"Anong nangyari sayo Andrea? Bakit nanginginig ka diyan sa sulok?" puna sa kaniya ni Nanay Oreng nang mapansin nito na parang nakakita siya ng multo sa isang tabi.
"Nadala mo na ba ang pagkain ni Senyorito?" tanong nito sa kaniya. Tumango siya dito at napangiwi.
"Ang sungit po pala talaga niya Nanay Oreng," aniya sa matanda. Bumuntong-hininga naman ito.
"Nasigawan ka niya ano?" hinuha nito.
Muli siyang tumango sa matanda.
"Alam mo Andrea, dapat ay masanay ka na dahil ganiyan talaga si Senyorito. Mainit lagi ang ulo niya, kaya ang ang sabi ko sayo ay walang tumatagal sa kaniya," sabi ng matanda. Naiintindihan naman niya iyon. Siguro ay naninibago siya pero masasanay din siya. Kailangan lang niyang tigasan ang loob niya.
"Pasensiya na ho Nanay Oreng. Wag kayong mag-alala, naiintindihan ko at masasanay din ho siguro ako sa kaniya," sagot niya dito. Ngumiti si Nanay Oreng sa kaniya at tinapik siya sa balikat.
"Sige, kumain ka na rin muna doon," sabi nito. Tumalima siya sa sinabi nito at nagtungo sa hapag-kainan upang kumain.
Alas dos ng hapon nang matanaw niya si Shan na inilalabas ng bahay. Hindi nito ginalaw ang pagkain na dinala niya noong umaga sa silid nito at ganoon din ang pagkain na dinala niya dito kanina bago mag-alas dose. Bakit ba ayaw nitong kumain? Hindi ba talaga ito nagugutom? Kaya siguro ang payat na nito.
Kapag bumababa ito ay nagtutulong pa ang dalawang lalaki na tauhan din ng mga ito sa hacienda upang makababa ito sa hagdanan. Lumalabas din naman daw kasi ito ng silid paminsan-minsan. Mabuti nga raw at hindi nito ginugusto na nakakulong lang palagi.
Napalunok siya nang makita niyang inaalalayan ito ng dalawang lalaki habang ibinababa sa hagdanan. Kinabahan siya lalo na nang balingan siya nito ng tingin habang nasa ibaba siya at nakatingala dito. Bumilis ang pintig ng puso niya nang magtama ang mga mata nila. Seryoso palagi ang mukha nito at parang laging galit sa mundo. Nakakailang na makipagtitigan dito kaya siya na ang unang nag-iwas ng tingin. Nang makababa ito sa hagdanan ay nakahanda na ang wheelchair nito at naupo ito doon. Siya naman ay lumapit na dito kahit kinakabahan siya. Siya kasi ang magtutulak niyon palabas. Palagi na lang niyang pinaalalahanan ang sarili na wag siyang magpadala sa kasungitan nito.
Wala itong imik nang simulan niyang itulak ang wheelchair palabas pero nararamdaman niya ang bigat ng prisensiya nito.
Hininto niya ang wheelchair kung saan natatanaw nito ang malawak na maisan. May ilang mga trabahador na nasa gitna ng bukid.
"Doon mo ako dalhin sa ilalim ng puno ng mangga," bigla ay sabi nito sa kaniya. Napalunok siya dahil ang laki ng boses nito at maawtoridad ang tono nito.
"O-opo Senyorito," kinakabahan niyang sabi. Natural lang siguro na hindi kaagad mawala ang kaba niya.
Nakasuot ito ng jogging pants na kulay gray, at nakasuot ito ng t-shirt na itim. Medyo mabigat ito dahil malaking tao ito pero kaya naman niyang itulak.
Walang imik na dinala niya ito sa gusto nitong puwesto. Nang naroon na sila ay hindi niya napigilan ang magtanong. Nag-aalala kasi siya dito dahil hindi pa ito kumakain buhat kanina.
"S-senyorito. Ayaw niyo ho ba talagang kumain? Wala pa hong laman ang tiyan niyo," aniya dito.
"Ano ba ang pakialam mo kung hindi ako kumain?" balik nito sa kaniya. Napayuko siya at bahagyang napahiya sa sarili ngunit sandali lamang iyon. Kailangan niyang labanan ang kasungitan nito sa kaniya.
"May pakialam ho ako dahil ibinilin ka sa akin ng mga magulang mo," sagot niya. Bigla siya nitong nilingon at hinawakan ang kamay niya. Mariin ang pagkakahawak nito sa kamay niya kaya gulat na gulat siya habang nakatingin doon.
"Kung natatakot kang mapagalitan, umalis ka na lang!" galit na naman nitong sabi. Humugot siya ng isang malalim hininga at kinalma ang sarili. Hindi siya puwedeng magpadala dito. Binawi niya ang kamay niya.
"Bahala ho kayo kung ayaw ninyong kumain. Hindi ko kayo pipilitin. Baka ho kasi ayaw niyong gumaling sa sakit niyo kaya kayo ganiyan," sabi niya sa lalaki. Kinukunsensiya lang niya ito at gusto niya itong mapaisip. Hindi ito kumibo ngunit ramdam niya ang malalalim nitong paghinga.
"Leave me here," pagtataboy nito sa kaniya. Napailing na lamang siya.
"Sige ho, maiwan ko muna kayo," sabi niya dito at nagmartsa paalis. Habang naglalakad siya palayo dito ay nararamdaman niyang nakatingin ito sa kaniya habang galit na galit.
Nakasalubong niya si Nanay Oreng nang malapit na siya sa mansyon. May dala itong nilagang saging na saba.
"Ano Andrea kumain na ba si Senyorito?" tanong nito.
"Hindi pa nga ho Nanay Oreng. Ayaw niya talagang kumain," sabi niya dito.
"Hay ang batang iyan talaga. Hayaan mo na muna. Dadalhan ko na lang siya ng miryenda," sabi nito.
"Eh paano ho yung mga gamot niya?" tanong niya dito.
"Mga vitamins lang naman iyon. Hayaan mo at ako na muna ang bahalang kumausap sa kaniya," ani Nanay Oreng. Nilingon niya ang kinaroroonan ni Shan. Kitang-kita niya ang direksyon ng tingin nito sa kanila. Kahit malayo ito ay nakikinita niya ang salubong nitong mga kilay. Ganoon ba talaga ito? Mas lalo lamang itong hindi gagaling agad kung palagi nitong ilulugmok ang sarili. Mas maraming tao nga ang may matinding pinagdadaanan kaysa dito. Humalukipkip siya at sinundan na lang ng tingin si Nanay Oreng nang magtungo ito sa kinaroroonan ni Shan. Nakita niyang inabutan ito ni Nanay Oreng ng saging. Noong una ay nakikita niyang abot ang tanggi nito pero hindi nagtagal ay tinanggap din nito ang isang saging at binalatan iyon saka kinain. Mabuti naman at kahit papaano ay magkakalaman na ang tiyan nito.
Ang trabaho lang niya dito ay ang maghatid ng pagkain kay Shan at painumin ito ng mga gamot nito. Dito na rin siya mag-sstay sa mansyon dahil may silid daw talaga ang bahay na ito para sa mga katulong. Kada linggo ang day off niya.
30K a month ang suweldo niya basta tumagal lang daw siya sa ugali ni Shan ay maaari pang tumaas iyon ayon kay Nanay Oreng. Pero sa ngayon ay iniisip niya kung makakatagal nga ba siya sa lalaking ito. Bigla niyang naalala ang ginawa sa kaniya ng kapatid at ex niya. Mas masakit naman siguro iyon kaysa sa mga sigaw at pagsusungit sa kaniya ni Shan. Mas gugustuhin na lang niya dito kaysa bumalik sa bahay nila na wala namang pakialam sa kaniya ang sarili niyang ina. Siguro nga ang Daddy lang niya ang nag-aalala sa kaniya ngayon dahil iyon lang naman ang laging nagpaparamdam sa kaniya na mahal siya nito.
BINABASA MO ANG
You Are The Reason (Ongoing)
RomanceDahil sa sobrang sakit ng kalooban dulot ng kaniyang nobyo at kapatid ay lumayas si Andrea sa kanilang lugar. Gusto niyang magpakalayo-layo dahil sa pagtataksil ng mga ito. Ngunit hindi niya inaasahan na ang pag-alis niyang iyon ay magkakaroon ng ka...