Hindi alitana ni Andrea ang pangangalay ng mga binti kahit pa isang oras na siyang nakatayo at pinanonood ang mga tauhan ng hacienda na nasa gitna ng bukid. Ang presko ng hangin habang nakatayo siya. Tinatangay ng hangin ang buhok niya.
Mag-iisang linggo na siya sa hacienda pero ganoon pa rin ang amo niya sa kaniya. Masungit pa rin ito at bugnutin. Mabuti na nga lang at nasasanay na siya sa kasungitan at mga sermon nito. Ang ginagawa na lang ng tainga niya ay pasok sa kabila tapos labas naman sa kabila. Kailangan talaga na maging ganito siya kung gusto niyang tumagal sa trabahong ito na kailangang-kailangan niya ngayon.
Katulad kaninang umaga, dinalhan niya ng pagkain si Shan pero tinikman lang nito iyon ng isang subo at pagkatapos ay ayaw na raw nito. Nang pilitin niya ito na dagdagan pang kumain ay nagalit na naman ito sa kaniya at tinabig pa ang pinggan dahilan para bumagsak iyon sa sahig at magkalat ang pagkain. Naglinis pa tuloy siya kanina ng kalat.
Nasa labas ngayon si Shan at katulad niya ay nakatanaw lang din ito sa malawak na bukirin habang nasa ilalim ng punong mangga. Magkalayo sila pero natatanaw niya pa rin ang salubong nitong mga kilay.
Minsan naiisip niya kung wala na ba itong balak na gumaling, kasi kung gusto nito na bumalik sa dati, sana ay tinutulungan nito ang sarili nito. Napabuntong-hininga na lang siya. Maya-maya ay narinig niya na tinatawag siya ni Nanay Oreng.
"Andrea, dalhin mo na itong pananghalian ni Senyorito," ani Nanay Oreng sa kaniya. Inabot nito sa kaniya ang isang tray ng pagkain na kaagad naman niyang tinanggap. Oras na naman ng pagkain ni Shan. Kailangan na naman niya ng mahabang pasensiya.
Tiningnan niya ito mula sa malayo. Seryoso lamang ang mukha nito habang nakatanaw pa rin sa bukid.
Naglakad siya patungo dito bitbit ang pagkain na pinadadala ni Nanay Oreng. Mabilis na napukaw ng pagdating niya ang atensyon ni Shan. Salubong ang kilay nito habang nakatingin sa kaniya. Kahit naiilang siya ay pinilit niyang ngitian ito."Senyorito, oras na naman ng iyong pagkain," pilit ang siglang sabi niya dito. Hindi ito nagsalita. Nakatingin lang ito sa kaniya saka sa dala niya.
"Kailangan niyo pong kumain dahil dahil hindi ka naman nakakain kanina," sabi niya dito. Ang sama ng tingin nito sa kaniya at parang matutunaw siya.
"Bakit ba ang kulit mo? Ayokong kumain. Umalis ka sa harapan ko!" pagtataboy nito sa kaniya. Hindi naman siya nagpatinag sa sinabi nito.
"Paano kung hindi ko gawin? Hindi naman ikaw ang amo ko kundi ang mga magulang mo, so sila lang dapat ang sundin ko. Utos nila na pagsilbihan ka at bigyan palagi ng pagkain!" aniya dito. Naningkit ang mga mata nito sa kaniya at nagulat siya nang muli nitong hilahin ang braso niya. Pero bigla na lamang itong natigilan nang makita nito may pasa siya doon. Nagulat din siya dahil ngayon lang din niya napansin ang pasang iyon. Bigla niyang naalala yung araw na mahigpit siya nitong hinawakan sa braso. Nagkaroon pala ng pasa iyon.
Napansin niyang kumunot ang noo nito at napatitig sa pasa niya. Maputi pa naman siya kaya kitang-kita iyon. Pilit niyang binabawi ang braso niya dito pero hindi nito binitawan iyon.
"Ano ba bitawan mo nga ako," aniya dito. Saka lang siya nito binitawan. Natahimik ito bigla.
Ilang sandali na katahimikan bago ito muling nagsalita.
"Ako ba ang may gawa niyan?" tila kalmado na ang tinig nito.
Maang siyang napatingin dito dahil nararamdaman niya na parang may bahid ng konsensiya ang tono ng pananalita nito. Pati na rin ang mga mata nitong matalim kung tumingin ay biglang nagbago ngayon.
"W-wala ito," nauutal niyang sagot.
"I'm sorry," mahinang sambit nito.
Hindi siya makapaniwala sa narinig. Ngayon lang niya ito narinig na humingi ng sorry sa dami ng pagkakataong sinusungitan siya nito.
BINABASA MO ANG
You Are The Reason (Ongoing)
RomanceDahil sa sobrang sakit ng kalooban dulot ng kaniyang nobyo at kapatid ay lumayas si Andrea sa kanilang lugar. Gusto niyang magpakalayo-layo dahil sa pagtataksil ng mga ito. Ngunit hindi niya inaasahan na ang pag-alis niyang iyon ay magkakaroon ng ka...