Masayang-masaya na inihahanda ni Andrea ang mga bulaklak at lobo dahil ngayon ang 2nd anniversary nila ng nobyong si Arvin. Inayos niya ang silid niya dahil napag-usapan nila na hindi na sila lalabas upang mag-celebrate. Manonood na lang sila ng movie sa bahay at kakain habang magkasama. Mas gusto pa nga niya ang ganoon. Mas nakakapag-bonding sila ng matagal at walang pinoproblema. Hindi pa sila pagod.
Napangiti siya nang masiyahan sa pagkakaayos ng ginawa niyang surprise para sa nobyo. Excited na siyang tawagan ito para papuntahin. Pero nasabihan na rin naman niya ito kahapon. Sabi niya ay alas sais pa lang dapat ng hapon ay nandito na ito.
Nagkalat ang mga petals ng red roses sa kama niya pati na sa sahig. May mga mumunting ilaw sa paligid na nagkikislapan at mababasa mo ang Happy 2nd Anniversary sa kulay gold na lobong inorder pa niya online. Lahat ay nakahanda na at maayos. Ang pagkain na kakainin nila ay ipapa-deliver na lang niya mamaya. May kaibigan kasi siya na may-ari ng isang sikat na resto at nagde-deliver din ang mga ito para sa mga taong ayaw lumabas o mas gustong nasa bahay lang.
Naglinis muna siya ng sarili. Naligo siya at pagkatapos ay isinuot niya ang bagong biling bestida na kulay pink. Ang ganda niyon at hapit na hapit sa katawan niya. Bagay na bagay sa kaniya dahil marami ang nagsasabing sexy siya.
Naglagay lang siya ng manipis na make up sa mukha. Hindi siya mahilig sa makakapal na kolorete dahil ang totoo ay simple lang naman talaga siya. May mga make up siya pero madalang naman niyang gamitin. Tuwing may mga okasyon lang. Nagtatrabaho siya sa kanilang kompanya bilang secretary ng kaniyang ama. May kaya sila sa buhay at kung tutuusin ay ayaw talaga siyang payagan ng ama niya na magtrabaho pa sa iba. Artista ang kaniyang ina at hanggang ngayon ay marami pa rin itong labas sa telebisyon. Ang Guanzon Corporation naman na pag-aari nila kung saan siya nagtatrabaho ay isa sa sikat na na kompanya dito sa Pilipinas, at bilang isang Guanzon, marami rin ang nakakakilala sa kaniya at humahanga pero ayaw niyang nakikilala siya ng mga ito bilang isang anak ng mataas at mayamang tao. O bilang anak ng isang sikat na artista. Mas gusto niya kasi ng buhay na payak at payapa. Ayaw niya ng media o kaya naman ay ng maraming tao. Saksi siya sa kung paano dumugin ang kanilang ina sa tuwing lalabas sila para kumain. Ang oras sana para sa pagkain nila ay nauubos dahil sa mga nagpapakuha ng larawan, kaya kahit anong mangyari ay ayaw niyang sumunod sa yapak ng kaniyang ina. Ilang beses na siyang tinatanong nito pati ng mga kakilala nitong direktor at kapwa celebrity na pumasok daw siya sa pag-aartista, pero ayaw niya talaga at tumatanggi siya. Hindi iyon ang gusto niya para sa kaniyang sarili. Ang gusto niya pagkatapos ng dalawa pang taon ay magkaroon na ng pamilya. Tumatanda na rin kasi siya. She's 26 already. Kung tutuusin ay pwedeng-pwede na pero hinihintay niya si Arvin. Hinihintay niya kung ano ang plano nito sa kanilang dalawa. Ayaw naman niyang pangunahan ito na tanungin tungkol sa kung may balak ba itong pakasalan siya. Ito ang lalaki kaya dapat ay ito muna ang magtanong niyon dahil nakakahiya naman kung siya ang mukhang atat na atat. Mahal niya si Arvin at nakikita na niya itong makasama sa hinaharap. Nakikita niya ito na siyang magiging ama ng mga anak niya. Mamumuhay sila ng tahimik at masaya. Nagbabanda si Arvin at ngayon pa lang nakikilala ang banda nito, medyo busy pa ito sa buhay kaya ayaw naman niya itong madaliin. Bokalista ito at maganda ang boses kaya naman nahumaling rin siya sa pakanta-kanta nito sa kaniya.Maghihintay pa muna siya hanggang dalawang taon. Sapat na siguro ang dalawang taon na iyon.
Tumingin siya sa relong suot niya. 5:50 PM na pala. Tatawagan na niya si Arvin para sigurado. Baka mamaya ay nakalimutan na nito ang usapan nila. Magtatampo talaga siya dito.
Huminga siya ng malalim saka nag-dial sa kaniyang cellphone. Tinawagan niya ang numero ni Arvin. Nag-ring naman ito pero pagkatapos ng ilang sandali ay pinatay nito ang tawag niya. Napakunot ang noo niya.
Inisip niya na baka napindot lang nito iyon kaya muli niyang tinawagan ang numero nito. Mas lumalim ang kunot sa noo niya nang hindi na niya ito ma-contact. Cannot be reach na ang phone nito.
Bakit naman kaya biglang namatay ang phone nito? Baka na-lowbat?
Siya na lang din ang nagbigay ng sagot sa tanong sa isipan niya.
Sandali siyang naupo at nagmuni-muni. Kapagkuwan ay ipinasya niyang puntahan na lang ito sa condo unit nito. Baka nagpapahinga lang ito at pagod sa trabaho.
Lumabas siya ng silid niya. Hinanap niya ang kapatid na si Antonette ngunit wala ito. Nagtaka tuloy siya. Hindi naman mahilig lumabas ang kapatid niyang iyon ng ganitong oras. Saan naman kaya ito nagpunta? Lagi kasi siyang nagpapaalam dito sa tuwing aalis siya ng bahay.
Tanging ang katulong lang nila na si Manang Minerva ang naabutan niya.
"Manang nasaan ho si Antonette?" tanong niya. Dalawa lang silang magkapatid ni Antonette. Mas matanda ito ng siyam na buwan sa kaniya. Sabi ng Daddy niya ay maaga niya itong nasundan kaya hindi sila nagkakalayo ng edad ni Antonette.
"Umalis kanina pang alas tres y media. Hindi naman sinabi kung saan siya pupunta," sagot ni Manang Minerva sa kaniya. Hindi na lang din siya nagtanong pa rito. Napatango na lang siya.
Baka may lakad lang ang kapatid niya.
"Aalis muna ho ako Manang. Babalik din po ako agad. Pupuntahan ko lang ho si Arvin," sabi niya sa katulong. Mabilis naman itong tumango sa kaniya.
"Sige Andrea basta mag-iingat ka," sagot naman nito sa kaniya. Ngumiti siya dito bago tuluyang lumabas ng bahay.
Sumakay siya sa kulay asul niyang kotse na nakaparada at pinaandar iyon paalis.
Habang daan ay walang ibang laman ang utak niya kundi si Arvin lang. Hindi niya alam kung excitement pa ba ang nararamdaman niya o kinakabahan na siya dahil hindi ito sumasagot sa tawag. Ipinilig niya ang ulo at kinalma ang sarili. Hindi ito ang tamang oras para mag-isip pa siya ng kung ano-ano. Sigurado siya na hindi nakalimutan ni Arvin ang anniversary nila. Baka nakatulog lang ito at napagod. Huminga siya ng malalim habang nagmamaneho at nagpatugtog na lang sa radyo upang maibsan ang kabang nararamdaman niya.
BINABASA MO ANG
You Are The Reason (Ongoing)
RomanceDahil sa sobrang sakit ng kalooban dulot ng kaniyang nobyo at kapatid ay lumayas si Andrea sa kanilang lugar. Gusto niyang magpakalayo-layo dahil sa pagtataksil ng mga ito. Ngunit hindi niya inaasahan na ang pag-alis niyang iyon ay magkakaroon ng ka...