Chapter 5
Message
***
Kinaumagahan, nakangiti ang buong pamilya rito sa may mesa habang kinakain ang tinapay na nakuha sa barter kahapon. Kahit simpleng almusal ito, parang nagmistulang salu-salo na ito para sa amin.
"Sana sa susunod na marketplace, ako naman ang makasama," saad ni Kristine habang may tinapay pa sa kanyang bibig. Parang melon na tuloy ang buo niyang mukha. Bilog na bilog.
"Kapag disiotso ka na. Kinse ka pa lang. Bawal ka pa ro'n," wika naman ni Papa sabay ihip sa kanyang umuusok na maitim na kape.
"Gusto ko na kasing makakita ng mga taga-Alabang. Kuwento ng mga kaibigan ko, nakapunta na raw sila do'n tapos nakakakita ng mga taga-Alabang. Ang gaganda raw ng suot. Hindi tulad sa akin na naka-sando at shorts lang." Itinungo ni Kristine ang kanyang ulo at bumagal ang kanyang pagnguya sa tinapay.
Inusod ko naman ang aking sarili para tabihan siya rito sa mesa. Ikinulong ko siya sa aking braso habang tinatapik ang kanyang malambot na buhok.
"Kristine, balang-araw matatamasa rin natin 'yong buhay na gusto natin," salaysay ko sa aking komportableng boses. "Kaya, 'wag mo nang isipin na ganyan lang ang suot mo. Balang-araw, makakasuot ka rin ng mga magagandang damit gaya ng mga taga-Alabang. At saka, 'yong mga kaibigan mong nakapunta ng marketplace, naku, kapag mahuli sila ng pulis do'n, ikukulong sila. Bawal pa kasi kayo ro'n. Naiintindihan mo ba?"
Gumalaw ang ulo ni Kristine senyales niya ng pag-oo. Hilaw akong ngumiti saka patuloy lang sa pagtapik sa kanyang buhok.
"O siya, Din, ano na pala ang balak mo? D'yan sa training-training na 'yan?" tanong ni Mama habang hinihimay ang tinapay bago isubo.
"Kailangan open lang 'yong line ng cellphone ko kasi baka anytime, puwede silang tumawag."
"Hindi ka ba magliligpit ng gamit? Baka kailangan mo ng gagamitin kasi training 'yon, Din," pagsali ni Papa.
"Opo, magliligpit din po ako agad-agad."
Hinigop ko na rin ang kahuli-hulihang patak ng kape mula rito sa puting tasang iniinom saka inilagay sa kusina.
"Aalis muna po ako," paalam ko nang makarating na ako sa pinto ng barong-barong.
"Sa'n ka pupunta?" tanong ni Papa.
"Kina Pio, gagamitin ko lang 'yong laptin niya kasi sira-sira na 'yong laptop ko."
"I-barter mo na kaya 'yon, ano?" yamot na sabi ni Mama.
"Ayaw. Mahalaga 'yon sa 'kin kahit gano'n 'yon."
Tinalikuran ko na lang sila at tuluyan na akong lumabas ng barong-barong. Bumaba ako sa matarik na hagdan habang tinititigan ang tanawin. Barong-barong lang ang tanging nakikita ng aking mga mata pero kung ako'y titingala sa langit, nakikita ko pa rin ang sumisilip na asul na langit kahit na may mga usok na tumatakip dito. Laganap na rin ang polusyon sa buong mundo dahil sa rami ng tao.
Nang makatapak na ang aking tsinelas sa maalikabok na daan, kumaripas na ako ng takbo para marating ang minibus nina Pio.
Excited na akong ipaalam sa kanya na pasado ako.
Ano kaya ang magiging reaksyon niya?
Hmm. I-prank ko kaya siya na hindi ako nakapasa? Lungkut-lungkutan gano'n. Kaso baka kunyatan ako ng kulot-turned-to-kalbo na si Pio.
Matapos ang ilang minutong pagtakbo, natatanaw ko na ang asul na bus nina Pio. Nang marating ko ito, ipinatong ko muna sa aking tuhod ang dalawa kong palad. Nagpatakan pa sa lupa ang mga pawis ko kaya marahas kong pinunanasan iyon gamit ang braso ko.
BINABASA MO ANG
Let's Race
FantasyNadine Guinto, an 18 year-old girl who belongs to the poorest class of the society, needs to join Metro Manila's Survival Race in order to save her and her city from extinction. ***** In the year 3000, overpopulation is the most pressing issue in ou...