CHAPTER 8

2.3K 35 7
                                    

MAG-ISANG nililinis ni Faye ang buong kabahayan. Wala si Manang kaya siya lang mag-isa ang gumagawa sa bahay. Lumuwas ito sa probinsiya dahil nagkaroon ng emergency ang pamilya. Ayaw pa sana siyang iwan ni Manang ngunit giniit niyang okay lang siya.

Isa pa, hindi na naman umuuwi ang asawa niya kaya kampante siyang maiwan mag-isa. Nasasanay na nga siyang hindi ito nakikita.

Ngunit nagulat siya nang umuwi ito nang gabing 'yun na lasing na lasing.

"Oh nandito ka pa?" Kung nagulat siya na umuwi ito mas kinagulat niya ang sinabi nito. "Parang nagulat ka pa? 'Di ba sinabi ko na sa 'yo na maghiwalay na tayo. Doon ka na sa lalaki mo, pinapalaya na kita," sumusuray na sabi nito bago dumiretso sa taas. Hindi man lang siya nito binigyan ng pagkakataong magkapagsalita. Dinaanan lang siya nito na parang hangin. Muli, nasaktan na naman siya.

Siguro nga wala na talagang pag-asang mahalin siya nito. Kaya hindi na siya aasa. Masasaktan lang siya kaya mas mabuti na ang ganito.

Pumasok siya sa kaniyang silid at doon nilabas ang lahat ng sakit na nararamdaman niya. Ilang minuto siyang umiyak ng umiyak nang maisipan niyang mag-impake.

Umiiyak na sinilid niya lahat ng gamit niya sa maleta niya. Panay ang singhot niya habang nagi-impake.

Mas mabuti na nga siguro 'to. Kung mananatili siya sa poder nito siguradong araw-araw na sasama ang loob niya. Hindi niya kayang ipapahamak ang baby niya. Mahal niya ang batang 'to na nasa sinapupunan niya. Isa itong biyaya para sa kaniya. Kung hindi siya magawang mahalin ng tatay nito, wala na siyang magagawa. Ibubuhos na lang niya ang pagmamahal sa magiging anak niya. Ito ang nagbigay sa kaniya ng panibagong pag-asa. Kahit papaano ay may dahilan siyang ngumiti at maging masaya.

Hinila niya ang maleta palabas ng kuwarto nang matanaw niya sa sala ang asawa. May kausap ito sa telepono at hindi sinsadyang marinig niya ang usapan ng mga ito.

"Kailangan ko na talagang mapawalang bisa ang kasal namin ni Faye, magagawan mo naman siguro 'yan ng paraan para mapabilis ang proseso niyan 'di ba?" anito sa kausap. Natigilan siya sa narinig.

Naitakip niya sa bibig ang sariling palad nang sunod-sunod na tumulo ang luha niya at sa pagkakataong iyon ay hindi na niya alam kung paanong mawawala ang sakit sa dibdib niya. Hindi niya maiwasang masaktan. Tahimik siyang lumuha habang pinapakinggan ang sinasabi ng asawa niya sa kausap nito. Naninikip ang dibdib niya sa pagpipigil na mapahagulhol.

"Okay, salamat." Binaba nito ang telepono at nagmadaling umalis ng bahay. Mukhang hindi siya nito napansin.

Wala na sa paningin niya si Grey ngunit tila hindi pa rin siya makagalaw sa kinatatayuan. Talagang gusto na nitong makalaya sa kaniya. Wala ka na talagang pag-asa, Faye. Kalimutan mo na siya. Tama na ang pagiging martyr niya. Tapos na siya sa pagtitiis. Tama na. Panahon na para sarili naman niya ang isipin niya. Mabubuhay naman siya kahit wala si Grey sa buhay niya. Kaya niyang buhayin ang anak niya kahit mag-isa lang siya.

Mabigat ang pakiramdam na nilisan niya ang bahay na ilang buwan niyang pinag-tiisang tumira dahil sa pananakit sa kaniya ni Grey. Pero ngayon, malaya na siya. Magagawa na niya anumang gustuhin niya.

Tinatapos na niya lahat sa pagitan nila.

Malaya ka na, Grey. Sana ay maging masaya ka sa piling ni Celine.

MATAGAL na pinag-isipan ni Grey ang susunod na hakbang na kaniyang gagawin, sana lang ay tama ang naging desisyon niya. Ayaw na rin niyang mas saktan pa si Faye. Mahal niya si Celine at hindi niya ito iiwan. Hindi niya kaya, buong buhay niya itong minahal at mahirap para sa kaniyang iwan ito sa kabila nang kaalamang buntis ang asawa niya. Hindi niya kayang mawala ang kasintahan.

FAYE THE UNLOVED WIFE (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon