CHAPTER 20

31 2 0
                                    

Kanina pa pasulyap-sulyap si Andrea kay Shan, kanina pa rin sila magkatabi pero hindi siya nito pinapansin. Tahimik lang ito habang nakatingin sa kawalan. Hindi niya tuloy alam kung bakit ito nagkakaganito. Ano bang nagawa niya? Nag-aalangan tuloy siya na kausapin ito dahil baka mamaya ay bigla na lang itong magsungit.

Dumaan si Nanay Oreng sa gilid niya. Nandito sila sa bahay kubo na pahingahan ng mga tauhan. Dito sila tumambay ni Shan dahil malamig rito.

Inginuso sa kaniya ni Nanay Oreng si Shan nang mapansin nito na nakasimangot ito.

"May sumpong?" mahinang bulong nito sa kaniya. Nagkibit lang siya ng balikat kay Nanay Oreng dahil hindi naman niya alam ang dahilan kung bakit nakasimangot na naman si Shan.

Umalis na rin agad si Nanay Oreng dahil pamimiryendahin pa nito ang mga tauhan. Bumaling siya muli ng tingin kay Shan.

"Gusto mo bang dalhan na kita ng miryenda?" sa wakas ay naitanong niya sa binata.
Hindi naman ito umimik sa tanong niya. Seryoso pa rin ang mukha nito habang nakatingin sa kawalan. Ano bang dapat niyang gawin?

"Galit ka ba sakin? Bakit ka tahimik?" tanong niya dito. Sa tanong niyang iyon ay nilingon siya nito. Matiim ang mga matang tumitig ito sa kaniya.

"Hindi mo ako sinabayang kumain kanina," parang batang nagmamaktol na sabi nito. Pinigilan niya ang matawa. Iyon lang ba ang dahilan kaya ito nagkakaganito?

"Yun lang?" nagpipigil ng ngiting aniya.

"Anong ’yun lang? Nagtatampo ako sayo," sabi nito. Bigla ay nakunsensiya siya kaya mas lumapit pa siya dito at hinawakan ang balikat nito.

"Kaya ba hindi mo ako pinapansin at mahaba ’yang nguso mo?"

Napabuntong-hininga si Shan.

"Yeah. Gusto kong kasabay kang kumain eh. Bakit ba pinagdadamot mo pa sa akin ang bagay na iyon?" sabi nito sa kaniya.

Hinaplos niya ang balikat nito.

"Sorry na," mahina niyang bulong sa tainga nito. Tumitig naman ito sa kaniya at parang malulusaw na naman siya sa tiim ng titig nito. Pinagmasdan niya ang gwapong mukha nito. Ang tanga naman nung babaeng nang-iwan kay Shan. Iyon ang mga salitang naglakbay sa isipan niya.
Inilapit ni Shan ang mukha sa kaniya. Kaunti na lang ay magdidikit na ang mga ilong nila. Bumaba ang tingin nito sa labi niya at kapagkuwan ay tumingin ito sa paligid. Walang tao kaya naman mabilis nitong ginawaran ng halik ang labi niya. Nagulat siya sa ginawa nito samantalang napangisi naman ito matapos gawin iyon.

Tinampal niya ito ng mahina sa dibdib.

"Shan, bakit mo ginawa iyon?!" gulat na sambit niya at muling tumingin sa paligid. Mabuti na lang at walang tao.

"Why not? I miss your lips..." mahina nitong sambit. Ramdam niya na nag-init ang mukha niya dahil sa sinabi nito.

"You're blushing," nangingiting tudyo nito sa kaniya. Hinawakan niya ang magkabilang pisngi. Ano ba naman itong nangyayari sa kaniya. Kahit na hindi naman ito ang unang beses na nahalikan siya ni Shan ay parang laging hiyang-hiya pa rin siya dito.

"W-wag mo ng uulitin iyon. Baka mamaya ay may makakita sa atin," nangangambang sabi niya.

"And so what?" taas ang kilay na tanong nito.

"Shan naman..."

"Here you go again. Palagi mo na lang iniisip ang sasabihin ng ibang tao. Kung palagi kang ganiyan eh hindi ka magiging masaya sa buhay," sabi nito.

"Ayaw ko lang naman ng eskandalo. Ayaw ko lang na pag-usapan tayo ng mga tao," sagot niya at tumingin sa kawalan.

"Ano bang masama dun? I like you at wala akong pakialam sa sasabihin o opinyon nila. Hindi na tayo bata, ano ka ba?"

Bumuntong-hininga siya. Hindi siya maintindihan ni Shan. Natatakot kasi siya. Paano kung ayaw sa kaniya ng mga magulang ni Shan? Isa pa ay nagsinungaling siya sa mga ito para lang makapag-trabaho siya.

Naramdaman niya na hinawakan ni Shan ang kamay niya at pinisil iyon. Napatingin siya dito.

"I'm sorry," ito naman ang humingi ng tawad sa kaniya. Nagbaba siya ng tingin.

"Ikukuha na kita ng miryenda," sabi niya at tumayo. Ang totoo ay gusto lang niyang makaiwas. Hindi na nagsalita si Shan kaya nagtungo na siya sa mansyon upang kumuha ng pagkain. Saka lang siya nakahinga ng maluwag nang makalayo siya kay Shan. Hindi tama ang nararamdaman niya. Alam niyang nagugustuhan na niya ito pero mali.
Ipinilig niya ang ulo. Kung ano-ano na naman ang pumapasok sa isipan niya.

"Andrea okay ka lang?" puna sa kaniya ni Nanay Oreng. Napansin pala siya nito.

"H-ho Nay? Okay lang ho ako," pagsisinungaling niya sa matanda. Tila hindi ito kumbinsido sa sagot niya pero hindi na lang din ito nagtanong pa. Nilagang mais ang miryenda na paborito ni Shan, iyon ang natatandaan niyang sinabi sa kaniya ni Nanay Oreng at ito ang dadalhin niya ngayon sa binata. Nag-ipon muna siya ng hangin dahil baka mamaya ay kapusin na naman ang paghinga niya kapag magkaharap na silang dalawa. Nang matantiya niyang okay na siya ay muli siyang bumalik sa puwesto nila ni Shan kanina. Naabutan niya itong nakikipagkwentuhan sa isang tauhan. Nakangiti si Shan at ganoon din ang lalaki. May hawak na malapad na sumbrero ang lalaki at nagpapaypay pa ito sa sarili. Nang dumating siya ay nagpaalam na rin ang lalaki kay Shan.

"Magmiryenda ka na," sabi niya dito.

Napangiti ito nang makita ang dala niya.

"Paborito mo raw ang mais?" aniya dito.

"Yes. Sinong nagsabi sayo?"

"Si Nanay Oreng," sagot niya at naupo sa tabi nito. Kumuha ito ng mais at kinain iyon. Sinabayan niya itong kumain. Nakangiti ito habang nakatingin sa kaniya.

"Bakit?" nahihiya niyang tanong.

"I'm just happy kasi sabay tayong nagmimiryenda ngayon," anito. Napangiti siya at umiwas ng tingin.
Nahihiya siya na parang kinikilig. Pasaway talaga itong puso niya. Maya-maya ay hinawi nito ang buhok na humaharang sa mukha niya at inipit nito iyon sa tainga niya.

"Ang ganda mo Andrea..." sambit nito habang nakatitig sa kaniya. Mas lalong lumakas ang kabog sa dibdib niya dahil sa sinabi nito.

"S-salamat.." nahihiya niyang sagot. Hindi niya kasi alam kung anong dapat sabihin.

"Ang tamis ng mais no?" pag-iiba niya ng usapan.

Tumango naman si Shan sa kaniya.

"Yeah. Bagong pitas kasi," sagot nito. Kumuha ito ng softdrinks na dala niya at pinagbuksan siya nito ng isang coke in can. Inabot nito iyon sa kaniya.

"Salamat," sabi niya ulit dito. Parang ang simple lang ng buhay sa lugar na ito kahit na mayaman sila Shan. Napapansin niya na sanay ito sa simpleng pamumuhay kahit na mayaman ang mga ito. Natutuwa siya dahil hindi ito mahirap pakibagayan. Nagbukas din ito ng coke in can para sa sarili saka tinungga iyon. Siya naman ang napatitig sa binata.

Ang gwapo talaga nito. Ilang segundo siyang nakatitig dito pati na sa adams apple nito na gumagalaw kapag lumalagok ng softdrinks. Lalong lumakas ang dating nito sa paningin niya. Saka lang siya natauhan nang matapos na itong uminom. Napangiti ito at lumingon sa kaniya.

"Thanks ha? Nabusog ako. Ang bigat talaga sa tiyan ng mais," natatawang sabi nito sa kaniya. Napangiti siya dahil tama naman ito. Mabigat nga talaga sa tiyan ang mais. Hinimas pa nito ang tiyan sa busog. Natutuwa siya na makitang masayahin na ito ulit.
Sana ganito na lang ito palagi.

You Are The Reason (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon