Chapter XXXII

5K 1K 88
                                    

Chapter XXXII: The Reward

Sugatang nakahandusay at nanghihina si Finn sa lupa. Wasak na wasak ang buong kapaligiran habang animo'y may malaking delubyo ang kasalukuyang nagaganap dahil sa dilim ng kalangitan at walang tigil na pagdagundong ng kulog at pagbagsak ng kidlat. Wala na siyang suot na pang-itaas at kitang-kita na ang kanyang kalamnan na puno ng hiwa at mga sugat. Naliligo na rin siya sa sarili niyang dugo habang putol na ang isa niyang braso at hindi niya na magawang patubuin ito dahil wala na siyang lakas para gamitin ang Water Body ng kanyang Water Sage Art.

Ang kanyang mga mata ay mababakasan ng pagtataka. Wala na rin ang ningning dito at tila ba wala na siyang buhay. Ang tangi na lamang tumutukoy na buhay siya ay ang kanyang mabagal na paghinga.

Pinilit niyang bumaling sa kanyang kaliwa, at doon niya nakita ang nakahandusay na katawan ni Poll. Hindi na ito huminga, tinakasan na ito ng buhay, at iyon ay dahil sa kanilang pakikipaglaban sa pinuno ng Soul-Eater Realm na dahilan kung bakit nawasak ang Ancestral Continent at namatay ang lahat ng mga naninirahan doon.

Natalo sila. Hindi sila nagtagumpay sa kanilang paghihiganti at naging dahilan iyon ng pagkamatay nina Poll at Eon.

Tama, maging si Eon ay namatay rin, at kasalukuyan siyang nasa hindi kalayuan sa kanang bahagi ni Finn.

Bumaling si Finn kung nasaan si Eon. Nakita niya ito na na hubad-baro habang nakaluhod. Hindi na ito gumagalaw, at hindi na rin ito humihinga. Wala ng mararamdamang kahit katiting na aura sa binatilyo.

Namatay ang dalawang binatilyong lumalaban para sa kanya--ang dalawang pinaka pinahahalagahan niya ay kinuha na rin sa kanya, at iyon ay dahil hindi nila nakayanan ang puwersa ng Sou-Eater Realm. Hindi niya kayang talunin si Jero Siporko, at hindi kinaya nina Poll at Eon na protektahan ang kanilang sarili mula sa mga tauhan ni Jero.

”Lahat ng malalapit sa akin ay namatay at wala akong magawa para protektahan sila...” pabulong na sabi ni Finn. “Lahat ng gusto kong protektahan ay hindi ko kayang protektahan dahil mahina ako.. lahat sila ay namatay dahil sa akin..”

“Saan ako nagkulang..? Ginawa ko ang lahat para lumakas at maabot ang antas at ranggong ito para makapaghiganti pero patuloy kong nasasaksihan ang kanilang pagkamatay..” dagdag niya pa.

Bumaling si Finn sa madilim na kalangitan at bakas sa kanyang mga mata ang pagtatanong. Naguguluhan siya at tinatanong niya ang kanyang sarili kung bakit kahit anong gawin niya ay hindi pa rin sapat ang kanyang mga pagsasakripisyo at pagsusumikap para magtagumpay siya sa kanyang paghihiganti.

“Talaga bang ganito ako kahina..? Hindi ko man lamang maipaghiganti ang mga mahahalaga sa akin.. hindi ko man lamang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nila bagkus, ang natitirang dalawang mahalaga sa akin ay namatay rin dahil hindi ko sila naprotektahan,” bulalas ni Finn.

Gusto niyang tumayo ngunit hindi kaya ng kanyang katawan. Wala na siyang lakas. Naibuhos niya na ang lahat pero hindi pa rin siya nanalo, at ngayon wala na siyang kakayahan na tumayo dahil wala ng lakas ang kanyang mga binti upang suportahan ang kanyang katawan.

“Pero, gusto kong malaman...” biglang sambit ni Finn. Bahagya niyang ibinuka ang kanyang bibig at nagpatuloy, “Ito ba talaga ang mangyayari sa binabalak kong paghihiganti..? Talaga bang matatalo ako ni Jero Siporko ng Soul-Eater Realm o.. ito ang gustong ipakita sa akin ng bundok ng buhay at kamatayan para panghinaan ako ng loob at magpasailalim sa kapangyarihan ng bundok?”

“Isa lamang itong ilusyon.. at hindi ibig sabihin na lahat ng nangyayari rito ay mangyayari sa totoong buhay. Ang lahat ng ito ay gustong ipasaksi at iparanas sa akin dahil gusto ng kapangyarihan ng bundok ng buhay at kamatayan na magaya ako sa ibang nilalang na hindi na muling nakabalik sa realidad dahil nakulong na sila sa kanilang kahinaan at kinatatakutan,” dagdag niya pa.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon