Sa Nueva Ecija nakarating si Andrea pagkaalis niya kila Shantall kinabukasan. Talagang hindi na siya bumalik sa bahay nila. Ayaw niyang makita ang Mommy niya mas lalo na ang kapatid niya. Wala nga din siyang dalang mga gamit.
Napadpad siya sa isang bukirin at dito huminto. Natuwa kasi siya dahil ang sarap ng simoy ng hangin. Nakaka-relax ang pakiramdam at presko. May mangilang-ngilang tao na nasa bukid at nakikita niyang may sunong na sako ang mga ito.
Kinuha niya ang cellphone sa bulsa at pinicturan ang view. Ang ganda at ang linaw ng pagkakakuha niya. Mukhang simple at payak lang ang pamumuhay dito.
Nakakita siya ng isang bahay-kubo sa hindi kalayuan kaya nagtungo siya upang doon sumilong. Kahit kasi mahangin eh tirik pa rin naman ang araw. Masakit ang tama ng araw sa balat niya.
Nang makarating siya sa bahay kubo ay may nakita siyang mga basyo ng galon ng tubig. May mga bag din na nakapatong sa papag na kahoy. Mauupo lang naman siya. Wala naman sigurong babawal sa kaniya. Isa pa ay gusto niyang panoorin ang mga taong nasa kalagitnaan ng bukid. Parang maisan ang nakikita niya.
Maya-maya ay may lumapit na babae sa kaniya. May katandaan na ito. Nagulat pa ito nang makita siya.
"M-magandang araw ho," bati niya sa matanda.
"Magandang araw naman. Anong ginagawa mo dito? Hindi ka taga rito tama?" tanong nito sa kaniya.
"Ahm opo, nagpahinga lang po ako saglit. Gusto ko lang mapanood yung mga taong nasa kalagitnaan ng bukid kung ano ang ginagawa nila," sabi niya sa matanda. Kayumanggi ang balat nito at medyo marumi ang suot na mahabang damit. Marahil ay dahil sa pagtatrabaho nito sa bukid.
"Hmm, bakit ka napadpad dito? Alam mo ba kung anong lugar itong napasukan mo?" tanong nito sa kaniya. Medyo sumeryoso ang mukha nito kaya kinabahan tuloy siya.
"H-hindi ho..."
"Naku hija. Nandito ka sa Hacienda ng mga Oliveros. Bawal ka dito kung hindi ka naman nila trabahador," wika nito. Napalunok siya at kumunot ang noo.
"B-bawal ho? P-pero wala naman ho akong ginagawang masama," aniya sa matanda.
"Alam mo kasi hija, mga trabahador lang nila ang nakakapasok sa lugar na ito. Sayo ba ang kotseng asul na iyon?" tanong ng matanda. Nakapara ang kotse niya sa hindi kalayuan. Tumango siya sa tanong nito.
"Akin nga ho," sagot niya.
"Naku, baka makita pa iyon ni Senyorito. Baka malintikan pa kami dahil nagpapasok kami ng ibang tao na hindi naman nila tauhan," sabi ng matanda sa kaniya. Para bang natatakot din ito.
"Kung maaari sana eh umalis ka na hija. Hindi mo kasi kilala ang amo namin. Masungit iyon," sabi nito.
"Masungit? Bakit naman ho?"
"Ay basta! Sige na dalhin mo na ang kotse mo at umalis sa lugar na ito kung ayaw mong pati ikaw ay mapagalitan," anang matanda sa kaniya.
Bigla siyang nalungkot. Dito lang na-relax ang isipan niya tapos kailangan niya pang umalis agad. Dito lang niya naramdaman na wala siyang iniindang sakit dahil sa nakakahalinang tanawin pero bawal pa siya dito. Malas yata talaga ang buhay niya.
Pero nawiwirduhan siya sa sinasabi ng matandang ito. Bakit naman kaya ayaw magpapasok ng ibang tao ang kung sino mang senyorito na sinasabi nito? Ang sama naman ng ugali niyon.
Tiningnan niya ang matanda at nagpaliwanag dito."Napadpad lang naman ho ako dito dahil malaki ang problema ko at masamang-masama ang loob ko. Taga Maynila ho ako. Wag ho kayong mag-alala. Aalis na rin ako," sabi niya. Bigla naman ay parang naging interesado ang matanda sa kaniya o dahil sa sinabi niya.
"Bakit ano ba ang nangyari sayo?" tanong nito.
"Niloko ho ako ng nobyo at ng kapatid ko. Pinagtaksilan nila ako. Tapos ang nanay ko naman ay ayaw akong paniwalaan. Mas kampi pa sa kapatid ko. Iyon ho ang dahilan kaya nagpakalayo-layo ako at napadpad ako dito. Gusto ko lang naman po na makalimot. Ang sarap ng simoy ng hangin dito kaya napahinto ako," sabi niya. Natulala ang matanda sa kaniya. Siguro ay nagulat ito sa sinabi niya.
"Ganoon ba? Aba eh hindi nga pala biro ang pinagdaanan mo. Pero bakit gusto mo dito?" tanong ng matanda.
"Parang ang payak lang ho kasi ng pamumuhay dito. Malayong-malayo sa siyudad ng Maynila," sabi niya. Ilang sandali na natahimik ang matanda. Tila nag-iisip ito.
"Eh talaga bang gusto mo dito? Puwede ka namang pumasok bilang trabahador," anang matanda. Nagulat siya sa biglang pagbabago ng isip nito, pero nawalan din siya agad ng pag-asa nang mapagtanto niyang wala naman siyang alam sa ganitong gawain.
"Wala naman ho akong alam sa ganiyan," sabi niya at nalaglag ang balikat.
"Lahat naman ng bagay ay napagtututunan. Pero kung hindi mo talaga kaya ang ganitong trabaho pwede kang pumasok bilang katulong nila Senyorito. Tamang-tama at naghahanap ng katulong ang mga magulang niya," anito sa kaniya.
Kumunot ang noo niya dahil sa sinabi nito.
"Alam kong nagtataka ka, pero kasi may sakit iyong amo namin at walang tumatagal sa kaniya na katulong. Ang kailangan lang naman ay yung palaging may maghahatid ng gamot at pagkain sa kaniya. Saka iyong mahaba ang pasensiya," sabi pa nito.
"Bakit ho?"
"Dahil pansamantala siyang hindi makalakad dulot ng aksidente. Simula noon ay naging masungit na siya. Paralisado ang ibabang bahagi ng katawan niya. Pero mabait naman talaga iyon dati noong hindi pa nagkakaganoon," sagot nito. Napalunok siya.
"Bakit ho kailangan niya pa ng katulong eh may mga magulang naman ho siya na pwedeng gumawa niyon ’di ba? Yung pagpapainom ho ng gamot at pagdadala ng pagkain," aniya.
"Iyon na nga ang problema, busy sa trabaho ang mag-asawa. Maraming negosyo ang mga ito na hindi pwedeng basta na lang iwan," sagot nito.
"Ano gusto mo ba?" tanong ulit nito sa kaniya.
Kunsabagay ay magandang ideya ang sumubok sa ibang mga bagay. Baka mas madali siyang makalimot kapag ganito lalo pa at mag-iiba ang mundo niya. Wala rin naman siyang dalang pera kaya kailangan talaga niya ang magtrabaho. Ayaw na niyang bumalik sa kanila. Sa ganitong lugar niya gusto dahil marerelax ang utak niya kung ganitong paligid ang palaging makikita niya. Kailangan lang ay wag malaman ng mga ito na anak siya ng isang sikat na artista na si Alma Guanzon. Ayaw niyang malaman ng kahit sino dito na galing siya sa isang marangyang pamilya.
"Sige ho payag po ako," sagot niya sa matanda.
Ngumiti ito sa kaniya.
"Sige, kakausapin ko mamaya ang mga magulang ni Senyorito. Siya nga pala, tawagin mo na lang akong Nanay Oreng. Isa ako sa pinakamatanda at matagal na nilang katiwala," pagpapakilala nito sa kaniya.
"Salamat ho Nanay Oreng," sagot naman niya dito.
"Oh siya, itabi mo na muna ang kotse mo kung saan ito hindi makikita. Pwedeng doon sa likod ng bahay ko mo na lang iparada. Sumunod ka sa akin," sabi nito. Tumango siya at sumunod sa matanda patungo sa bahay nito.
Naglakad sila at hindi naman pala malayo ang bahay na tinutuluyan nito. Isang simpleng bahay kubo ngunit ang kalahati naman ay bato. Matapos makita ang pwede niyang pagparadahan ay dali niyang binalikan ang kotse at ipinarada ito sa likod ng bahay ni Nanay Oreng.
BINABASA MO ANG
You Are The Reason (Ongoing)
RomanceDahil sa sobrang sakit ng kalooban dulot ng kaniyang nobyo at kapatid ay lumayas si Andrea sa kanilang lugar. Gusto niyang magpakalayo-layo dahil sa pagtataksil ng mga ito. Ngunit hindi niya inaasahan na ang pag-alis niyang iyon ay magkakaroon ng ka...