Masayang-masaya si Shan at iyon lang ang tanging alam niya habang magkasama sila ni Andrea buong araw. Marami silang napag-usapan tungkol sa mga sarili nila, sa tingin nga niya ay mas lalo nilang nakilala ang isa't isa. Palubog na ang araw at nagpasya na rin silang umuwi na. Ayaw niyang abutan pa sila ng dilim dito.
"Kailangan na nating umuwi," aniya sa dalaga. Tumango naman ito sa kaniya.
"Oo, malapit ng magdilim. Baka nag-aalala na sayo sila Senyora," sagot nito. Inalalayan siya nitong makatayo at makaupo sa wheelchair niya. Inayos nito ang carpet na ginamit nila at ang ilang mga natirang pagkain.
"Sayang naman itong mga natirang pagkain. Iuwi natin Senyorito," suhestiyon nito sa kaniya. Hindi naman siya tumutol dito at hinayaan niya ito. Kinandong niya ang mga pagkain na tira nila dahil hindi iyon kayang dalhin ni Andrea. Itutulak pa siya nito. Nilisan nila ang lugar. Habang daan ay tahimik lamang sila pareho, kahit papaano pakiramdam niya ay nagkaroon ng kabuluhan ang araw niya dahil hindi lang siya nakakulong sa bahay or nakatambay sa labas ngayon. Pakiramdam niya ay nagkaroon ulit ng sigla ang buhay niya. Na-miss niya rin ang ganitong pakiramdam.
Tumikhim siya at nagsalita.
"Ahm Andrea..." pukaw niya sa dalaga.
"Bakit Senyorito?"
"Are you happy? I mean, ngayong araw. Nag-enjoy ka naman ba?" tanong niya dito. Sana ay napasaya rin niya ito.
"O-oo naman. Nag-enjoy ako. Salamat ha?" anito sa kaniya.
"No, ako ang dapat na magpasalamat sayo dahil sinamahan mo ako. Nag-enjoy din naman ako," sagot niya dito.
Nang makarating sila sa bahay ay naghihintay na sa kanila ang mga magulang niya.
Kitang-kita niya ang pagtatanong sa mata ng Mommy at Daddy niya nang makita sila nitong magkasama ni Andrea. May halong pagkagulat iyon."Magandang gabi ho Senyora at Senyor," bati ni Andrea sa mga ito.
"Kanina pa namin kayo hinihintay. Saan kayo galing na dalawa?" tanong ng Daddy niya.
"I just need some fresh air Dad. Nagpalipas kami ng oras sa ilog," sagot niya sa ama. Sa unang pagkakataon ay hindi niya ito binigyan ng masamang aura. Maganda kasi ang mood niya ngayon. Tila nagulat nga ito maging ang Mommy niya dahil malumanay lang ang sagot niya dito. Nagtatakang tumango ang ama niya.
"O-okay. Good for you," sagot nito na halatang nagtataka pa rin. Ang kaniyang Mommy naman ay parang napapantastikuhan din pero hindi na ito nagtanong pa.
"Kumain na tayo," sabi ng Mommy niya. Si Andrea naman ay tahimik siyang idinala sa harap ng hapagkainan at pagkatapos ay akmang tatalikod na rin ito dahil kakain na sila. Pero bago pa man ito tuluyang makatalikod ay nahagip niya ang kamay nito.
"Andrea," tawag niya sa dalaga.
Napalingon ito sa kaniya na halatang nagtataka. Ganoon din ulit ang Mommy at Daddy niya na napatingin sa kanya at kay Andrea.
"Bakit ho Senyorito? May iuutos pa ho kayo?" tanong nito sa kaniya. Parang naiilang ito dahil sa mga magulang niya na nakatingin sa kanila.
"Sumabay ka na sa amin kumain," anyaya niya sa dalaga. Nagulat naman ito. Tiningnan nito ang mga magulang niya at halatang nag-aalangan pa rin ito.
"H-hindi na ho Senyorito—"
"Andrea, sumabay ka na sa amin," pagsang-ayon ng kaniyang ina kaya hindi na natuloy ni Andrea ang dapat ay sasabihin pa sana nito. Napatitig siya sa kaniyang ina. Hindi niya inaasahan na sasabihin nito iyon. Ngumiti siya dito.
"Pero Senyora nakakahiya ho," sagot ni Andrea.
"Wag kang mahiya sa amin Andrea, sige na sumabay ka na sa amin kumain," sabi rin ng Daddy niya.
"Thanks Dad," mahinang bulong niya sa ama. Tumango lang ito sa kaniya. Napilitan si Andrea na bumalik at humila siya ng upuan sa tabi niya saka doon ito pinaupo.
Tiningnan niya ang dalaga at nginitian ito. Nag-aalangang ngumiti rin ito sa kaniya. Sabay-sabay silang kumain sa harap ng hapag-kainan. Walang masyadong imik ang mga magulang niya, mas mabuti na rin iyon dahil ayaw niyang mas lalong mahiya si Andrea sa mga ito. Hanggang sa matapos silang kumain ay saka lang nagpaalam si Andrea sa kanila. Pupuntahan na lang daw siya nito sa silid niya mamaya upang dalhin ang gamot niya. Kailangan pa raw kasi nitong maglinis.———
Malakas ang kabog ng dibdib ni Andrea nang pumasok siya sa silid niya. Hindi niya kasi inaasahan na pasasabayin siyang kumain ni Shan kaharap ang mga magulang nito kanina. Hindi tumitigil ang kabog ng dibdib niya kanina habang kaharap niya ang mga ito. Iniisip niya tuloy kung ano ba ang iniisip ng mga magulang ni Shan sa kanila. Baka iniisip nito na may namumuo ng pagtitinginan sa pagitan nila ni Shan. Buong araw silang magkasama kanina at pagkatapos ay yung mga tingin nito sa kaniya ay kakaiba. Kitang-kita niya na napapansin iyon ng mga magulang nito pero hindi naman umiimik ang mga ito.
Napahilamos siya sa sariling mukha at ibinagsak ang katawan niya sa kama. Tumingala siya sa kisame.
Bakit ganito ang nararamdaman niya? Bakit kayang-kaya ni Shan na pabilisin ang pintig ng puso niya? May dahilan ba ito?
Kailangan pa niyang dalhan ng gamot si Shan mamaya. Magkikita na naman sila at siguradong maghuhumerentado na naman ang tibok ng puso niya kapag nagkaharap sila ng binata. Ano ba itong nangyayari sa kaniya? Bigla na lang ay naging ganito siya at dahil iyon kay Shan. Aaminin niyang humahanga siya dito. Kahit sino naman siguro ay hahanga sa angking kakisigan nito pero alam naman niyang hindi ang isang tulad niya ang gugustuhin ng mga magulang ni Shan, lalo na at ibang tao ang pagpapakilala niya sa mga ito. Pero mas mainam na rin iyon. Ayaw niyang gumulo ang sitwasyon. Kailangan niyang isaksak sa utak niya ang tanging dahilan kung bakit siya nandito. Gusto lang niyang takasan ang masakit na buhay niya sa Maynila. Lahat ng sakit na dulot ng mga taong minahal niya ay tinakasan niya. Kung hindi niya gagawin ang bagay na ito ay baka mabaliw na siya. Masyadong mapait ang tadhana ng buhay pag-ibig niya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin naaalis sa puso niya lahat ng sakit na ginawa sa kaniya ni Arvin at ng kapatid niya. Ayaw na niyang isipin kung ano na ang nangyayari sa dalawang iyon ngayon. Wala na siyang pakialam sa mga ito kahit ano pa ang gawin ng mga ito.
BINABASA MO ANG
You Are The Reason (Ongoing)
RomanceDahil sa sobrang sakit ng kalooban dulot ng kaniyang nobyo at kapatid ay lumayas si Andrea sa kanilang lugar. Gusto niyang magpakalayo-layo dahil sa pagtataksil ng mga ito. Ngunit hindi niya inaasahan na ang pag-alis niyang iyon ay magkakaroon ng ka...