Chapter LXXIV

6.2K 1.1K 83
                                    

Chapter LXXIV: Second Part of the Trial: Alchemy Battle

Kasalukuyang pinagmamasdan ng lalaki sa tuktok ng tore ng Trial of Heavens ang imahe ng pigura ni Finn. Kahit na nagninilay-nilay lang ang binatilyo, ang paghanga ay mababakas pa rin sa kanyang mga mata. Nakangiti siya ngayon at naroroon pa rin ang pananabik sa kanyang ekspresyon. Simula't simula ay nakatuon lang ang kanyang atensyon kay Finn, at habang tumatagal mas lalo pa siyang humahanga sa binata dahil sa ipinamamalas nitong pambihirang mga kakayahan at talento.

“Punong-puno ka talaga ng surpresa, Finn Doria. Hindi mo pa ginagamit ang iyong totoong kapangyarihan ngunit nagagawa mo ng magpalabas ng ganoon katindi at kalawak na kakayahan. Kahanga-hanga rin ang iyong bilis ng pagpapagaling at dami ng enerhiyang kaya mong iimbak sa iyong soulforce coil. Nahihiwagaan tuloy ako kung sino ang iyong ama, at kung bakit mas lalo ka pang naging kahanga-hanga gayong hindi ka purong celestial,” sambit ng lalaki. “Hindi ka pumalya sa pagpapahanga sa akin. Sa tuwing gumagawa ka ng kahanga-hangang mga hakbang, mas lalo mo lang akong binibigyan ng rason upang gawin ang lahat para makuha ka.”

“Kwalipikado ka na at ang iyong binuong puwersa para sa susunod bahagi ng pagtatasa. Kaunting panahon na lang, at hindi na ako makapaghintay na makita kang makipagtunggali sa ibang alchemist na sumasalang sa pagtatasa. Gusto ko muling malaman kung mayroon ka pa bang ipapakitang kahanga-hanga,” dagdag niya pa habang nakatingin sa pigura ni Finn. Umiling-iling pa siya at buntong-hiningang nagpatuloy sa pagsasalita, “Alchemy ancestor na nagtataglay ng maalamat na Blue-Green Alchemy Flame laban sa mga pangkaraniwang alchemist. Isa iyong hindi patas na laban ngunit ito ang buhay. Malas lang ng mga alchemist na iyon dahil si Finn Doria ang kanilang nakatapat at nakasabay sa pagpasok at pagsabak sa aking mundo.”

“Pero, ito ang nais ng kalangitan. Masuwerte pa rin sila dahil makakasabayan nila ang adventurer na siguradong magiging isa sa pinakamalakas sa hinaharap--ang adventurer na siguradong malaki ang magiging bahagi sa magaganap na pangkalawakang digmaan laban sa mga diyablo.”

--

Napalilibutan ng aura ang kabuoan ni Finn habang siya ay patuloy na nagninilay-nilay. Nakabantay sa kanya si Eon at ang tatlo niyang soul puppet habang si Poll ay kasalukuyan ding nagpapahinga't nagpapagaling gaya ng sinabi niya rito.

Nagagawa niya na muling gamitin ng bahagya ang kanyang soulforce. Muling nanumbalik sa maayos ang kanyang hitsura at hindi na siya ngayon makikitaan ng sugat o galos. Magaling na rin ang kanyang kanang braso, ganoon man, wala pa rin siya sa kanyang isang daang porsyento ng kondisyon dahil hindi biro ang pinakawalan niyang atake para lamang makolekta niya ang higit na puntos para sa New Order.

Sobrang laki ng pinagbago niya mula nang magsimula ang unang bahagi ng pagtatasa. Pakiramdam niya ay mas tumatag at tumibay pa ang kanyang pangangatawan. Nararamdaman niyang mas lumawak pa ang kanyang enerhiya at dahil sa kanyang nakuhang karanasan sa walang tigil na pakikipaglaban, ramdam niyang higit pa siyang tatagal sa isang laban kung sakaling sasabak muli siya sa labanan na aabutin ng araw o linggo.

Ganoon man, hindi pa rin siya kontento sa lakas na mayroon siya ngayon. Kulang pa rin ito para sa kanya kaya naghahangad pa rin siya na lumakas pa ng sobra. Isa pa rin siyang 1st Level Chaos Rank na may limitadong kakayahan, at ang kanyang mga kalaban ay mga matatandang Chaos Rank na may mayamang karanasan at hindi pangkaraniwang kakayahan.

Ang kalaban niya ay mga pinuno ng middle realm, at sa kasalukuyan niyang lakas at puwersa, hindi pa siya handa para lumaban.

Iminulat ni Finn ang kanyang mga mata nang may maramdaman siyang pagbabago sa kanyang paligid. Napabaling siya sa labas ng nayon, at napansin niya ang mabilis na paglalaho ng presensya ng mga diyablo. Nalalapit na rin ang pagsikat ng araw--hudyat nang pagtatapos ng ika-labing apat na araw nila sa palapag na ito.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon