CHAPTER 21

32 4 0
                                    

Kinabukasan ay nagtataka si Andrea nang mapansin niya na nagtitipon ang mga tao malapit sa bahay kubo. Kakagising lang niya at hindi niya alam kung anong mayroon sa labas. Natanaw niya si Shan na naroon din habang nakangiti at nakikipag-usap sa mga tauhan. May napansin siyang mga nag-iihaw ng isda. Napakunot ang noo niya pero nawala din naman agad iyon nang mapatitig siya kay Shan mula sa malayo. Hindi niya alam kung bakit kusa siyang napangiti nang makita niyang nakangiti rin ito at tila magaan ang loob na nakikipag-kwentuhan sa mga trabahador na kasama nito.

Naputol lang ang pagtitig niya kay Shan nang dumaan si Nanay Oreng sa harapan niya. Agad siyang nagtanong dito.

"Nanay Oreng, ano hong mayroon sa labas? Bakit ho ang dami yatang tao?" nagtataka niyang tanong. May bitbit na basahan si Nanay Oreng.

"Ah iyon? Si Senyorito nais raw magpahanda ng tanghalian na kung tawagin eh boodle fight," sagot ni Nanay Oreng sa kaniya.

"Boodle fight ho?" ulit niya.

"Oo, kaya nga ang daming dahon ng saging na kinuha namin," sagot ni Nanay Oreng sa kaniya.

"Ano daw hong mayroon at may pa-boodle fight?" tanong pa niya.

"Ako nga rin eh nagtataka Andrea, wala namang okasyon pero gusto lang daw ni Senyorito na sabay-sabay tayong magkainan mamaya. Kaya nga ayun nagtutulong-tulong ang mga trabahador sa pagluluto ng mga ihahanda mamaya sa pananghalian," sagot ni Nanay Oreng. Napatango na lamang siya kahit pa nagtataka pa rin siya sa sinabi nito. Ano kayang naisip ni Shan at nagpahanda ito ng boodle fight?

"Oh siya sumunod ka na roon Andrea at tulungan mo kami," sabi ni Nanay Oreng sa kaniya.

"Oho Nanay Oreng," sagot naman niya dito at sumunod na patungo sa bahay kubo. Habang naglalakad siya palapit roon ay napalingon si Shan sa kaniya. Nawala ang atensyon nito sa taong kinakausap at kapagkuwan ay ngumiti ito sa kaniya at kumaway. Tila lumakas naman ang kabog ng dibdib niya dahil sa ginawa nito. Bakit ang gwapo gwapo nito sa paningin niya? Ano bang nangyayari sa kaniya? Para na siyang nagagayuma ng lalaking ito. Humugot siya ng isang malalim na buntong-hininga at kinalma ang sarili. Nang makalapit siya kay Shan ay hinawakan nito ang kamay niya. Nagulat naman siya at napatingin sa paligid, mabuti na lang at busy na ang mga tao kaya hindi napansin ng mga ito ang paghawak ni Shan sa kamay niya. Agad niyang binawi ang kamay sa binata. Kumunot naman ang noo nito.

"What's wrong?" nagtatakang tanong nito sa kaniya.

"A-anong mayroon? Bakit parang may handaan?" imbes na sagutin ang tanong nito ay nagtanong rin siya dito.

"Wala lang. Gusto ko lang na sabay-sabay tayong magkainan mamaya," sagot nito.

Naguguluhan pa rin siya kay Shan.

"Bakit?" tanong niya.

"Because I'm happy," sagot nito at muling ginagap ang kamay niya.

"Shan ano ba? Baka may makakita satin!" pigil ang boses na sabi niya sa binata pero hindi naman nito pinansin ang sinabi niya. Kinakabahan siyang napatingin sa paligid. Wala pa rin ang mga magulang ni Shan.

"I miss you," mahinang bulong nito sa kaniya. Naramdaman niya na hinapit pa siya nito sa baywang. Nakatayo siya sa gilid nito at hawak-hawak naman nito ang baywang niya habang nakaupo ito sa wheelchair nito. Mabilis ang pintig ng puso niya sa mga oras na ito.

"Andrea?" pukaw nito sa kaniya.

"B-bakit?" kinakabahan niyang tanong.

"Dalhin mo ako sa loob may kukuhanin lang ako," utos nito. Mabilis naman siyang tumalima sa utos nito at maingat niyang itinulak ang wheelchair nito papasok sa loob ng bahay. Hindi niya alam kung ano ang sinasabi nitong kukuhanin sa loob, sana ay siya na lang ang kumuha pero siyempre ay kailangan niya itong sundin. Nang makapasok sila sa loob ng mansyon ay nagtanong siya.

"Ano bang kukunin mo?" tanong niya dito.

"Wala," sagot nito sa kaniya. Nagulat siya sa sinabi nito kaya maang siyang napatitig sa mukha nito.

"Ha? Sabi mo may kukuhanin ka?" sabi niya. Bigla ay hinila siya nito sa kamay kaya napayuko siya sa mukha nito. Nanlaki ang mga mata niya nang walang ano-anong sinakop nito ang labi niya. Ang init ng halik nito. Mapusok at punong-puno ng pagkasabik. Hindi niya alam ang gagawin. Nabigla siya sa ginawa nito. Mga ilang segundo rin bago nito binitawan ang labi niya.

"God! I missed you so much!" anito habang nakatitig sa kaniya. Siya naman ay gulat na gulat pa rin. Ginusto lang ba nito na halikan siya kaya siya nito niyaya dito sa loob ng mansyon? Walang tao at silang dalawa lang ang narito.

"S-shan..."

"What? Kanina pa kita hinahanap miss na miss kita," seryosong sabi nito sa kaniya.

Malakas pa rin ang pintig ng puso niya, pero may kakaibang saya siyang nararamdaman bukod sa kaba. Bakit ganito?

"Wala ka man lang bang sasabihin?" tanong nito. Nakatitig pa rin ito sa kaniya. Gusto niyang sabihin na na-miss rin niya ito kahit ilang oras pa lang silang hindi nagkita pero pinigilan niya ang sarili. Nagugustuhan na rin niya si Shan at ayaw niya namang sabihin iyon agad agad sa binata.

"B-bumalik na tayo sa labas Shan, baka hanapin nila tayo," sabi niya dito. Ayaw niyang pag-usapan ang tungkol sa nararamdaman niya sa binata. Natatakot siya na baka maging komplikado ang lahat.

Hindi kumibo si Shan pero tumango ito.

"Sige," sagot nito sa kaniya. Nang akmang itutulak na niya ito ay bigla na lang bumukas ang pintuan at iniluwa niyon ang mga magulang ni Shan. Nagulat pa ang mga ito pagkakita sa kanila.

"Shan?" anang Daddy at Mommy nito. Si Shan ay hindi naman halatang nagulat sa pagdating ng mga ito. Nagpapalit-palit ng tingin ang mga ito sa kanilang dalawa ni Shan.

"Magandang umaga ho Senyora at Senyor," bati niya sa mag-asawa. Mabuti na lang at hindi inabutan ng mga ito ang nangyari sa kanila ni Shan kanina. Pero kinakabahan siya.

"Akala ko bukas pa kayo uuwi Dad?" tanong ni Shan sa mga ito.

"Ah, ang Mommy mo kasi eh pinilit na makauwi kami ngayon. Bakit ang daming tao sa labas? What's happening?" tanong nito.

"Nagpahanda ako ng boodle fight para sa aming lahat," sagot ni Shan.

"Boodle fight?" ulit ng Mommy nito.
Halatang nagtataka ang mga ito pero napatango na lamang.

"Well that's good, makakasama kami ng Mommy mo sa ipinahanda mo. Masaya iyon," sagot ng Daddy nito.

"Yes Dad, babalik na kami doon. Lumabas na lang kayo mamaya," sagot ni Shan. Humalik muna ito sa ama at ina nito bago sila muling lumabas at bumalik sa pwesto nila kanina. Saka lang siya nakahinga ng maluwag nang makalabas na sila.

You Are The Reason (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon