Prologue

1.8K 53 22
                                    

TW: Suicide.

* * *

“Odette, wala na ang ate mo.”

Parang may biglang pumitik sa loob ng ulo ko, kasabay noon ang pakiramdam na para bang unti-unti iyong napupuno ng tubig, nakalulunod. Ramdam ko rin ang panunuyo ng lalamunan, ang panlalamig ng katawan, at ang init na unti-unting bumabalot sa mga mata ko.

Nanatili ang titig ko sa aking Tita, unti-unti ay lumipat 'yon sa lalaking nasa tabi niya. Namumutla ito at malikot ang mga mata. Isang pakiramdam ang bumalot sa dibdib ko, pakiramdam na madalang lang akong bisitahin.

Galit.

Bihira akong magalit. Naniniwala akong mas maganda kung palagi akong nakangiti, nagbibiro, tumatawa. Kahit ano pang bigat ng problema, pilit kong isinisiksik sa utak ko ang mga katagang, ayos lang 'to, alam kong maaayos din 'to. Matatapos din ang lahat at hindi makakatulong kung iiyak o magagalit ako.

“Nag-bigti siya, Odette...” nakikita ko na ang namumuong luha sa mata ni Tita, hindi rin nakatakas sa pandinig ko ang panginginig ng kaniyang boses.

Mariing kumuyom ang mga kamay ko. Nagsimulang tumakas ang mga luha na ayoko sanang nakikita ng ibang tao. Ayokong umiiyak... Ayokong nagmumukha na kaawa-awa. Pero iyong bigat ng dibdib ko, sobrang lala. Hindi ko na kaya pa silang pigilan.

“W-wala kaming pera... Papaano ang burol? Paano ang pagpapalibing?” mas lalong umusbong ang galit na nasa kaloob-looban ko.

“Odette... Alam mo ang pamumuhay natin. Halos isang kahig, isang tuka na lang tayo... Paano natin bibigyan ng burol si Trina? Bakit ngayon pa?”

“Nasaan siya?” kahit na nanginginig din ang tinig, pinilit kong magsalita.

“Nasa loob...”

Napakaraming tao sa harap ng bahay, napakaraming nakiki-usyoso. Napatingin sila sa akin at mas lumakas ang bulong-bulungan.

“Kawawa naman... Iniwan na nga ng ina ay ngayon nagpakamatay naman ang kapatid...”

“Grabe na rin kasi ang depresyon ni Trina, mukhang hindi man lang pinagtuunan ng pansin.”

“Kahit sino naman. Napakaraming tinatrabaho ng dalagang 'yon para may makain sila. Tapos ay lalapastanganin pa ni Robert.”

“Nabuntis nga raw ng asawa ni Gina?”

Mas bumuhos ang mga luha sa pisngi ko nang tuluyan akong makapasok. Tinitigan ko ang maputlang mukha ng Ate mula sa may pintuan. Hindi na siya gumagalaw...

Naging malabo ang mga sunod na pangyayari. Parang nablangko ang utak ko habang nakatingin sa walang buhay niyang katawan. Nag-iwan pa ng bakas ang lubid na ginamit sa palibot ng kaniyang leeg.

Patay na si Ate... Patay din ang batang nasa sinapupunan niya.

* * *

Wala sa sariling pumasok ako sa loob ng elevator habang mahigpit ang hawak sa cellphone at tissue. Nanlalambot ang mga tuhod ko sa takot at kaba. Mayaʼt-maya kong pinupunasan ang mata habang umaakyat ang kinalalagyan ko. Parang gusto kong masuka habang patagal nang patagal. Gusto kong bumalik pababa, tumakbo at lumayo na lang sa lugar na 'to.

Ilang saglit pa ay biglang bumukas ang elevator, pumasok ang isang babae at isang lalaki. Umiiyak ang babae habang mahigpit ang kapit sa lalaking kasama. Sumiksik ako sa gilid nang magkasama-sama kami sa loob. Lumulutang ang utak na nagpanggap akong may ginagawa sa cellphone pagkatapos silang abutan ng tissue.

Ludic Selcouth #5: Piece By Piece Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon