Chapter 2
The Camatayan Race
***
"Ate Din, wala pa ring almusal," malungkot at nakasimangot na bati sa akin ni Kristine, ang gitna sa aming magkakapatid. "Si Tatty, kanina pa nagrereklamo."
Napalagitik ako ng dila habang pinapanood ang bunso kong kapatid na nakatihaya't tahimik na umiiyak.
Pagdating ko rito sa bahay, wala sina mama't papa. Hindi ko alam kung saan na naman sila nagsuot. Iniwan pa ritong gutom ang dalawa kong kapatid.
Si Kristine, labinlimang taong gulang na. Si Tatty naman, pitong taon. Ako, labingwalo.
Wala naman akong trabaho para maghanap ng pagkain. Wala akong pera para bumili ng pagkain. Wala rin akong ipamba-barter para maipalit sa mga pagkain.
"Kanina pa umalis sina mama?" tanong ko.
"Opo," sagot ni Kristine.
Nilapitan ko si Tatty na hinang-hina rito sa may banig. Patuloy pa rin ang tahimik niyang pagtangis.
"Ate, gutom na ako," mahinang reklamo niya. Binuhat ko siya at tinapik-tapik ang kanyang likod.
"Pupunta tayo kina Pio. Doon tayo mag-aalmusal."
Iniwan na namin itong barong-barong naming tirahan sa tuktok ng pinagpatong-patong na mga kahoy na bahay. Maingat ang aking pagbaba dahil kaunting mali lang, malalaglag kaming tatlo pababa at hindi na talaga makakakain.
Nang makababa, nagmadali ako sa paglalakad papunta kina Pio. Baka tapos na rin 'yon maligo. Mabait naman ang mga magulang niya hindi tulad sa amin na, iniiwan na lang kaming parang kuting.
Ang kanilang bahay ay isang asul na bus. Walang upuan sa loob n'on. Maayos naman ang loob ng bahay nila Pio dahil alam ko, minsan na ring naging tauhan ng isang mayaman ang kanyang Papa kaya may mga gamit din silang magagara.
Pagdating namin doon, mabilis akong kumatok.
"Pio? Pio?" sigaw ko kasabay ng katok.
Biglang bumukas ang pinto ng bus. "Oh, Nadine, bakit dala mo buong pamilya Guinto?" natatawang tanong ng nanay ni Pio.
"Pasensya na po, Tita. Nagugutom na po kasi 'tong mga kapatid ko. Iniwan na naman po kami ng mga magulang namin. Ayun, nag-away sila kanina lang tapos lumabas ako kasama si Pio ta's pagbalik ko, heto, umiiyak na 'tong mga kapatid ko."
"Hindi pa kayo nag-aalmusal?"
"Opo," sagot ni Kristine.
"O sige, sige. Pumasok na kayo sa aming munting bus. Gusto ko sana sabihing mansyon kaso mga taga-Alabang lang 'yong may mga mansyon."
Ibinaba ko na si Tatty at pinapasok na sa loob ng bahay nina Pio.
"Ah, Tita, nasaan po pala si Pio?"
"Nagpapagupit. Parang pugad na kasi 'yong buhok no'ng batang 'yon," halakhak-sabi ng mama ni Pio.
Parehas din naman sila na kulot ang buhok. Mas bagay nga lang sa mama niya 'yong Afro style na buhok. Kay Pio kasi, hindi.
"Saan po siya nagpapagupit?"
"Doon kay Mang Mond. 'Yong tabachoy na laging may nakasaksak na tabako sa bunganga. Malapit sa ilog."
Napangisi ako sa mga sinabi ng mama niya. "Ah, doon po ba? Salamat po!" Nakangiti akong kumaway sa mama ni Pio at tumakbo na papalayo.
"Hoy! Hindi ka ba kakain?"
BINABASA MO ANG
Let's Race
FantasyNadine Guinto, an 18 year-old girl who belongs to the poorest class of the society, needs to join Metro Manila's Survival Race in order to save her and her city from extinction. ***** In the year 3000, overpopulation is the most pressing issue in ou...