"Bakit ang ganda yata ng ngiti mo?" puna ni Nanay Oreng sa kaniya pagkapasok niya sa loob ng mansyon. Hindi masupil ang ngiting nakapakat sa labi niya matapos niyang iwanan si Shan kanina.
Napansin ni Nanay Oreng na ubos na ang laman ng bitbit niyang tray. Maang itong napatingin sa kaniya.
"Kumain si Senyorito?" hindi makapaniwalang tanong nito.
"Oho Nanay Oreng, kaya nga ho masayang-masaya ako," sagot niya dito. Ngayon lang kasi ito kumain nang naubos nito ang dala niya.
"T-talaga? Diyos ko salamat naman!" masaya rin na sabi ni Nanay Oreng.
"Ako na ho ang maghuhugas nito Nanay," sabi niya dito.
"Ilagay mo na lang riyan, may ibang katulong para sa paghuhugas ng mga pinggan. Hindi iyan kasama sa trabaho mo," sabi ni Nanay Oreng sa kaniya. Ngumiti lang siya dito.
"Nanay Oreng, iilang pinggan lang naman po ito. Hayaan niyong ako na ang magligpit," sabi niya. May kasiyahan na tumango sa kaniya si Nanay Oreng.
"Oh siya sige kung ’yan ang nais mo," nakangiting sabi nito sa kaniya. Masaya niyang hinugasan ang pinggan na pinagkainan ni Shan kanina. Masaya siya at hindi niya alam kung bakit parang napakalaking bagay sa kaniya ang pagkain nito. Siguro ay ganoon niya kagusto na lumakas ito agad. Nang matapos siyang makapaghugas ng pinggan ay agad siyang nagpunas ng mga kamay. Si Nanay Oreng naman ay nagpupunas ng mga gamit na naka-display sa malaking sala ng bahay. Nilapitan niya ito.
"Nanay Oreng may tanong ho sana ako," aniya sa matanda na agad namang lumingon sa kaniya.
"Ano iyon Andrea?" tanong nito.
"A-ano ho ang nangyari kay Senyorito? Bakit siya nagkaganoon?" usisa niya. May kung ano sa kalooban niya na gustong malaman kung ano ba talaga ang nangyari sa binata. Itinigil ni Nanay Oreng ang ginagawa nito at pagkatapos ay humarap ito sa kaniya.
"Naaksidente siya Andrea," panimula ni Nanay Oreng.
"Dahil sa isang babae," dagdag nito. Maang siyang napatitig kay Nanay Oreng.
"H-ho? Ibig niyo hong sabihin ay nobya po ni Senyorito?" tanong niya. Tumango naman si Nanay Oreng.
"Oo si Aliyah. Masamang-masama kasi ang loob ni Senyorito noong nalaman nito na kailangang umalis ni Aliyah upang doon ituloy ang pag-aaral nito sa ibang bansa. Sa sobrang sama ng loob habang nagmamaneho, ayun naaksidente siya. Mabuti nga at hindi siya namatay eh," sabi ni Nanay Oreng. Napatanga siya sa sinabi nito. So babae pala ang dahilan ng pagkakaaksidente ni Shan. Bakit naman kasi nito ginawa iyon? Kunsabagay ay ano ba ang alam niya? Siguro ay ganoon nito kamahal ang Aliyah na iyon.
"Mahal na mahal niya kasi ang babaeng iyon. Pero ewan ko ba, ako ay wala namang nakikitang ganoon sa babae. Parang siya lang naman ang nagmamahal. Sa katunayan nga, galing sa hirap ang babaeng iyon. Ibinigay ni Senyorito ang lahat sa kaniya. Ayun noong nagkapera, tumaas masyado ang lipad, mas gustong mag-aral sa ibang bansa," ani Nanay Oreng.
"Kawawa naman pala si Senyorito Shan, pero sa tingin niyo ho ba ay nakalimot na siya?" tanong niya dito.
"Anim na buwan pa lang ang nakakalipas kaya hindi ko masasabing nakalimot na siya. Bakas naman sa mga mata niya na hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin siya. Sa tingin ko ay hindi niya pa nakakalimutan ang babaeng iyon. Hindi ko rin alam kung naghiwalay na nga ba sila," sagot ni Nanay Oreng. Napatango siya dito. Iniwanan na niya ito at lumabas na siya ng mansyon. Nasa labas pa rin si Shan. Mamaya pang mga ala singko ng hapon ang balik nito sa loob ng bahay.
Natanaw niya ito na malayo ang tingin. Naglakad siya palapit dito.Nang makalapit siya ay tiningnan siya nito pero blangko lang ang ekspresyon ng mukha nito. Mukhang nagbago na naman ang mood nito. Naupo siya sa isang upuan at tumanaw din sa mga taong nasa gitna ng bukid. Walang imik si Shan, siya naman ay nakikiramdam kung magsasalita ito. Nagulat pa siya nang bigla nga itong nagsalita.
"Ano ang buong pangalan mo?" tanong nito sa kaniya. Nagtataka siya dahil bigla nitong tinanong ang pangalan niya. Hindi niya sinabi kila Nanay Oreng na isa siyang Guanzon. Kilala ang mga Guanzon bilang mayayamang tao kahit saan mang lugar. Iba ang pagpapakilala niya sa mga ito. Andrea Lesaca ang ibinigay niyang pangalan kay Nanay Oreng at si Nanay Oreng naman ay sinabi sa mga magulang nito na pamangkin siya nito upang mas madali siyang maipasok.
"A-andrea Lesaca po Senyorito," sagot niya. Kumunot naman ang noo nito. Kinakabahan siya sa hindi niya maipaliwanag na dahilan. Mas lalo siyang kinabahan nang tumingin ito sa kaniya at matiim siyang tinitigan sa mga mata.
Pinagmasdan nito ang kabuuan niya."Bakit ang ganda ng kutis mo? Your job doesn't suit you," sabi nito sa kaniya.
Napayuko siya. Bakit ba kasi ipinanganak siyang maputi at may mamula-mulang balat?
Nahahalata na yata nito na hindi talaga siya mahirap."H-ho? Ganito na ho talaga ang balat ko," pagsisinungaling niya.
"Kaya nga. Hindi bagay sayo ang trabaho mo. Bakit ka napadpad dito? Ang sabi ni Nanay Oreng ay pamangkin ka niya. Ngayon ko lang nalaman na may pamangkin pala siyang mukhang anak ng artista," anito sa baritonong tinig. Ngayon lang niya ito narinig na nagsalita ng marami at mahaba. Saka ano nga ang huling sinabi nito? Mukha siyang anak ng artista? Pakiramdam niya ay nag-blush ang mga pisngi niya. Marunong naman pala itong makipag-usap ng ganito.
"Kailangan ko hong mabuhay kaya wala dapat akong pinipiling trabaho," sabi niya dito.
"I see," tipid nitong sagot sa kaniya at pagkatapos ay muling tumingin sa kawalan. Siya naman ang tumingin sa mukha nito. Nakakunot man lagi ang mga kilay nito ay hindi maitatangging gwapo ito. Ano kaya ang naisipan ng Aliyah na iyon at iniwanan pa nito si Shan samantalang halos nandito na ang lahat? Gwapo at mayaman.
"Huwag mo akong titigan baka malusaw ako," bigla ay sabi nito. Nagulat siya at agad na umiwas ng tingin. Bakit alam nito na nakatitig siya dito kahit hindi naman ito nakatingin sa kaniya? May mata ba ito sa pisngi? Tila may mga kabayong naghahabulan tuloy sa dibdib niya. Kinabahan siya bigla. Napansin niyang parang ngumiti ito pero nawala din agad.
"H-hindi naman kita tinititigan," wari ay sabi niya dito.
"Talaga lang?" balik nito sa kaniya.
"Hay, ewan ko sayo. Bukod sa masungit ka eh feeling ka rin pala," sabi niya. Hindi ito nagsalita at nanatiling nakakunot ang kilay. Mabuti na nga lang at tinawag siya ni Nanay Oreng dahil may mga bitbit itong miryenda para sa mga tauhan ng hacienda. Tumayo siya at iniwanan si Shan upang tulungan si Nanay Oreng sa mga dala nito.
BINABASA MO ANG
You Are The Reason (Ongoing)
RomanceDahil sa sobrang sakit ng kalooban dulot ng kaniyang nobyo at kapatid ay lumayas si Andrea sa kanilang lugar. Gusto niyang magpakalayo-layo dahil sa pagtataksil ng mga ito. Ngunit hindi niya inaasahan na ang pag-alis niyang iyon ay magkakaroon ng ka...