Kinabukasan ay hindi alam ni Andrea kung paano niya haharapin si Shan. Pagkatapos ng naganap kagabi ay hindi na siya mapakali. Buong magdamag itong tumatakbo sa isipan niya. Dahil sa halik na iyon ay hindi na ito mawala sa isipan niya. Naiinis na nga siya at biling baliktad sa higaan kagabi kaya hindi siya nakatulog ng maayos.
Kahit mabigat ang katawan niya ay bumangon siya sa higaan at naligo. Oras na naman ng pagkain ni Shan at wala naman siyang choice kundi gawin ang trabaho niya. Naligo muna siya bago lumabas ng silid.
Pagkalabas niya ay nagulat pa siya dahil nasa harap na ng dining table si Shan at kumakaing mag-isa. Napatigil siya at biglang kinabahan. Ang bwisit na dibdib niya ay malakas na naman ang pintig.Mas lalo lang lumakas iyon nang lumingon si Shan sa kaniya.
"Aren't you going to eat breakfast with me?" malamig ang tinig na wika nito sa kaniya.
Seryoso na naman ang mukha nito pero wala na ang pagka-iritable sa itsura nito.Itinuro niya naman ang sarili.
"A-ako ho?" hindi makapaniwalang tanong niya.
Lumingon ito sa paligid."May iba pa bang tao dito?" balik nito sa kaniya. Napakurap siya. Silang dalawa lang ang tao ngayon sa loob ng mansyon. Siguro ay nasa labas sila Nanay Oreng.
"Come on Andrea, sabayan mo akong kumain," anyaya nito sa kaniya.
Hindi niya alam kung bakit parang nahihipnotismo siya ng lalaking ito. Napatango na lang siya at humakbang palapit dito. Naupo siya sa isang upuan at sinabayan itong kumain. Tahimik lang ito habang kumakain. Hindi siya makapaniwala na kumakain na ito ngayon at mukhang nag-eenjoy pa ito.
"M-mabuti naman at kumakain ka na," sabi niya dito. Tumango lang ito sa kaniya.
"Yeah, I think you're right. Kailangan kong tulungan ang sarili ko dahil kung hindi ay ako lang din naman ang mahihirapan," sabi nito sa kaniya. Mukhang natauhan na ito. Mabuti naman iyon nang makabawi na ito sa mga araw na palagi na lang daw itong nagmumukmok at masungit. Ngumiti siya dito. Ngumiti din ito sa kaniya. Ito ang unang pagkakataon na nakita niyang ngumiti ito ng matagal. Mas lalo itong gumwapo.
"Mas gwapo ka kapag nakangiti ka."
Huli na nang ma-realize niya ang mga katagang binitawan niya. Mas lalo tuloy napangiti si Shan sa kaniya.
"Really? Gwapo ako?"
Natutop niya ang bibig.
"Oh bawal ng bawiin," sabi nito sa kaniya at mahinang tumawa. Parang nag-init ang pisngi niya. Nakakahiya! Bakit ba niya sinasabi iyon? Baka mamaya ay kung ano na ang isipin nito. Aaminin niyang gwapo naman talaga ito, pero baka kasi mag-isip nito na may gusto siya dito.
Yumuko siya at itinuon ang mga mata sa pagkain. Sabay silang kumain ni Shan. Pagkatapos nitong kumain ay pinainom rin niya ito ng gamot.
"Gusto mo sa labas or magkukulong ka sa room mo?" tanong niya matapos itong makainom ng gamot.
"Dalhin mo na lang ulit ako sa labas. Mas gusto kong nakikita ang bukid," sabi nito sa kaniya. Tumango naman siya dito. At least ay hindi ito mahirap kausap ngayon.
Itinulak niya ito patungo sa lagi nitong tinatambayan. Nakita niya si Nanay Oreng na kausap ang mga tauhan ng hacienda. Kumaway pa ito sa kanila ni Shan nang makita sila nito. Kumaway din naman siya dito habang nakangiti. Wala na sila Senyora Elizabeth, siguro ay nasa trabaho na ang mga ito.Nang makarating sila sa lagi nitong tambayan ay naupo siya at dinama ang sariwang simoy ng hangin. Ang ganda talaga dito sa bukid.
Tahimik si Shan sa gilid niya. Pinagmasdan niya ito habang seryoso ang mukha nito at nakatanaw lang sa bukid. Sumilay ang ngiti sa labi niya.
"Ate Andrea!"
Nawala ang atensyon niya kay Shan at napatingin kay Olan na bigla na lamang sumulpot sa gilid nila.
"Oh, Olan nandiyan ka pala. Bakit?" tanong niya dito.
"Bakit ka po ngumingiti mag-isa?" kunot-noong tanong nito sa kaniya. Nanlaki ang mga mata niya lalo pa at napukaw ni Olan ang atensyon ni Shan na ngayon ay nakatingin sa kaniya.
"H-ha? A-anong nakangiti. Hindi naman ah?" wari ay sabi niya dito. Diyos ko naman ang batang ito, pati iyon ay napapansin pa.
"Kasi kanina po nakita kitang nakatitig kay Senyorito Shan tapos nakangiti ka," ani Olan. Kulang na lang ay hilingin niya na sana ay kainin siya ng lupa dahil sa matinding kahihiyan. Unti-unting sumilay ang ngiti sa labi ni Shan sa narinig nitong sinabi ni Olan.
"H-hindi ah!" pagkakaila niya pa pero napakamot lang sa ulo si Olan.
"Senyorito Shan, magpapalipad po ako ng saranggola mamaya. Okay na po ang sugat ko eh!" paalam ni Olan dito. Tumango naman si Shan.
"Sige Olan, puwede mo namang gawin ’yan anytime. Hindi mo na kailangang magpaalam sakin palagi. Mag-enjoy ka lang," sabi ni Shan dito. Napangiti naman si Olan.
"Salamat po Senyorito. Bakit po kaya sinasabi nila na masungit ka eh hindi naman pala? Ang bait-bait niyo nga po sakin eh!" ani Olan.
Nagtatakbo na si Olan palayo sa kanila. Sinundan na lamang nila ito ng tingin.
Parang ang sarap bumalik sa pagkabata. Yung tipong wala kang masyadong pinoproblema at puro paglalaro lang ang ginagawa mo. Yung tipong sugat sa tuhod lang ang dahilan ng pag-iyak mo at mga palo ni Nanay.
"Ang saya maging bata no?" aniya kay Shan. Tumango naman ito sa kaniya nang hindi lumilingon.
"Yeah, minsan nga naiisip ko na sana bata na lang ako ulit. Walang pinoproblema, magaan lang ang buhay."
"Ako rin."
Lumingon si Shan sa kaniya at nagtama ang mga mata nila.
"Ahm Andrea..."
"P-po S-senyorito?"
"About what happened last night. I'm sorry, I didn't mean for that to happen," sabi nito sa kaniya. Iyong halik ba ang tinutukoy nito? Pilit na nga niyang kinakalimutan iyon tapos pinaalala pa nito.
"W-wala ho iyon," sagot niya at umiwas ng tingin. Hindi niya kayang labanan ang tingin ng mga mata nito. Para siyang malulusaw. Naiintindihan niya na hindi nito sinasadya ang halik na iyon at walang ibig sabihin iyon.
"Wag mo akong iwan," sabi nito sa kaniya. Natigilan siya at nagulat sa narinig. Hindi niya inaasahang sasabihin nito iyon sa kaniya. Dati kasi ay itinataboy siya dito.
"Wag mo akong iwan. Hindi ko na uulitin iyon," sabi nito sa kaniya. Iniisip pala nito na iiwanan niya ito dahil nahalikan siya nito kagabi.
"H-hindi naman kita iiwan. Kailangan ko ng trabaho, ano ka ba?" Pinilit niyang siglahan ang tinig.
"Thank you Andrea," sagot nito sa kaniya. Marahan lang siyang tumango dito. Kakalimutan na lang niya ang halik na iyon dahil alam niyang wala namang ibig sabihin iyon kay Shan. Baka nabigla lang ito.
"Kukuha lang ako ng inumin," paalam niya kay Shan at umalis na sa tabi nito. Parang bigla kasing nanuyo ang lalamunan niya kaya kailangan niya ng tubig.
BINABASA MO ANG
You Are The Reason (Ongoing)
RomanceDahil sa sobrang sakit ng kalooban dulot ng kaniyang nobyo at kapatid ay lumayas si Andrea sa kanilang lugar. Gusto niyang magpakalayo-layo dahil sa pagtataksil ng mga ito. Ngunit hindi niya inaasahan na ang pag-alis niyang iyon ay magkakaroon ng ka...