CHAPTER 06

34 2 0
                                    

Kila Nanay Oreng muna tumuloy si Andrea. Isang apo lang pala ang kasama nito sa bahay, si Olan. Limang taong gulang pa lang ito. Wala pa si Nanay Oreng dahil nasa mansyon pa raw ito ng mga Oliveros. Silang dalawa lang ni Olan ang naiwan sa bahay.

"Ano iyang ginagawa mo?" tanong niya sa bata. May pinupukpok kasi itong mga tansan.

"Binubutasan ko po ang mga tansan para gawin na pangaroling. Malapit na po kasi ang pasko," sagot nito sa kaniya.

Bigla niyang naalala na malapit na nga pala ang pasko tapos wala siya sa pamilya niya. Nandito siya at malayo sa mga ito. Pero ito ang pinili niya kaya kailangan niyang magtiis. Para sa sarili din naman niya ang ginagawa niya.

"Kayo po? Bakit po mag-isa lang kayo?" tanong nito sa kaniya. Napatingin siya sa inosenteng mukha ni Olan.

"Ahm ano... mahabang kwento eh. Gusto ko lang munang mapag-isa at lumayo sa amin," sabi niya rito.

"Bakit naman po? May problema po kayo?" usisa nito sa kaniya. Tama pala si Nanay Oreng. May kadaldalan ang batang ito.

"Oo meron. Pero okay lang ako," pagsisinungaling niya. Ang totoo kasi ay hindi naman talaga siya okay. Kaya nga siya napadpad sa lugar na ito eh.

Hindi na kumibo si Olan at ipinagpatuloy nito ang ginagawa sa mga tansan. Nang mabutasan nito ang mga iyon ay isa-isa nitong inilagay sa alambreng pabilog ang mga tansan. Napangiti ito nang masiyahan sa kinalabasan ng ginawa nito.

"Ayan may pangaroling ka na," sabi niya dito. Hindi niya alam kung bakit napangiti rin siya.

"Oo nga po ate Andrea!" sagot naman nito sa kaniya.

Kinuskos niya ang buhok nito. Maya-maya ay dumating na si Nanay Oreng dala ang magandang balita.

"Naku Andrea, bukas na bukas ay gusto kang makausap ng mga magulang ni Senyorito. Saka puwede ka na rin daw magsimula bukas!" excited na balita nito sa kaniya. Napanganga siya at kapagkuwan ay sumilay ang matamis na ngiti sa labi niya.

"T-talaga ho? T-tanggap na agad ako?" hindi makapaniwalang tanong niya.

"Oo. Basta bukas ay sabihin mo na lang sa kanila na pamangkin kita. Ang alam nila ay pamangkin kita kaya pumayag sila agad," ani Nanay Oreng sa kaniya. Napatango na lang siya dito. Nagsinungaling pa pala ito para lang makapasok siya sa mga Oliveros.

"Salamat ho Nanay Oreng," sabi niya sa matanda.

"Walang ano man Andrea," sagot naman nito sa kaniya.

Kinabukasan nga ay maaga siyang nagtungo sa mansyon ng mga Oliveros. Medyo kinakabahan siya. Hindi naman kasi niya akalain na hahantong siya sa ganito pero ayos lang. Ang mahalaga ay nakatakas siya sa kanila at nakalayo sa mga taong nanakit sa kaniya. Sinamahan siya ni Nanay Oreng.

Pagpasok pa lang nila sa loob ng mansyon ay namangha na agad siya. Sobrang ganda sa loob niyon. Mayaman din naman sila pero wala yata sa kalahati ng mansyon na ito ang bahay nila sa Maynila. Parang palasyo na itong tinutungtungan niya ngayon.

"Grabe, sobrang laki naman ho pala ng mansyon na ito," manghang sabi niya habang nakatingala at pinagmamasdan ang mga mamahaling gamit sa loob.

"Naku, kulang nga yata ang isang linggo kapag nilibot mo ang kabuuan ng loob nito eh," sabi ni Nanay Oreng.

Napukaw ang atensyon nila nang matanaw niya ang isang magandang babae na pababa ng hagdanan. Siguro ay nasa 50's na ang edad nito pero ang ganda ng katawan at ng mukha.

"Hayan si Senyora Elizabeth. Siya ang ina ng pagsisilbihan mo," bulong ni Nanay Oreng sa kaniya at siniko pa siya. Kasunod na bumaba ang isang lalaki na sigurado siyang asawa nito.

"Hayan naman si Senyor Julio. Siya ang asawa ni Senyora," ani Nanay Oreng sa kaniya. Marahan lang siyang tumatango sa mga sinasabi nito sa kaniya.

"Magandang umaga ho Senyora Elizabeth at Senyor Julio," bati ni Nanay Oreng sa mga ito. Bumati rin siya ng magandang umaga sa mga ito at ginaya lang ang sinabi ni Nanay Oreng.

"Magandang umaga naman sa inyo. Siya na ba ang pamangkin mo na sinasabi mong gustong pumasok dito sa mansyon ha Oreng? Siya ba si Andrea?" kaagad na tanong ng babae.

"Siya na nga Senyora," ani Nanay Oreng.
Pakiramdam niya ay namamawis ang mga palad niya lalo na nang suriin siya ng tingin ng mag-asawa. Napawi ang kabang nararamdaman niya nang ngumiti ang mga ito sa kaniya.

"Ang ganda pala ng pamangkin mo Oreng, may kamukha siyang artista," sabi ng babae. Kinabahan siya at nakagat niya ang ibabang labi.

"Si Alma Guanzon. Kahawig niya ang paborito kong artista," sabi nito. Pinilit niyang ngumiti kahit dumadagundong sa kaba ang dibdib niya. Kamukha pala talaga niya ang Mommy niya. Pero kahit sila ang magkamukha ay hindi siya nito paboritong anak. Mas mahal nito ang ate niya.

"S-salamat ho," nahihiyang sagot niya.

"Hija, puwede ka ng magsimula ngayon. Ang magiging trabaho mo lang naman dito ay ang dalhan palagi ng pagkain si Shan sa loob ng silid nito. Ikaw na rin ang magbibigay ng gamot nito sa tamang oras," sabi ni Senyor Julio sa kaniya. Malumanay ang tinig nito.

"Sa totoo lang ay walang tumatagal kay Shan kaya papalit-palit din ang nagsisilbi sa kaniya. Ang iba nga ay tumatanggi na. Umaasa ako na makakatagal ka sa kaniya. Kami na agad ang humihingi ng pasensiya ngayon pa lang kung masusungitan ka man niya. Nagkaganiyan lang naman siya noong nagkasakit siya, pero umaasa kami na babalik din siya sa dati lalo pa at pansamantala lang naman siyang hindi makalakad," mahabang litanya pa ni Senyor Julio. Tumango siya sa mga ito.

"Naiintindihan ko po," sabi niya sa mga ito.

"Oh siya aalis na muna kami. Oreng, ikaw na muna ang bahala at magmando ng gagawin ni Andrea okay?" anang mag-asawa.

"Oho Senyorita," sagot naman ni Nanay Oreng at bahagya pang yumuko.

Nang umalis ang mag-asawa ay naiwan siya kay Nanay Oreng.

"Andrea, oras na ng pagkain ng umagahan ni Senyorito Shan. Ikaw ang magdadala ng pagkain sa kaniya. Ituturo ko sayo ang silid niya," ani Nanay Oreng. Tumango naman siya dito.

Bitbit ang tray ng pagkain ay nagtungo si Andrea sa silid na itinuro sa kaniya ni Nanay Oreng kung saan naglalagi ang Senyorito nila.
Medyo nawiwirduhan siya dahil bago ang ganito sa kaniya at hindi siya sanay. Sa bahay nila ay siya ang pinagsisilbihan ngunit dito ay baliktad na. Pero dahil ito ang pinili niyang buhay ay wala na siyang choice kundi gawin na lang ang magiging trabaho niya.

Kumatok siya sa pintuan ng silid ngunit wala namang sumasagot kaya tinulak na lang niya ang pinto at wala ng pahintulot na pumasok sa loob.

Madilim ang loob ng silid at may nakita siyang isang bulto ng lalaki na nakatalikod habang nakaupo sa wheelchair. Nakaharap lang ito sa malaking bintana.

"M-magandang umaga ho Senyorito," sambit niya sa nanginginig na tinig. Bakit parang mas tumindi ang kaba niya ngayon?
Wala siyang sagot na narinig mula dito.

"Oras na po ng pagkain niyo kaya dinalhan ko kayo ng umagahan. Ako po ang bago ninyong katulong—"

"Sino ang nagbigay sayo ng pahintulot na pumasok dito? Get out!" bigla ay putol nito sa sinasabi niya. Nagulat siya dito. Nakatalikod pa rin ito sa kaniya at hindi lumilingon man lang.

"Utos ho ng mga magulang niyo na dapat daw ay kumain kayo," sabi niya rito.

Unti-unting gumalaw ang wheelchair at humarap sa kaniya ang lalaki.

Tumambad sa kaniya ang mala-mexicanong itsura ng mukha nito. Matangos ang ilong, makapal ang salubong na kilay at nanlilisik ang mga mata. Ang akala niya ay binatilyo lang ang pagsisilbihan niya ngunit hindi pala. Mukhang nasa 30's na ang lalaki.

"Are you deaf? I said get out! Hindi ako nagugutom!" galit na asik nito sa kaniya. Bahagya siyang napaatras dahil umalingawngaw ang baritonong boses nito sa kabuuan ng silid.

"I-iiwan ko na lang ho ang pagkain," takot na sambit niya saka nagmamadaling lumabas ng silid nito. Bigla siyang natakot kaya lumabas na siya ng silid agad. Para kasi siyang malulusaw sa talim ng titig nito sa kaniya.
Diyos ko! Ano ba itong pinasok niya?

Pagkalabas niya ng silid ay kinalma niya ang sarili. Hindi pwedeng ganito. Unang araw pa lang ng trabaho niya tapos natatakot na agad siya. Kailangan niyang labanan ang kasungitan ng amo niya.

You Are The Reason (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon