"Kailangan ko ng umalis Shan," nahihiyang sambit ni Andrea kay Shan pagkatapos ng nangyari sa kanila. Baka mamaya ay may makakita pa sa kaniya. Kinakabahan siya. Malinaw ang isipan niya pero hindi niya akalaing mangyayari ang lahat ng ito. Ginusto nila ito pareho, hindi siya pinilit ni Shan. Kusa siyang nagpaubaya rito.
"Bakit? Galit ka ba sakin?" tanong ni Shan sa kaniya. Kita niyang nalungkot ang mga mata nito. Umiling siya sa tanong nito.
"Hindi. Kaya lang baka kasi may makakita pa sa akin dito, kinakabahan ako Shan," aniya sa binata.
"Bakit ka kakabahan? Isa pa wala namang makakakita sayo dito. Gabi na, I'm sure tulog na sila Mommy at Daddy," sagot ni Shan sa kaniya.
"Can you please stay here? Kahit ngayong gabi lang," pagsusumamo nito. Nakatitig ito sa mga mata niya, malamlam ang mga mata nito. Hindi niya alam kung bakit sa isang simpleng titig lang nito sa kaniya ay wala na naman siyang magawa kundi ang sumunod kay Shan. Hinila siya nito pabalik sa kama.
"Shan, baka pagalitan ka ng Mommy mo dahil lang sakin," sabi niya dito. Hindi ito agad nagsalita bagkus ay hinila siya nito pahiga sa katawan nito. Napaunan siya sa matipunong dibdib nito. Naramdaman niyang yumakap ang braso nito sa kaniya.
"Stay here Andrea..." bulong nito.
Kahit na kinakabahan siya ay pumayag siya sa nais nito. Sa loob ng silid ni Shan siya nagpalipas magdamag.
Kinabukasan ay naunang gumising si Shan sa kaniya. Medyo napasarap ang tulog niya. Nagulat pa siya nang makita niya itong nakatayo sa harapan ng bintana at nakatukod ang kamay sa pader. Nakatanaw ito sa kawalan. Paano itong nakatayo doon ng mag-isa?
"Shan..." pukaw niya sa atensyon nito. Dahan-dahan naman itong lumingon sa kaniya. Ngumiti ito nang magtama ang mga mata nila.
"Good morning Andrea," bati nito sa kaniya. Nagtatakang bumangon siya sa kama at lumapit sa binata.
"Paano kang nakatayo diyan ng mag-isa?" tanong niya dito.
"Matagal ko ng sinusubukan ito, alalay lang ang ginagawa ko Andrea, kumakapit ako sa mga dapat kong kapitan para maging alalay ito ng katawan ko. Narealize ko na kaya ko naman pala at unti-unti na akong nasasanay," nakangiting sabi nito. Napangiti rin siya dahil sa sinabi ni Shan. Masaya siya sa narinig niya mula rito. Masaya siya dahil tinutulungan na muli nito ang sariling makabangon. Hindi na ito ang unang Shan na nakilala niya.
"Talaga?" masayang sabi niya. Tumango si Shan sa kaniya at kumapit ito sa wheelchair saka dahan-dahang naglakad patungo sa puwesto niya. Kahit na mabagal lang at hindi pa ganun kaayos ay nagawa naman nitong makalapit sa kaniya.
"See? Kaya ko na di ba?" anito.
Tumango siya.
"Oo nga, ang galing!" masayang sagot niya.
"Thanks to you Andrea, dahil sayo ay unti-unti na akong nagkakaroon ulit ng pag-asa," sabi nito at naupo sa kama sa tabi niya.
"Mabuti naman. Siya nga pala, lalabas na ako. Kukuhanan na kita ng pagkain at gamot mo," sabi niya dito. Tumango naman si Shan sa kaniya.
"Sige," sagot nito.
Lumabas na siya ng silid. Sumilip muna siya kung may tao na ba sa labas, sakto naman na wala pa kaya tuloy-tuloy siyang lumabas at maingat na isinara ang pintuan ng kwarto ni Shan.
Nagtungo muna siya sa silid niya at naligo, saka lang siya muling lumabas matapos siyang maligo at makapag-ayos ng sarili. Pagkalabas niya ay naroon si Nanay Oreng."Oh Andrea, nadalhan mo na ba ng pagkain si Senyorito?" tanong nito sa kaniya.
"Ngayon pa lang ho Nanay Oreng," sabi niya.
"Oh sakto pala Andrea at nakaluto na ako," sabi naman ni Belinda. Ang isang katulong nila Shan na nakatoka sa pagluluto ng pagkain. Hindi nagkakalayo ang edad nito saka ni Nanay Oreng.
"Sige ho, dadalhan ko na si Senyorito," sagot niya at inihanda ang mga dapat niyang dalhin.
"Siya nga pala kaaalis lang nila Senyora. May importante raw silang aasikasuhin kaya baka mga ilang araw bago sila makauwi," ani Nanay Oreng sa kaniya.
"Ganoon ho ba, hindi ko pala sila inabutan. Nakakahiya ho medyo tinanghali ako ng gising," sabi niya.
"Ayos lang iyon Andrea, sige na dalhan mo na ng pagkain si Senyorito at baka kanina pa nagugutom iyon," sagot ni Nanay Oreng. Tumango siya dito at tumalikod na bitbit ang pagkain ni Shan.
Naglakad na siya patungo sa silid ni Shan. Hindi na siya kumatok at pinihit na lang niya ang seradura ng pintuan saka pumasok sa loob. Naabutan niya itong nakaupo sa kama at kaliligo lang. Topless ito. Kinukuskos pa nito ang basang buhok gamit ang tuwalya.
"Dala ko na ang pagkain mo. Kumain ka na," sabi niya dito. Ngumiti naman ito.
"Ikaw kumain ka na ba?" tanong nito sa kaniya.
"Huwag mo akong intindihin. Mamaya na ako kakain," sabi niya.
"Bakit hindi mo pa ako sabayan? Mas masarap kumain nang may kasabay Andrea," sabi nito. Nagbaba siya ng tingin at inilapag ang pagkain nito sa lamesa.
"Kakain din naman ako mamaya. Isa pa ay baka kung ano na ang isipin nila Nanay Oreng kung sabay pa tayong kakain dito sa silid mo," katwiran niya. Nakita niyang napabuntong-hininga ito.
"Bakit palagi mo na lang iniisip ang sasabihin nila? Andrea, wala namang masama sa ginagawa natin. Single ka naman at ako? W-wala rin naman akong nobya," sagot nito. Medyo nautal ito sa huling sinabi nito. Wala nga ba itong nobya? Sa pagkakaalam niya ay wala namang nangyaring break up sa pagitan nito at nung Aliyah na sinasabi sa kaniya ni Nanay Oreng. Mahal na mahal nga raw ito ni Shan. Parang may kumurot sa dibdib niya nang maisip niya ang bagay na iyon.
Hindi na lang siya kumibo sa sinabi ni Shan. Bigla tuloy siyang napaisip kung ano ba ang itsura ng Aliyah na iyon.
"Andrea?" untag ni Shan sa kaniya nang mapansin nito na natulala na siya.
"Kumain ka na, sa labas na lang ako kakain. Tawagin mo ako kung may kailangan ka pa," sabi niya dito. Kumunot naman ang noo noo ni Shan sa kaniya.
"Galit ka ba?" bigla ay tanong nito.
"H-ha? Bakit naman ako magagalit? Hindi no," sagot niya dito.
"Akala ko galit ka. Ayaw mo ba talaga akong sabayan?" pangungulit nito sa kaniya.
"Hindi na Shan, sa labas na lang ako kakain," sagot niya. Hindi na kumibo si Shan pero napansin niyang parang naging malungkot ang mga mata nito. Kahit nang lumabas siya ng silid nito ay tahimik na ito. Nagalit ba ito sa kaniya? Bumuntong-hininga siya at sakto naman na nung lumabas siya ay kumakain na sila Nanay Oreng. Tinawag siya nito at pinasabay sa pagkain ng mga ito.
BINABASA MO ANG
You Are The Reason (Ongoing)
RomanceDahil sa sobrang sakit ng kalooban dulot ng kaniyang nobyo at kapatid ay lumayas si Andrea sa kanilang lugar. Gusto niyang magpakalayo-layo dahil sa pagtataksil ng mga ito. Ngunit hindi niya inaasahan na ang pag-alis niyang iyon ay magkakaroon ng ka...