na may kakayahang silipin ang hinaharap ay walang iba kung hindi ang hari ng mga elf na na namumuno sa Great Land of Elves--si Filvendor.
Ang Great Land of Elves ay pinamumunuan ng Ancient Elf Kingdom. Isa itong upper realm gaya ng Holy Light Realm, at kung kabuoang lakas ang pag-uusapan, hindi papahuli ang Great Land of Elves sa Holy Light Realm na pinangangasiwaan ng Order of the Holy Light ni Auberon.
Si Filvendor ang kasalukuyang namumuno sa Great Land of Elves, at matagal na siyang namumuno rito. Libo-libong taon na siya, at wala pang pumapalit sa kanya sapagkat wala pang ipinapanganak para siya ay palitan bilang hari ng mga elf. Siya ay hindi lang kilala sa iba't ibang upper realm; maging mga taga divine realm ay interesado na makuha ang serbisyo ni Filvendor dahil sa kanyang angking kakayahan.
Ipinanganak siyang natural na mayroong kakayahan na silipin panandalian ang hinaharap ng isang nilalang. Kaya niyang matukoy ang hinaharap, at isa itong kakayahan na biyaya ng kalangitan sa kanya. Ito rin ang rason kung bakit wala pang karapat-dapat na pumalit sa kanya sapagkat, wala pang ipinapanganak na elf na nagtataglay ng kakayahan niya.
“Nagbabago ang isip ng nilalang habang dumadaan ang panahon. Isa pa, naparito ako para maningil ng utang na loob, at hindi iyon para sa akin kung hindi para sa aking mga estudyante,” ani Alisaia. Kahit na mas malalakas ang kanyang kaharap, hindi siya nagpatinag. Nanatili siyang kalmado at hindi niya ibinaba ang kanyang sarili.
Nananalaytay sa dugo niya ang dugo ng isang maharlikang halimaw na fire phoenix, at bilang adventurer na may kakayahang gamitin ang kapangyarihan ng isang divine beast, natural lang sa kanya na maging mapagmataas kahit pa mas malalakas ang kaharap niya.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]
FantasiSynopsis: Sa bagong yugto ng buhay ni Finn, isang panibagong pakikipagsapalaran at paglalakbay ang kanyang mararanasan kasama sina Poll, Eon, at Paul sa loob ng isang misteryosong mundo. Bagong mga kalaban, kakampi, at katunggali ang kanyang makikil...