Chapter 31

325 18 4
                                    

Chapter 31

Welcome

***

Sa pagpatak ng alas tres ng hapon, dapat nandoroon na kami sa venue. Iyon din ang nakalagay sa email na ipinadala sa akin ng staff mula sa MMSR.

Nakapagligpit na rin kami nitong mga nakaraang araw. Sina Mama't Papa ang nag-aasikaso ng mga gamit ko dahil abala ako sa pag-eensayo. Si Miss Idda naman ang nag-aasikaso sa schedule na posibleng maganap habang naroon kami sa venue.

Gaganapin ito sa isang hotel sa Manila. Nakasaad din sa e-mail, wala na ring kahoy de gusali ang mga nakapalibot doon kaya maaliwalas ang hotel na iyon. Ito na naman ang misteryosong pagkakawala ng mga kahoy de gusali dahil lang sa race na ito. Sana, sana hindi pinatay ang mga taong nakatira sa mga kahoy de gusaling nakatira sa palibot niyon noong 'di pa ito ginigiba.

"Handa na ba ang lahat?" tanong ni Miss Idda sa akin habang nandito kami sa sala. Nakasuot ako ng itim na pullover na may turtleneck. Naiinitan ako pero ito ang ipinasuot sa akin ni Miss Idda dahil nakaitim siyang gown. Terno raw ang kulay namin at baka mapansin kami sa unang araw ng event. Maikli naman ang suot kong itim na jeans shorts na may ga-tuhod na boots.

Ang laki-laki pa ng ngiti ni Miss Idda dahil gandang-ganda siya sa black fashion namin ngayon. Ang pamilya ko naman na nakaupo sa sofa ay nakangiwi na parang masusuka na yata anumang oras. Hindi sila sanay makakita ng ganitong kasuotan dahil puro lang naman kami sando, shorts, mga pinaglumaang damit sa barter exchange, at kung ano pa man na hindi magagaya sa mga mayayamang tao.

Hindi naman pang-mayaman ang damit kong ito kung tutuusin pero weird lang ang combination ng mga bagay-bagay.

"Opo, ready na po," sagot ko saka hinawakan ang handle ng aking maleta.

Tumingin na si Miss Idda sa aking pamilya na nakaupo sa sofa.

"Pamilya Guinto, I will make sure that Nadine will be safe while we are there. We will do our best to win the race, right Nadine?"

Medyo napitlag ako sa tanong ni Miss Idda kaya may bumarang papel sa aking lalamunan bago nagsalita.

"O-Opo. Kakayanin ko po," ngatal kong sagot.

"Good luck, anak," pagsabi ni Papa sa kaniyang nakaiibig na boses. Tumayo na siya sa sofa saka niya ako niyakap. Sumabay na rin si Mama at ang aking dalawang magkapatid.

Wala na akong sinabi pa dahil nagsimulang magtubig ang aking mga mata kaya tumingala ako sa kisame at kumurap-kurap. Hindi dapat nila ako nakikitang ganito. Dapat aalis akong may lakas sa aking loob.

Natapos din ang ilang saglit, natapos na ang pagyayakapan namin. Tumango-tango na lang ako sa harapan ng aking pamilya saka tumalikod dala-dala ang aking mga gamit.

"Let's go na, Ms. Guinto," ani Miss Idda.

Inihakbang ko na ang aking mga paa nang nakapikit ang mga mata. Awtomatikong pumatak sa de-tiles na sahig ang luhang naipon dito. Nanginig ang aking paghinga habang nililisan ang aking pamilya. Hindi ko na kayang lumingon pa dahil baka hindi ko na matuloy ang pagpunta sa Manila.

Tuloy-tuloy lang ang aming lakad ni Miss Idda hanggang sa makaluwas na kami sa apartment ng pamilya ko.

Dito, dito na ako napaluhod at tahimik na nagtangis. Huminto rin sa paglalakad si Miss Idda dahil 'di ko na narinig ang pagtama ng stilettos niya sa sahig. Naramdaman ko na lang ang paghapo ng kaniyang palad sa aking buhok.

"Magiging okay lang ang lahat, Ms. Guinto."

***

Sumakay na kami sa isang flying limousine papuntang Manila. May mga katawagan naman si Miss Idda sa phone habang nandito kami sa loob kaya inabala ko na lang ang sarili ko sa pagtingin sa labas.

Let's RaceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon