Mabilis na dumaraan sa aking paningin ang mga senaryo sa labas habang umaandar ang sasakyan. Parang nililipad ng hangin at kalauna’y maglalaho. Kung ganito lang din sana katulin ang pagtakbo ng oras... Iyong pwede kong hakbangan nang mabilis ang mga pangyayaring hindi maganda ang naidudulot sa pakiramdam ko.Pero ano bang madali sa mundo? Araw-araw, oras-oras, para akong sinusubok ng tadhana kung gaano katatag ang mga desisyon ko sa buhay. Tila walang hangganan ang pakikipaglaban ko sa mga pag-iisip na sumasalungat sa akin.
“Ma’am, nandito na ho tayo.” Napakurap ako at napatingin sa driver. Nginitian ko siya at saka bumaba pagkatapos magbayad at magpasalamat.
Kumikinang ang gusaling bumungad sa aking harapan, marami ang naglalabas-pasok doon at kapansin-pansin ang nasabing lugar. Hindi nakaligtas sa paningin ko ang mga kilalang personalidad nang pumasok ako ro’n. Kakaiba ang ambiance sa loob kumpara sa huling punta ko sa lugar na ’to.
Ngayon ang Grand Exhibit ng kilalang Breathe Art Gallery. Mas dumami ang mga naka-display na obra sa paligid at halatang pinaghandaan ang event ngayong gabi. May inayos na platform sa unahan ng hall at may mga pahabang puting tela sa kisame kasama ng nakahilerang chandelier. Mayroon ding tall tables na nababalot ng black silk mantle ang nagkalat sa paligid na maaaring pag-pupuwestuhan ng mga bisita.
May katangi-tanging painting ang nasa taas ng platform na kasalukuyang natatakpan ng puting tela. Hula ko ay ayon na ang isa sa mga pinaka-aabangan na obra ni zhaquispe.
Patuloy ang naging paglilibot ko habang hinahanap si Anthony. Kami ulit dapat ang magkasamang pupunta rito pero bigla siyang nag backout at sinabing baka ma-late siya ng punta.
Hindi lang din siya ang sinusubukang hanapin ng mga mata ko. Isang tao pa ang inaasahan kong makikita ngayong gabi. Halos dalawang linggo ko na siyang hindi nasisilayan sa personal pagkatapos ng road trip na ’yon. Hindi naman nawawala ang mukha niya sa social media pero iba pa rin ang nakikita sa totoong buhay.
Nang makakuha ng wine ay tumigil na muna ako sa isang table at nagmasid sa paliigid. Kanina ko pa naririnig na pinag-uusapan ng mga tao ang pintor. Ang apo ni Edvard na siya ngayong nasa likod ng mga piyesa na narito. Maraming curious kung sino si zhaquispe, pero marami ring may alam na mukhang malabo na magpakilala siya sa publiko. Pero hindi mapipigil ang kuryoso ng marami, lalo na ng media, kaya naman sari-sarili na sila ng teorya kung sino nga siya.
Dahil dakila akong chismosa ay napapaisip din tuloy ako.
Nagsisimula na ang auction sa ibang painting nang sa wakas ay mamataan ko si Anthony. Excited na sana akong lalapit sa kaniya kung hindi ko lang nakita kung sino ang nasa tabi niya.
Si Keisha.
Bahagya nang nakakunot ang noo ko habang sinusundan sila ng tingin. Nakahawak sa kaniya ang babae habang may kausap silang direktor. Alam kong direktor ’yon dahil sa rami ng successful na pelikula sa ilalim niya.
Nabanggit ni Anthony noong nakaraan na medyo naging magkaibigan nga sila ni Keisha pagkatapos ng isang photoshoot abroad. Pero dahil umiinit na rin ang dugo ko sa babaeng ’yon ay naiinis tuloy ako. Paano niya naging kaibigan ’yon eh parang ang pangit ng ugali? Tama ang mga sinasabi ni Darryl Angelito.
Pinagkrus ko ang braso habang patuloy na nakasunod ang mata sa kanila. Ayokong lumapit dahil baka mamaya ay kung ano-ano na naman ang lumabas sa bibig ni Keisha.
Hindi nagtagal ay bigla na rin silang nawala sa paningin ko. Dismayado kong itinukod ang siko sa lamesa at uminom na lang ulit ng wine. Itinuon ko na lang ang pansin sa auction ng mga mayayaman. Ang laki ng binibitawan nilang pera, pero deserve ’yon ng artist dahil sa ganda ng mga obra niya.
BINABASA MO ANG
Ludic Selcouth #5: Piece By Piece
Roman d'amourPareho silang masiyahin, parehong maaasahan, parehong laging nandiyan para sa iba, parehong handang harapin ang hamon ng mundo. Para silang sinulid na may parehong kulay, pwedeng pagsamahin, pwedeng itali sa isaʼt-isa kapag ang isaʼy umikli at nag-k...